CF - 11

219 12 1
                                    

"Sarili muna bago pag-ibig..."

THE AFTER COLLEGE.

Ang akala kong magbabalik naming relasyon ni Tatay ay muling nalamatan nang dahil lang sa nalaman niyang tinulongan ako sa pag-aaral ni Kuya Osias. Pala-isipan pa rin sa akin ang lahat, kung bakit. Pamilya naman kami at may maitutulong naman sila, bakit hindi puwedeng tanggapin?

Matapos ang lahat. Matapos kong makapagtapos ng pag-aaral, parang hindi sapat iyon para bumalik ang pakikitungo sa akin ni Tatay bilang isang tunay na anak. Para akong ampon dito, sampid, napulot lang sa tae ng kalabaw. Sobrang saklap. Pero kahit ganoon, nagpatuloy pa rin ako sa buhay.

Ilang linggo na matapos akong maka-graduate sa kolehiyo. Ilang linggo na rin akong naghahanap ng trabaho. Pero hanggang ngayon, wala pa rin. Naabutan na ako ng pista ng bayan namin, wala pa rin. Ilang resume at curriculum vitae na ang naipasa ko sa mga lokal na kompanya sa Bacolod pero wala pa rin. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin ako ng tawag, baka sakaling matawagan para sa isang interview man lang. Ang ilang linggong iyon ay umabot sa mahigit isang buwan na. Araw-araw, walang mintis, naghahanap ako ng trabaho na babagay sa natapos ko. Kasi gusto ko rin namang i-apply ang kung ano talaga ang natapos ko kahit na sabi nila I.T. lang naman daw ito. Hindi lang LANG ang natapos ko, alam kong malaki ang maitutulong namin sa mundo ng trabaho kaya dapat daw na hindi minamaliit ang kurso namin. Ang dami naming experience noong nag-aaral pa lang ako, minamaliit palagi ang department namin.

But anyways, ‘yon na nga, pista na naman ng aming bayan. Panahon para magsaya, panahon para makipagkita sa mga kaibigan. Sa katunayan, kaka-text lang ni Zubby sa akin na do’n na raw ako mananghalian sa kanila dahil may kaonting salu-salo raw para sa pista ng bayan. Tatanggi pa ba ako? Kainan na ito oh.

“Aylanaaaaaaaaa!” malakas na sigaw ang bumungad sa akin nang makarating ako sa bahay nina Zubby. Nasa labas pa lang ako ng kanilang gate, kung makasigaw na siya ay parang wala ng bukas. Anak ng baboy talaga!

“Na miss kita ng bongga, Aylana!” nagtatatalon na siya sa harapan ko sabay pisil sa aking pisnge tapos babalik na naman sa pagyakap sa akin.

Ako naman ay parang naging tuod lang na nakamasid sa kaniya. Na-miss ko rin naman siya pero alam niyo naman si Zubby na OA talaga.

“Grabe, Ayla, ilang buwan tayong hindi nagkita!” dagdag na sabi niya pa, mukhang mas kalmado na kaysa kanina.

Pinisil ko ang kaniyang pisnge para pakalmahin siya. “Oo na, miss mo na ako. Miss rin naman kita!” sabi ko naman.

“Halika, halika, pasok ka na sa loob. Gusto ka na ring makita nina Mama!” at bigla na naman niya akong kinaladkad papasok sa kanilang bahay.

May iilang silang bisita, mukhang mga kaibigan o ‘di kaya’y mga kamag-anak nina Zubby. Kahit na matagal na kaming magkaibigan ni Zubby, hindi pa rin ako pamilyar sa angkan nila. Kinu-kuwento niya lang sa akin pero hindi ko pa nakikilala at nakikita ang iba. May mga pamilyar na mukha pero hindi ko na pinagtoonan pa ng pansin.

Gaya nang nakagawian, nagbigay-galang ako sa mga magulang ni Zubby. Si Zenna, dalaga na. Si Zarry, malaki na rin. Minsan ko na lang silang makita noong nag-aaral pa kami ng kolehiyo ni Zubby, pareho rin kasi kaming abala sa aming buhay kaya minsan lang talaga kami magkita noong nakaraan pero magkaibigan pa naman kami.

“Wala si Fabio ngayon pero mamayang gabi, susunod daw siya,” biglang sabi ni Zubby habang kumakain ako.

Hindi naman ako nagtatanong tungkol kay Fabio pero bigla-bigla na lang niyang sinasabi sa akin. Tumango na lang ako at hindi na nagtanong pa.

Clouded Feelings (Yutang Bulahan Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon