Chapter Two

953 24 1
                                    

Dedicated to macristinacompuesto

All I Need

Dahil sa napakaraming negatibong nangyari kay Scarlett ay hindi muna siya dumeretso sa bahay niya. Bagkus, dumaan muna siya sa isang parke na sa oras nang gabi ay wala masyadong tao. Madalas niyang gawin ang bagay na iyon. Doon siya sa parke naglalabas ng sama ng loob bago siya umuwi. Hangga't maaari ay ayaw niyang umuwi sa bahay niya nang may bitbit na saloobin dahil ang bahay na iyon ang kauna-unahan niyang ipinundar.

Nang iposisyon siya ng ama-amahan sa trabaho ay nagsabi siya rito na nais niyang lumipat ng bahay. Hindi niya alam kung guni-guni lang ba niya ang lungkot na dumaan sa mga mata nito ngunit isa lang ang sigurado niya, tuwang-tuwa ang maybahay nito pati na rin ang anak nito dahil sa desisyon niyang lisanin ang mansiyon.

At simula nang makalipat siya nakaramdam siya ng kalayaan. Nakakakilos siya ng walang mga matang nakatingin sa kanya, nakakain niya ang anumang pagkaing naisin, wala siyang iniisip na ibang gawain maliban sa trabaho at hindi niya inaalala ang mga taong kanyang paluluguran. Sa madaling salita, nakahinga siya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya ay nagmistula siyang isang ibon na nakawala sa hawla. Malayang nakakalipad anumang oras ang naisin niya kahit na nga ba sabihin pang gapos pa rin siya ng mga obligasyong galing sa hindi mabayad-bayarang utang na loob. At hindi niya alam kung hanggang kailan siya igagapos ng nakaraan at kahapon. Hindi niya alam kung kailan niya matatamasa ang kalayaang matagal nang ipinagkait sa kanya. Gayunman, sa yugtong iyon ng buhay niya ay hindi pa rin siya sumusuko. Matatag ang paniniwala niyang may hangganan ang lahat.

Umupo siya sa duyan na gawa sa bakal. Pinagmasdan niya ang mala-kadenang hawakan niyon. Noong bata siya ay hindi man lang niya naranasang magsaya habang nagduduyan. May duyan si Penelope sa likod ng mansiyon ngunit mahigpit na ipinagbabawal sa kanya ang paggamit niyon. Ni hindi rin siya naisama sa parke ng pamilya Sandoval ni minsan kaya hindi niya kailanman naranasan ang magsaya sa buong kabataan niya.

Nagsimula siyang dumuyan ngunit mahina lang. Nakakailang balik pa lang siya ngunit bigla na lang tumulo ang mga luha niya. Lumabas na naman ang bigat ng kanyang mga alalahanin. Hindi na naman niya napigilan ang mapaiyak. Huminto siya sa pagduyan at sinapo niya ang kanyang mukha. Yumuko siya at ang kanyang mga hikbi ay naging hagulgol. Yumuyugyog ang kanyang mga balikat sa malakas na pag-iyak. Hindi na niya napigilan ang pagsabog ng emosyon pati na rin ang walang katapusang pagdaloy ng mga mapapait na alaala ng kanyang buhay.

"Ano ka bang bata ka, ha? Hindi ka ba talaga titigil?" Masama ang tingin ni Carlotta sa tatlong taon na anak na si Scarlett na patuloy niyang hinahampas sa binti sanhi upang lalo mapaiyak ng malakas ang bata.

Noong dumating si Perlita, ang lola ni Scarlett, upang awatin si Carlotta sa ginagawa nito.

"Ano ka ba,Carlotta?" Matigas ang tinig ni Perlita sa pagpigil sa anak saka ito inawat sa pagpalo sa kanya. "Hindi ka na naawa sa bata!" Anito saka siya binuhat. "May sakit ang anak mo, Carlotta! Bakit imbes na alagaan mo'y kulang na lang patayin mo!" Galit na sabi ng kanyang lola sa kanyang ina habang inaalo siya. "Tignan mo nga't inaapoy ng lagnat. Ni hindi mo pa yata ito napapainom ng gamot." Akusa nito.

Unbreak My HeartWhere stories live. Discover now