CF - 10

249 13 1
                                    

THE COLLEGE.


Naka-pasa ako sa entrance exam sa State College na kinuhanan ko ng entrance exam noong nakaraan, ito ay ang Northern Negros State College of Science and Technology, in short Nonescost. Pero kaakibat ng aking pagkapasa ang listahan ng mga kursong puwede kong kunin base sa naging score ko sa entrance exam. Nakatitig ako ngayon sa papel na iyon at ang nangunguna sa listahan ay ang kurso na Information Technology. I.T.

Takip-silim na at naka-upo ako ngayon sa labas ng aming bahay, hawak ang kapirasong papel na iyon na ngayong araw ko rin natanggap, matiyaga akong naghintay sa pagdating ng aking mga magulang para ibalita ito sa kanila. Sa makalawa na rin nga pala ang araw ng pagtatapos namin. Handa na ako, handa na ang susuotin kong puting toga, ang mga makakasama ko na lang ang hindi. Hindi ko kasi alam kung tuloy ba na masasamahan ako ng mga magulang ko sa araw ng pagtatapos ko. Isa kasi iyon sa itatanong ko sa kanila mamaya kapag umuwi na sila galing sa trabaho.

Biglang umihip ang isang malamig na hangin, inalon nito ang aking makapal at kulot na buhok. Dinama ko ang malamig na kapaligiran at inilagay ang takas na buhok sa likuran ng aking tenga at napagpasiyahang tumayo para buksan na ang ilaw ng bahay. Sa loob na lang ako maghihintay sa kanilang dalawa.

Inilapag ko ang kapirasong papel na iyon sa ibabaw ng hapag-kainan para mabuksan na ang nag-iisang ilaw ng aming bahay. Maliwanag naman kahit isang bombilya lang ang gamit para sa sala at kusina ng aming maliit na bahay-kubo.

Maya-maya lang din ay sabay na dumating si Nanay at Tatay sa bahay.

Tahimik ang kanilang pagdating. Lagi naman. Hindi naman talaga sila nag-uusap lalo na kung magsasabay sa pagdating. Hindi lang kasi ang relasyon ko sa kanila ang nalamatan pati ang relasyon nilang dalawa. Lagi silang nag-aaway lalo na kung lasing si Tatay. Walang mintis.

Maski sa aming hapunan, tahimik kaming tatlo.

Pinapakiramdaman ko ang paligid, naghahanap ng tamang tiyempo kung anong pagkakataon ko para maisingit ang aking hinaing sa kanila. Maya’t-maya ang sulyap ko sa kanila.

“May sasabihin ka ba sa amin, Ayla? Kanina ka pa tingin nang tingin ah?”

Anak ng baboy.

Matinding paglunok ang nagawa ko sa kanin at ulam na kakasubo ko pa lang. Muntik pa akong mabulonan dahil sa sinabi ni Tatay.

Tumikhim ako at sinalubong ang tingin ni Tatay.

“Kung wala kang sasabihin, ako, may sasabihin ako sa’yo.”

Magsasalita na sana ako pero kusa ring natigilan dahil sa sinabi ni Tatay.

“A-Ano po ‘yon?”

“’Wag ka munang magkolehiyo. Mag-trabaho ka muna sa bukid o ‘di kaya’y maghanap ka na muna ng trabaho para matulongan mo kami ng Nanay mo sa gastusin dito sa bahay.”

Ano?

“P-Po?”

“Bingi ka ba o hindi ka na naman nakikinig?”

“Pero ‘Tay…”

“Walang pero-pero. Susundin mo ang sasabihin ko!”

Biglang tumayo si Tatay kaya humugot ako ng isang malalim na hininga at tumayo na rin.

Hindi puwede ito!

“Mag-aaral po ako ng kolehiyo, ‘Tay!” lakas-loob na sabi ko.

Nakita ko ang kaniyang pagtigil sa pag-alis sa aming hapag-kainan at dahan-dahan siyang lumingon sa akin.

“Mag-aaral ka? Saan ka hahanap ng pera ipampapa-aral? Magtrabaho ka na lang Ayla, hindi ‘yong pinapangarap mo pa ang imposible!” singhal niya sa akin.

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Where stories live. Discover now