CF - 13

214 13 1
                                    

"I guess I stared too much that I was able to see when he looks at me."


THE JOB.


Trenta minutos na ang nakalipas, alas-otso na pero wala pa ring tao ang front desk na sinasabi ni manong sekyu. Maya’t-maya rin kaming napapatingin sa isa’t-isa nitong sekyung ito. Hindi ko alam, mukha kaming mga timang na dalawa, promise.

Napapatingin ako sa kaniya kasi nararamdaman kong maya’t-maya talaga ang tingin niya sa akin. Ewan ko ba kay manong sekyu. Nakaka-intimidate talaga.

Mahigpit ang naging hawak ko sa plastic envelope na palagi kong dala, tiningnan ko ang mga empleyadong isa-isang nagsipasukan na sa loob. Sa tuwing titingin ako sa front desk, wala pa rin talagang tao.

Hanggang ang trenta minutos na paghihintay ko ay naging isang oras. Tiningnan ko ang orasan sa aking cell phone.

Eight thirty-eight A.M. na pero mukhang wala pa ring tao roon sa front desk.

Maya-maya lang ay biglang umalingawngaw ang tunog ng teleponong nag-ring dito sa tabi ko. Tiningnan ko si manong sekyu na sagutin niya ang teleponong iyon. Hindi ko talaga inalis ang tingin ko sa kaniya. Mukha siyang may-ari ng gusaling ito kung makatinding at makasagot sa teleponong iyon.

“Good morning po, Ma’am…”

Ang sosyal naman ng sekyu nila rito, may sariling telepono. Akala ko ‘yung mga walkie-talkie ang gamit nila pero sosyal kasi telepono talaga.

“Mukhang wala pa, Ma’am. Pero may isang babae po rito na naghahanap daw sa’yo, Ma’am,” mas lalo akong nakinig sa kaniya no’ng banggitin niya ang tungkol sa presensiya ko, tapos saktong nilingon niya rin ako. “Ano nga ulit ang pangalan mo ineng?” tinakpan niya ang ibabang parte ng telepono para tanungin ako.

Umayos ako sa pagkaka-upo at agad sumagot. “A-Ayla Encarquez po.”

‘Yung seryoso at mukhang bugnuting mukha ng sekyu ay unti-unting napalitan ng gulat.

“Ikaw si Ayla Encarquez?”

Dahan-dahan akong tumango, medyo naguguluhan. Kilala niya ba ako?

Matinding tikhim ang ginawa niya tapos ay ibinalik niya ang atensiyon sa teleponong hawak niya.

“N-Nandito na po pala siya, Ma’am Kiara. Papapasukin ko na po ba?”

Oh? Si Miss Kiara ang kausap niya? Nandito na siya? Bakit hindi ko man lang nakita ang pagpasok niya? May iba pa bang lagusan itong gusali nila? Sa pagkakaalam ko kasi, ito lang ang entrance nila sa buong gusali. Mayroon pa bang iba?

Tumikhim ulit si manong sekyu tapos lumabas ang multo ng ngiti sa kaniyang labi habang nakatingin na sa akin. “S-Sige po, Ma’am. Papaakyatin ko na po.”

Sinusundan ko pa rin ng tingin ang bawat paggalaw ni manong sekyu. Dahan-dahan ang naging paglapag niya sa teleponong hawak niya kanina. Diretso ang kaniyang tingin at nang mailapag na ang telepono, dahan-dahan siyang lumingon sa akin na may sobrang lawak na ngiti.

“M-Miss Ayla, ‘di ba? Miss Ayla Encarquez?”

Sobrang lawak naman ng ngiti niya.

“O-Opo, ako nga po. Bakit po?” medyo nagtatakang tanong ko pa. Nawe-weirduhan pa rin kay manong sekyu. Kanina parang hindi maipinta ang mukha niya pero ngayon, daig pa ang pinakamasiyahing tao sa Pilipinas dahil sa lawak ng kaniyang ngiti.

“Miss Ayla! Good morning po! Hinahanap na po kayo ni Ma’am Kiara, Miss Ayla. Pumasok na po kayo sa loob.”

You, okay manong? Gusto kong itanong sa kaniya iyon pero pagak akong ngumiti at tumayo na sa aking mahigit isang oras na pagkaka-upo.

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon