CF - 24

225 13 1
                                    

"Bakit ba walang nakikinig sa akin?"



THE ORIGINAL GIRL.

“Hahahahaha!” Matapos niyang matulala ng ilang segundo, isang malakas na tawa ang kaniyang sunod na ginawa. “Seryoso kasi, Ayla, ano ba ‘yang pinagsasabi mo. Sinabi ko lang naman ‘yung na-observe ko kay Engineer, sinabi mo nang siya ang ama? ‘Wag gano’n, Ayla,” at tumawa na naman siya ulit.

Nanatili ang seryosong tingin ko sa kaniya, tuluyang natigil sa pagsasampay ng mga damit.

Sabi sa’yo, Ayla, wala talagang maniniwala.

Huminga akong malalim at pinakalma ang sarili.

“Anong sabi mo, Ayla?”

May panibagong boses ang namutawi sa aming likuran. Sabay naming nilingon ni Shame iyon.

“O, Zeke, sa’n ka ba galing? Kanina pa kami naglalaba ni Ayla rito. Ang tagal mo,” sagot ni Shame.

“Ano ‘yong sinabi mo kanina, Ay? Si Engineer Sonny ang ama ng anak mo?”

Seryoso ang paraan ng pagtingin ni Ezekiel sa akin. Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko habang nakatingin sa mga mata niyang seryoso rin at mariing nakatingin sa’kin.

“Joke lang ni Ayla ‘yon, Zeke, oy. Nagbibiruan lang kami, ‘di ba, Ayla?”

Gusto kong tumutol sa sinabi ni Shame pero sa sobrang seryoso ng pagkakatitigan namin ni Ezekiel, hindi ko magawang ibuka ang bibig ko para magsalita.

“Ganoon ba?” Nakatingin pa rin sa aking sabi ni Ezekiel.

“Oo nga sabi. Ano ba ‘yang dala mo? Merienda ba ‘yan? Sakto, malapit na kaming matapos ni Ayla rito, at saka gutom na rin ako.”

Iba ang tingin ni Ezekiel sa akin. ‘Yong tipong parang may alam siyang isang sekreto. ‘Yong tipong alam niyang may itinatago ako at alam niya kung ano ‘yon.

Nilagpasan ako ni Ezekiel at inilapag sa bakanteng lamesa ang plastic na dala niya. Humigpit ang hawak ko sa damit kong dapat ay isasampay ko kanina. Masiyado akong binagabag ng mga tingin ni Ezekiel sa akin.

Sinawalang-bahala ko kahit na nakakapagpabagabag sa akin ang paraan ng pagtingin ni Ezekiel  hanggang sa matapos kaming maglaba at inihatid na niya pauwi si Shame.

“Ay, totoo ba ‘yong sinabi mo kanina? Si Engineer Sonny ang ama?”

Nang makabalik si Ezekiel galing sa pagkakahatid kay Shame ay agad niya akong binalikan dito sa kuwarto at bumungad sa akin ang ganoong klaseng tanong niya.

Pagak akong ngumiti sa kaniya at nagpatuloy sa ginagawa, hindi na sinagot ang tanong niya.

“Ayla, alam mo bang pinag-uusapan ka na naman sa opisina?”

Hinawakan niya ang braso ko kaya napatigil ulit ako. Una kong tiningnan ang kamay niyang nakahawak sa braso ko saka ako tumingin sa mga mata niya. Naguguluhan.

“Usap-usapan? Ano namang pinagsasabi nila sa akin?”

Medyo nabahala ako sa sinabi niyang pinag-uusapan na naman ako sa opisina nang hindi ko alam pero mas nakakabahala ang kamay niyang nakahawak pa rin sa braso ko. Hindi pa nakuntento’t pati ang kabilang braso ko ay hinawakan na rin niya, dahilan para magkaharapan na kaming dalawa ngayon.

“Tungkol sa lumalaki mong tiyan. Napapansin na nila at alam mo namang mainit ang dugo ng tiga-Accounting sa’yo ‘di ba? Dahil sa paraan ng pagkapasok mo sa central, kaya ngayon, pinag-uusapan ka na nila. Dinadawit nila ang pangalan ni Fabio Varca. Pero ‘di ba ang sabi mo hindi siya ang ama? Kaya sabihin mo sa’kin, Ayla, sino ang ama?”

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon