CF - 21

230 12 1
                                    

“Mas kalmado, mas delikado.”

THE REVELATION.

Anak ng baboy, ang sama na naman ng tiyan ko!

Umagang-umaga, pagduduwal na naman ang sumalubong sa akin. Dumiretso ako sa lababo at isinuka ko lahat, pati kaluluwa ko, inilabas ko na.

Ilang buwan ko nang nararamdaman ‘to, aabot na nga yata ng dalawa o tatlong buwan, e. Gusto ko sanang magpa-checkup sa isang espesiyalista o ‘di kaya sa health center ng bayan namin kaso wala akong oras atsaka baka dagdag gastos lang sa’kin ‘yon. Siguro, normal lang itong nararamdaman ko kahit parang may kakaiba na sa akin.

Halos ingudngud ko na ang mukha ko sa lababo, baka sakaling sa ganoong paraan ay mailabas ko lahat at nang hindi na bumalik kinabukasan.

“Ayla, okay ka lang?”

Anak ng baboy!

Agad kong nilingon ang direksyon ng pinto palabas ng kusina nang bigla kong narinig ang boses ni Nanay. Nakatayo nga siya sa may pinto at nagtatakang nakatingin sa akin. Pinahiran ko ang bibig ko at naghanap ng rason para hindi na mag-alala si Nanay. Walang alam si Nanay sa pagsusuka kong ito dahil sa tuwing nagigising ako dahil sa pagsusuka, saktong wala na sila ni Tatay sa bahay.

“’N-Nay…”

Ayokong mag-alala si Nanay at ayoko na siyang abalahin pa. Kapag nalaman niyang may mali sa akin, siguradong pipilitin niya akong magpatingin sa doctor lalo na ngayong may trabaho na ako at kaya ko nang ipatingin ang sarili ko sa mga espesyalista.

“Okay ka lang ba, Ayla?” Tanong ulit ni Nanay sa isang matigas na paraan. Mariin siyang napatingin sa akin.

“O-Opo, ‘Nay. Okay lang po ako. Ganito lang po ako araw-araw, dahil lang po siguro sa acid,” pagdadahilan ko.

Biglang nabitiwan ni Nanay ang dala niyang sako at biglang lumapit sa akin, hinawakan ako sa magkabilang braso. Sa sobrang gulat sa mga galaw niya, hindi agad nag-sink in sa akin ang expression niyang gulat na gulat at seryosong nakatingin sa mga mata ko.

“Anong sabi mo? Araw-araw?”

Mas lalong humigpit ang pagkakapisil ni Nanay sa braso ko. May kirot ito pero hindi ko magawang kalasin ang pagkakahawak niya.

“O-Opo—“

Umiwas siya ng tingin sa akin at pa-iling iling pa sa kabilang banda saka niya ibinalik ang tingin sa akin, mas mariin na ngayon ang pagkakatitig at pagkakahawak niya.

“Nadatnan ka ba sa buwang ito?”

Anong klaseng tanong ‘yan?

Napalunok ako nang matindi dahil sa naging tanong ni Nanay. Napa-isip talaga ako at oo nga, nadatnan ba ako sa buwang ito?

“H-Hindi pa yata d-dumadating, ‘Nay.”

Dahil sa naging sagot ko, bigla niyang binitiwan ang pagkakahawak niya sa braso ko. Sinapo niya ang noo niya at halos magpaikot-ikot na sa kaniyang kinatatayuan.

“Okay lang po kayo—“

“Ayla! Magtapat ka nga sa akin! Buntis ka ba?” Huminto si Nanay sa ginagawa niya at ibinalik ang tingin sa akin. “Tumaba ka, mas dumami ang kinakain mo, ngayon nagduduwal ka pa araw-araw, at hindi pa dinadatnan. Sabihin mo sa’kin ang totoo, buntis ka ba, Aylana?”

Ano?

“’N-Nay?”

“Ayla, sumagot ka! Buntis ka ba? Totoo ba ang usap-usapan na may nobyo ka na? Siya ba ang ama nang dinadala mo? Aylana Rommelle, sabihin mo sa’kin ang totoo!”

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang