Chapter Twenty-Seven

438 41 2
                                    

TUMUNOG ANG open/close sign sa glass door matapos kong itulak ang pinto pabukas. Tanghaling-tapat na. Kahit walang air conditioner, malamig sa loob ng Bubble Wash Laundry Shop. Nalanghap ko ang flowery scent ng sabon. Tulad ng unang punta ko, malinis sa loob at naroon sa counter si Aling Puring. Ngumiti siya matapos magtama ang aming tingin.

"Ah! Si Jaira Geronimo," tumayo siya, lumakad, at niyakap ako.

"Kamusta po ang biyahe niyo? Nag-alangan akong pumunta ngayon kasi baka wala pa kayo."

"Last week pa ako nakabalik galing ng siyudad. Maayos naman ako," hinarap niya ako.

Inangat ko ang laundry plastic. "Gusto ko po sana maging customer niyo."

Tumawa siya. "Mukhang hindi na kailangan. Konti na lang, maayos na ang takbo ng tadhana niyo ni Maki."

Ngumiti ako nang pagak. "Aling Puring..."

Tumang-tango siya. "Alam ko, hija. Marami kang tanong." Kinuha niya ang laundry at lumapit kaming dalawa sa counter. "Walang kinalaman si Vixon sa paggising ng katawan ni Maki. Unang-una, katawang babae ang hinahanap niya. Pangalawa, walang bahid ng salamangka ang dugo ni Maki," diretsang sagot niya sa iniisip ko.

"Kung ganoon..." pinutol niya ang sasabihin ko.

"Gumising ang katawan ni Maki dahil sa modernong medisina. Iyon lang."

"Posible pala 'yon?" napangiti ako, "Gumising siya kahit wala siyang kaluluwa."

"Di mo lang nakikita. Ang nakakasalubong mo araw-araw, ang iba sa kanila, blangko ang katawan. Walang kaluluwa."

Alam ko na ang itsura ng taong walang espirito sa katawan. Hindi na kailangan magtanong. Kung humaba ang panahon na hiwalay ang kaluluwa niya, gapos pa rin sa akin... His body would be on his way to great evil. Tinignan ko ang kanang kamay, hinaplos ko ang palapulsuhan, hinahanap-hanap ko ang gintong punseras na wala na ngayon.

Paggising namin ni Maki sa umaga, wala na ang suot naming gintong punseras. Kahit isang bakas, wala. May pumasok daw ba sa kwarto niya habang magkayakap kami, himbing sa pagkakatulog, saka sila ninakaw, tanong niya.

"Pasensiya na, hija. Ordinaryong tao si Maki. Hirap ang utak niya na maapuhap ang memorya ng kaluluwa sa tuwing hihiwalay sa katawan. Maari lang itong maalala sa panaginip niya, at malilimutan din pagmulat niya ng mga mata sa umaga."

"Bakit sa pag tulog lang niya maaalala?"

"Kapag tulog, doon bumubulong ang kaluluwa sa kaniyang katawan, pinapaalala ang mga bagay na hindi alam tungkol sa sarili niya. Pero kahit gising, hindi man maipasa ng tuluyan ang alaala, dama ng katawan ang damdamin ng kaluluwa. Tandaan mo. Isang pagkatao lang sila na kailangan ang isa't-isa para mabuhay."

Napangiti ako.

Saka lang bumukas ang pinto, tumunog ang open/close sign sa salamin. Pumasok ang isang lalaki, humalo ang kaniyang pabango sa amoy ng buong lugar, at nanghina ang tuhod ko matapos niyang ngumiti sa akin.

"Tapos ka na?" lumakad si Maki at tumabi sa akin, "Hassle! Ang hirap maghanap ng parking lot sa kalsada."

"Hay, nako! Sabi ko naman kasi sa 'yo, maglalakad na lang ako," paalala ko sa kaniya, "Ikaw 'tong nagpumilit na samahan ako sa laundry shop tapos magrereklamo ka?"

"Tsk! Ayaw mo ba akong kasama ngayon?! Monthsary natin. Ayoko maging katulad ng ibang lalaki na pinababayaan maglakad sa kalsada, madumihan, at mausukan ang girlfriend nila."

"Akala mo sa akin? Baldado? Illiterate? Kaya kong pumunta dito mag-isa."

Nanlisik ang mga mata niya. "Patibong ba 'yan? Women are so confusing. When they say no, they actually mean yes."

Nirolyo ko ang mga mata at ngumiti. Tumingin ako kay Aling Puring. Tama po kayo. Isang pagkatao lang sila. Dakilang reklamador.

Tumawa si Aling Puring. "Ito ba ang boyfriend mo, Jaja?" tanong niya.

"Opo," tinignan ko ang reaksiyon ng nobyo ko, "Maki, ito nga pala si Aling Puring. Kaibigan ko."

Tumingin si Maki kay Aling Puring. Tumango siya. "Kamusta po? Ako po ang boyfriend ni Jaja."

Walang bahid ng rekognisyon sa mukha ni Maki. Hindi niya alam kung ano ang mahikang bumabalot sa labahan ni Aling Puring. Lahat ng aming pinagsamahan, mga kayamanan iyon na ako lang ang magtatago.

Babayaran ko sana ang laundry ko, pero ang sabi ni Aling Puring, libre na daw. Nagpasalamat kaming dalawa ni Maki at naglakad na pabalik sa kotse niya. Dadalhin niya ako sa the finest wining and dining of all the wines and dines in town mamayang gabi dahil monthsary namin. First monthsary.

Maraming tao sa sidewalk. Naglalakad sa paroroonan nila. Bumper to bumper ang kotse sa kalsada. Tirik ang araw. Madumi sa lansangan tulad ng nakasanayan.

"Magbabakasyon ako sa Tokyo, Japan next year sa birthday ko," kwento ko kay Maki habang naglalakad kami pabalik sa kotse niya, "Sama ka ba?"

Pinagbuhol niya ang kamay namin. "Hindi pa rin ako makapaniwala na bumili ako ng plane ticket, last minute, para sundan ka. Sinaniban siguro ako ng masamang espirito." Inipon ni Maki ang lahat ng resibo, binilang ang lahat ng ginastos niya para sundan ako sa South Korea. Muntikan na siya mahimatay. Bigla siyang natauhan.

"Alam mo kung bakit?" kumindat ako, "Patay na patay ka kasi sa akin."

Pinigilan niya ang ngiti. "Alam mo naman pala," pagtataray niya, "Kaya palitan mo na ang relationship status mo sa Facebook at iduktong ang pangalan ko."

"Ayoko nga. Baka malaman nilang lahat sa shopping mall." Pero agad kumalat ang balita sa 156 Building. Thanks to Deedee. Nagkaroon ng beacon of hope ang mga kapos palad. Ginawa pa akong shield sa malakas na boses ni Maki. Kapag ako na ang humarap, tatahimik na siya, ngingiti at ligtas na ang tenant.

"Bakit ayaw mo?" nagtaas siya ng boses, "Kinakahiya mo ba ako?"

Tumawa ako nang malakas.

"Palitan mo na ang status mo sa Facebook. Para hindi ko na iisipin ang mga unggoy sa building ko na tumitingin sa 'yo."

"Ayoko nga."

"Jaira!" tawag niya sa akin kapag napipikon na siya. "Palitan mo na."

"Kapag naasar ako sa 'yo, ikaw ang papalitan ko."

"Palitan mo ang status sa Facebook. Kung hindi..." delikadong babala niya.

"Kung hindi, ano?!"

Tumigil siya sa paglalakad sa sidewalk na punung-puno ng mga tao. Hinatak niya ako, at tumama ako sa dibdib niya.

Suminghap ako sa gulat. Nalanghap ko ang amoy niya, tumingala ako at nagtama ang aming mga mata.

Hinawakan niya ako sa mga pisngi. Nasilayan ko ang kaniyang ngiti bago siya yumuko at sinakop ang aking mga labi sa harap ng maraming tao. Ngumiti ako bago rumesponde. Pinalibot ko ang mga braso sa kaniya at pumikit.

Siguro balang araw. Sasabihin ko sa kaniya ang munting biyahe na ginawa ng kaluluwa niya kasama ako. Balang araw.

Cage My SpiritWhere stories live. Discover now