Chapter Nineteen

949 26 2
                                    

Dedicated toevelynbrutasbusel

Illegitimate

Akmang papasok na si Andres sa loob ng opisina ni Scarlett nang may marinig siyang dalawang boses na animo'y nagtatalo. Boses ng isang babae at lalaki. At kung hindi siya nagkakamali ay boses ni Scarlett ang isa. Pasimple siyang sumilip at nakita niyang ang kausap pala nito ay si Mr. Frederick Sandoval, ang adoptive father nito. Sa pagkakaalam niya ay anak ito ng matalik na kaibigan ni Frederick na noong mamatay ay ibinilin rito si Scarlett. From then, ito na ang tumayong ama-amahan ni Scarlett ngunit hindi legal na inampon.

"Ano na naman 'tong problema na dala-dala mo, ha, Scarlett? Annulment case niyo ni Andres?" Nanggagalaiting tanong ni Frederick saka ibinagsak sa mesa ang hawak hawak na folder.

Nakita niyang napapitlag si Scarlett ngunit hindi sumagot. Nanatili lang itong nakayuko sa harap ng ama-amahan.

"Sumasakit na nga ang ulo ko sa biglaan mong resignation tapos ito pa, panibagong problema! Wala ka na ba talagang ibang alam gawin kundi ang bigyan ako ng problema? Simula noon Scarlett, hanggang ngayon, puro problema. Wala ka ng ibang binigay sa'kin kundi kamalasan. Ginawa mong miserable ang buhay ko!" Gigil na saad ng ginoo.

Mula sa pagkakayuko ay nag-angat ng tingin si Scarlett sa matanda. Ang mga mata nito ay puno ng pait.

"Ako ho ba talaga ang gumawa ng kamiserablehan sa buhay niyo? Ako ho ba talaga ang nagbigay ng kamalasan diyan sa perpekto niyong buhay?" Anito na ang pagkakabigkas sa salitang perpekto ay punumpuno ng pang-uuyam. "Talaga ho bang problema na lang ang idinulot ko sa inyo?" Patuloy ni Scarlett na ang mga luha ay isa-isa nang pumatak.

"Kung tutuusin ho, hindi ko ginustong mabuhay sa mundong ito. Hindi ko ginustong maranasan ang miserableng buhay na 'to. Hindi ko ginustong mamuhay sa kamalasan. Ni hindi ko nga ginustong maipanganak, eh. Pero dahil sa ipinangako mo sa nanay ko, sa ginawa mong pambobola sa kanya, ibinigay niya sa'yo ang sarili at ako ang naging bunga no'n!" Pantay ngunit mabigat ang pagkakasabing iyon ni Scarlett.

At kitang kita ni Andres ang pagkagulat na bumalandra sa mukha ni Frederick. Animo'y tumanda ng sampu pa ang mukha nito. At kung nabigla ito ay mas ikinabigla niya ang balitang iyon. Anak ni Frederick si Scarlett!

"A-Alam mo?" Isang kumpirmasyon ang tanong na iyon ni Frederick.

"Noong isang araw lang ay narinig ko kayong magkausap ni Carlotta, ng aking ina." Pag-amin ni Scarlett.

Noong isang araw na patungo siya sa opisina ni Frederick ay hindi sinasadyang may marinig siyang dalawang taong nag-uusap. Base sa pagtataasan ng boses ay may alitan ang dalawa. Boses ng isang babae ang kausap ni Frederick kaya nabuksan ang kanyang kuryosidad sa bagay na iyon. At ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makilala kung sino ang kausap nito. Si Carlotta. Ang kanyang ina.

"Na ilang beses ko nang nakita at nakabangga rito ngunit hindi ko nakilala." Mapait ang pagkakangiti ni  Scarlett habang umiiyak. "Alam niyo ba na ang limang taon ng buhay ko kasama ang babaeng iyon ay puro kapighatian. Na imbes na ituring niya akong anak ay itinuring niya akong malas sa buhay niya dahil iniwan niyo siya nang walang paalam. Walang araw na hindi niya ako kinamuhian. Walang araw na hindi niya ako minamaltrato. Naisip niyo ba kung gaano kahirap iyon sa'kin sa batang gulang?" Humahagulgol na sabi ni Scarlett.

"Pagkatapos ay ibinigay niya ako sa'yo. Wala akong kaalam-alam kung sino ka talaga sa buhay ko. Kung ano ang koneksyon mo sa pagkatao ko. At hindi ka rin nag-abala pang sabihin sa'kin kung sino ka talaga! Hinayaan mo na lang na araw-araw ay estranghero tayo sa isa't isa. Pinabayaan mo ako sa mayordoma. Siyang pinag-alaga mo sa'kin imbes na ikaw! Hinayaan mo 'kong api-apihin ng asawa't anak mo. Binayaran ko ang lahat ng ipinakain, ipinagbihis at ipinagpaaral niyo sa'kin sa pamamagitan ng pang-aalipusta at pang-aalipin sa'kin ng pamilya mo. Ni hindi mo ko kailanman naipagtanggol samantalang ako ang tunay mong anak at hindi si Penelope!" Halos pasigaw nang sinabi iyon ni Scarlett.

At halos panawan na ng ulirat si Frederick dahil sa mga isiniwalat ni Scarlett na marahil ay hindi nito inaasahan. Sinapo na nito ang dibdib.

"Kung tutuusin ay wala na akong pakialam sa mga nalaman ko. Hahayaan ko na lang tutal parang wala rin naman kayong balak na ipaalam sa'kin ang katotohanan at itama ang maling paniniwala ko, ng mga tao. Hahayaan ko na lang kasi, ano pa ba ang magiging saysay no'n? Buong buhay ko, puro kamiserablehan lang din naman ang natamo ko. May magbabago pa ba kung malaman ng mga tao ang totoong relasyon natin? Wala 'di ba? At kaya ayaw niyong itama ang pagkakamali niyo ay dahil hindi niyo kayang maging kahiya-hiya sa harap ng maraming tao. Hindi niyo kayang tanggapin ang mga panghuhusga nila. Hindi kayang tanggapin ng budhi niyo na hindi ka tunay na tao kundi basura! Dahil sarili mong anak, hindi mo nagawang ipakilala sa mundo bagkus, nagpalaki ka ng anak na hindi naman sa'yo!" Mariing sabi ni Scarlett.

At isang malutong na sampal ang natamo nito mula kay Frederick.

"Mr. Sandoval!" Sigaw ni Andres saka nagtuluy-tuloy papasok sa loob ng opisina.

Kinunutan niya ng tingin ang matanda bago buong pagsuyong tinignan si Scarlett habang palapit rito. Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ni Scarlett na marahil ay hindi inaasahan ang presensya niya roon.

Walang sabi-sabi ay binuhat niya si Scarlett na sa tingin niya ay kahit anong sandali ay bibigay na ang katawan. Dali-dali niya itong inilabas sa lugar na iyon. Ramdam niyang nakatingin lang ito sa kanya ngunit marahil sa nanghihina nitong katawan ay wala na itong pagtutol sa ginawa niya.

Hinintay niya ang pagbukas ng elevator at iniluwa pa niyon si Penelope kasama ang ina nitong si Paloma na hindi na niya pinagtuunan pa ng pansin. Rinig na rinig niya ang pagsinghap na ginawa ni Penelope ngunit hindi niya iyon pinaglaanan ng oras.

Hindi niya ibinaba si Scarlett hanggang sa marating nila ang basement. Inalalayan niya ang asawa na makasakay sa loob ng kotse at dali-dali siyang nagmaniobra.

Ipinagpaliban niya ang kagustuhan kumustahin ang babae. Lalo pa't nakita niyang nakapikit ito at mukhang walang balak na pag-usapan ang nangyari.

Nirespeto niya ang bagay na iyon. Sa ngayon ay kailangan nitong makapagpahinga. Kailangang maibsan nito ang pighating nadarama. At ibibigay niya iyon sa babae. Tanging magagawa niya sa mga sandaling iyon ay ang maipadama rito ang kahandaan niyang maging karamay nito sa oras na iyon.

<=><=><=><=><=><=><=><=><=><=><=><=><

Ang bigat naman ng eksena! Intense. Grabeng drama. Di rin kaya ni writer na pigilan ang luha niya. Bakit damang-dama ko ang eksena? Eng sheket leng telege, eh

Kumusta po readers? Meron ba?

Unbreak My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon