Chapter Twenty Three

960 26 0
                                    

Dedicated to StoneClear

Hopelessness

Kinabukasan ay sinubukan ni Andres na yayaing mamasyal si Scarlett ngunit mariin itong tumanggi. Pinipilit pa rin nito na umuwi sa townhouse na mariin niyang tinututulan. Hangga't maaari ay gusto niyang lagi itong nakikita. Natatakot siya sa maaaring gawin nito sa sarili. Gusto niya itong libangin nang sa gayon ay maiwasan nitong mag-isip ng hindi maganda.

Nalulungkot siya para rito. Kung hindi pa niya ito pipiliting kumain ay hindi nito gagalawin ang mga pagkaing inihahanda niya. Halos hindi rin nito naising lisanin ang silid na ginagamit nito. Nagkukulong ito roon buong maghapon, buong magdamag. At naaalarma siya sa ginagawa nito para sa sarili.

Kinonsulta niya ang isang kaibigan tungkol sa nangyayari kay Scarlett at sinabi nitong dumadanas daw ng depresyon ang asawa. Na base sa mga nangyari sa buhay nito ay na-trauma ito. At ngayon lang natrigger ang mga bagay na iyon dahil hindi na kinaya ng sistema nito ang mga mapapait na karanasan lalo pa nga at halos buong buhay nito ay miserable. Idagdag pa ang sabay-sabay na pagbagsak ng mga katotohanan sa harap nito na lalong nagpahirap para rito na umusad sa buhay. Pinaalalahanan siya nitong bantayan maigi ang asawa dahil sa nangyari nang nagdaang gabi dahil may posibilidad daw na maulit iyon. Kailangan daw nito ang alalay at suporta hanggang sa makausad mula sa madilim na parte ng nakaraan nito.

Humugot siya ng malalim na buntong hininga. Hindi niya kakayaning makita na magawa muli ni Scarlett ang bagay na iyon. Hindi niya kayang isipin na susuko ito at bibitiw. Nahihirapan siyang kunin ang tiwala nito. Alam niyang hindi iyon madami ngunit gusto niyang ipakita rito na handa siyang manatili sa buhay nito habambuhay. Na siya ang magiging sandalan nito at gabay. Ngunit paano niya mapapatunayan sa asawa iyon kung ito na mismo ang sumusuko?

Bigla ang pagkabog ng dibdib niya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Pumasok na naman ang kaba sa sistema niya.

Kasalukuyan siyang nasa hardin nang hapong iyon habang nag-iisip. Dali-dali siyang umakyat sa kwarto ni Scarlett. Hindi niya ito agad na dinatnan kaya nagtuloy siya sa banyo.

Doon ay halos panlamigan siya ng kaluluwa nang makita ang dugong umaagos mula sa pulso ng asawa. Marami na ang dugong nakapalibot sa kamay nito. Habang ang kutsilyong gamit nito ay nasa kabilang kamay. Nakasandal ito sa malamig na tiles ng banyo.

"Scarlett, Scarlett!" Histerikal niyang sabi habang marahang tinatapik-tapik ang pisngi nito ngunit hindi ito kumikibo.

Dinama niya ang tibok ng puso nito sa gilid ng leeg. May pulso pa. Lumabas siya ng banyo at agad na kumuha ng panyo. Ipinalibot niya iyon sa pulso ni Scarlett upang mapigilan ang pagdurugo niyon.

"Hold on, baby. Please..." Pakiusap niya na ang mga mata ay hilam na ng luha.

Dali-dali niyang kinuha ang susi ng kotse, isinakay si Scarlet sa loob niyon at dinala sa pinakamalapit na ospital.

"Maayos na siya, Mr. Guillermo." Sabi ng babaeng doktor na nakatunghay sa kanya. "Mabuti na lamang at hindi masyadong malalim ang hiwa na ginawa niya. Nawalan siya ng malay bago pa niya mahiwa ng mas malalim ang sarili. Kung nagkataon ay malamang wala na siyang buhay sa bahay niyo pa lang. Your wife is now stable, Mister. Bukas rin ay makakalabas na siya ng ospital." Paliwanag ng doktora.

"Salamat po, Dok." Pasalamat niya na tinanguan nito.

Umalis na ang doktora sa silid na inookupahan nila. Lumapit siya sa gilid ng kama at agad na inabot ang kamay ng asawa. Naupo siya upuan saka hinalikan ang kamay nito.

"Oh, love..." Sambit niya sa kawalan ng sasabihin.

Samu't saring emosyon ang pumapasok sa dibdib niya. Halo-halong isipin ang dumadagsa sa kanyang sistema. Hindi niya alam kung ano ang mas dapat gawin. Mas nangingibabaw ang kagustuhan na manatili sa tabi ng asawa. Nasa sulok ng puso niya ang takot na hindi mawala-wala, ang agam-agam na kumukonsumo sa isipan niya.

Unbreak My HeartWhere stories live. Discover now