CF - 6

273 15 1
                                    

THE MEMORY.


Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Hindi ko kayang titigan siya sa mga mata dahil hindi ko alam kung saan ako masasaktan. Hindi ito ang inaasahan ko.

"Ikaw si Ayla Encarquez 'di ba?" pag-uulit niya pa sa unang sinabi kanina.

Napalunok ako. Hindi ko alam kung giginhawa ba ang pakiramdam ko dahil hindi nangyari ang inaasahan ko o masasaktan dahil nga ako na lang ang nakakaalala sa nakaraan.

"S-Sir Vad..." pahapyaw akong ngumiti, hindi alam kung ano ang sasabihin. Meron ba dapat?

"Grabe, ilang taon kitang hindi nakita. Kumusta ka na?" bumalik ang tingin ko sa kaniyang mga mata.

Nasa iisang bayan lang tayo, palagi kitang nakikita, pero ako nga pala si nobody kaya hindi mo na talaga ako mapapansin. Ibang-iba ka na talaga.

"O-Okay lang, heto b-buhay pa rin," sagot ko, hindi makatingin sa kaniyang mga mata. "Sige po, Sir Vad, kailangan ko na po kasing umalis."

Hindi ko na hinintay ang sagot niya, basta na lang akong umalis sa kaniyang harapan para bumalik kung saan naglalagi ang iba pa naming kasamahan.

Sunod-sunod na paghinga ang ginawa ko. Sinusubukang pakalmahin ang sumasabog kong puso dahil sa kaba at iba pang nararamdaman ko sa kalooblooban ko. Gusto kong umiyak pero ewan ko, nagugulohan ako.

"Okay ka lang, Ayla?" agad na tanong sa akin ni Tita Gina nang makabalik na ako sa puwesto namin.

Pagak akong ngumiti sa kaniya at tumango na para sa sagot.

"Pagod ka na ba? Kaonting tiis na lang at matatapos din tayo rito," dugtong ni Tita Gina sa sinabi niya kanina.

Tuluyan akong ngumiti sa kaniya para hindi na siya mag-alala pa. "Okay lang po talaga ako, Tita Gina. Hindi po ako pagod. Kayang-kaya ko pa po," paninigurado ko sa kaniya.

Tumango siya at tinapik ang aking balikat. "Sa bahay ka na matulog ha? Nakapagpaalam ka naman siguro sa mga magulang mo, 'di ba?"

Tumango ako bilang sagot at hindi na niya hinabaan pa ang aming pag-uusap dahil may umagaw na sa kaniyang pansin.

"Hoy Ayla! Nakita ko kanina..." nilingon ko naman ngayon si Zubby na mukhang kakarating lang sa puwesto namin. "Kina-usap ka niya? Ano'ng sinabi niya sa'yo? Ano'ng ginawa mo? Hoy? Okay ka lang?" sunod-sunod na tanong niya.

Malawak akong ngumiti kay Zubby para ipakita sa kaniyang okay lang ako.

"Okay lang ako, Zub, walang kakaibang nangyari. Nagtanong lang siya tungkol sa ibinigay kong pagkain," pagdadahilan ko kahit hindi naman iyon ang sinabi ni Vad sa akin. "Wala na sa akin 'yon, Zub, okay na talaga ako. Magtiwala ka sa akin," dagdag na sabi ko pa para hindi na niya isipin pa na naapektuhan ako sa paghaharap namin ni Vad.

Malalim na nagbuntonghininga si Zubby at tinapik ako sa balikat. "Mabuti naman at okay ka na. Sabi sa'yo, wala na lang sa kaniya ang kung ano man ang nangyari sa nakaraan e."

'Yon nga ang masakit, Zubby, ang katotohanang wala na lang pala sa kaniya ang nangyari noon at muntik niya pa akong hindi makilala. Ako na lang pala ang naiwan.

"O siya, sige, balik sa trabaho," aniya.

Pinagbutihan ko ang pagta-trabaho ko. Huling araw ko na ito at eleksiyon na sa makalawa. Kaonting tiis na lang, Ayla.

Madaling araw na kaming natapos kaya sakto lang na dito ako ngayon matutulog sa bahay nina Zubby. Sa sahig ng kuwarto nilang dalawa ni Zenna, nilatagan ako ni Tita Gina ng banig at manipis na foam, binigyan ng isang unan at kumot. Hindi kasi kami magkasya ni Zubby sa kama niya kaya rito na ako sa sahig.

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon