Chapter Twenty

1K 23 2
                                    

Dedicated to Hilbert_126

Truth Hurts

Nagising si Scarlett at namulatan niya ang isang hindi pamilyar na kwarto. Bumangon siya saka tinungo ang terasa ng kwartong kinaroroonan niya. Agad na dumampi sa balat niya ang malamig na simoy ng hangin. Tumanaw siya sa paligid. Nakita niya ang lawa ng Taal. Kung gayon ay nasa Tagaytay siya.

Bumalik ang isip niya sa nangyari kanina. Sa katunayan ay nito niya lang nalaman ang buong katotohanan sa pagkatao niya. Nang personal niyang dadalhin ang resignation letter sa opisina ni Frederick ay hindi sinasadyang marinig niya ang pakikipag-usap nito sa isang babae.

"Kapag hindi mo ibinigay sa'kin ang perang hinihingi ko, Fred, ipapaalam ko sa lahat na ikaw ang tunay na ama ni Scarlett. At na hindi mo talaga anak ang Penelope na iyon. Kapag nagkataon, malalaman ng maraming tao ang bahong matagal mo nang itinatago." Sabi ng babae.

"Carlotta!" Narinig niyang sabi ni Frederick.

Bigla ay naging pamilyar ang tinig ng babae. Boses nga iyon ng kanyang inang si Carlotta. Ngunit anong ginagawa nito roon? Bakit parang hinuhuthutan nito si Frederick?

At tama ba ang dinig niya? Na kapag hindi ito binigyan ng pera ng matandang Sandoval ay ipagkakalat nito ang baho nito na matagal na nitong pinakakatago-tago? Na siya, si Scarlett Santisima-Guillermo ay anak ni Frederick Sandoval? Paano?

"Hindi ba't kabibigay ko lang ng kalahating milyon sa'yo noong nakaraang buwan?" Halata sa boses ni Frederick ang panghihina.

"Naubos na iyon, Frederick. Sa sugal." Lantarang sagot ni Carlotta.

"Ngunit sabi mo'y gagamitin mong panimula. Na ilalaan mo sa negosyong nais mo." Saad ni Frederick.

"Niyaya ako ng mga amiga ko. Hindi ko natanggihan. At itong hinihingi ko sa'yo ay talagang ipagsisimula ko na ng negosyo." May pakikiusap sa boses ng babae.

"Kalahating milyon ulit, Carlotta? Hindi ganoon kadaling maglabas ng pera." Tanggi ni Frederick.

"Madali lang sa'yo 'yon, Fred. Lalo na kung gusto mong manatiling sekreto ang baho mo." Nanunuksong sabi ni Carlotta.

At bago pa siya makagawa ng kung ano ay madali niyang nilisan ang kinaroroonan niya. Nang araw ding iyon ay umupa siya ng private investigator. Inalam niya kung nasaan na ang kanyang ina na hindi niya kailanman naisipang gawin dahil wala na rin namang saysay. Ipinamigay siya nito kay Frederick at hindi man lang siya dinalaw o kinumusta ni minsan.

Kinabukasan ay nalaman niya mula sa inupahang private investigator na sa Makati na pala ito nakatira. Nalaman rin niya mul rito na matagal na pala itong nagpapabalik-balik sa kompanya ng Sandoval at talagang ang sadya ay si Frederick upang huthutan ito. Noon bumalik sa isip niya ang pagkakataon kung saan nakakabangga niya ang isang ginang na hindi niya kilala na nagmula sa loob ng opisina ni Frederick. At sigurado siyang alam nito na doon siya nagtatrabaho ngunit talagang pinutol na nito ang ugnayan nila.

Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang pagkumpirma ng private investigator sa akala niya. Nagkaroon nga ng relasyon si Frederick at si Carlotta. Ngunit bigla ay naputol ang relasyong iyon dahil kinailangan ni Frederick na magpakasal kay Paloma, ang kasalukuyang asawa nito. At dahil si Carlotta lang ang pinaimbestigahan niya ay tinapos na niya ang trabaho ng lalaki. Hinayaan na niya ang kung anumang rason ni Frederick sa lahat ng nangyari.

At base nga sa nalaman ay nakumpirma niyang anak nga siya ni Frederick kay Carlotta. Samu't saring emosyon ang pumasok sa kalooban niya. Ni hindi alam kung ano ang uunahing maramdaman hanggang sa mamanhid siya.

Buong buhay niya ay isang kasinungalingan ang nagtatago sa pagkatao niya. Na pinaikot-ikot siya ng tadhana at niloko ng mga taong dapat na ay umalalay sa kanya. Na dapat ay karamay niya. Na dapat ay kasama niya. Ngunit hindi! Pinagmalupitan siya ng tadhana. Pinagmalupitan siya ng sariling pamilya. At ang mas malala, hindi siya kailanman itinuring na anak ng sarili niyang mga magulang. Bagkus, pinagpasahan siya ng mga ito at pinagmalupitan. Ipinaniwalang isa siyang walang kwentang tao na nabuhay sa mundo. Na kakabit niya ang kamalasan. Na kaakibat na ng buhay niya ang kamiserablehan.

Kung paanong hindi naging anak ni Frederick si Penelope ay wala siyang pakialam. Katunayan ay wala siyang pakialam sa lahat ng nalaman. Wala na siyang balak pang ungkatin ang buhay niya. Para sa kanya ay wala ng saysay iyon. Tanging nais niya ay makapagbagong buhay.

Pinlano na niya ang lahat. Nag-file siya ng annulment case para sa legal na paghihiwalay nila ni Andres. Ginawa niya ito sa maraming rason; upang palayain si Andres na kahit kailanman ay hindi naging kanya, upang makabawi sa lalaki, hanggang sa kahuli-hulihan niyang rason na hindi siya nararapat rito. Isa siyang tao na nabuhay lang sa mundo ngunit wala talagang pagkakakilanlan dahil ipinagkait iyon sa kanya ng tadhana. Hindi siya nararapat sa isang lalaki na tinitingala ng maraming tao samantalang siya ay hinahamak na simula pagkabata.

Nagpasa siya ng resignation kay Frederick. Idinahilan niya rito na mayroon siyang negosyong binabalak na itayo mula sa pundar niya at hindi mapagsasabay ang trabaho sa opisina at sa negosyo. Nagalit ito! Sinabihan siyang walang kwenta! Walang utang na loob! Alam naman daw niyang hindi ganoon kadaling mapalitan ang mataas niyang posisyon pero pinipili raw niyang maging makasarili. Hindi siya sumagot. Hindi niya ito sinumbatan. Desidido na siyang magpakalayo-layo at mamuhay mag-isa.

Pagod na pagod na siyang maging mabait, maging sunud-sunuran, maging martir. Buong buhay niya ay hindi niya naramdaman ang mapahalagahan, ang mahalin. Magbabago ba iyon sa kanyang pag-iisa? Kung tutuusin ay mas gusto niya pang lumayo nang sa gayon ay malayo siya sa mga taong mapanghusga, sa mga taong mapangmata, sa mga taong mapanakit.

Tumingala siya sa langit. Walang gabi na hindi siya dumaing sa Maykapal. Walang gabi na hindi aiya sumambit ng panalangin. Ngunit walang tugon. Walang pagbabago. Walang naging kasagutan.

Naiiling siyang tumungo. Mapait na ngumiti. Marahil ay mayroon talagang mga tao ang ipinanganak nang swerte at mayroong hindi. Sa kasamaang palad ay kasama siya sa mga taong nabuhay ngunit hindi pinalad. Napabuntong hininga siya sa isiping iyon.

"Gising ka na pala." Sabi ng isang tinig mula sa kanyang likuran.

Ikiniling niya ang ulo niya bilang pag-alam sa presensya ng dumating. Alam niyang si Andres iyon. At ang tinig nito ay magaan. Iyong tinig na ginamit nito noong makita siya nito sa parke na luhaan. Gayundin ang boses nito ng maabutan siya nito sa gilid ng kalsada na itinirik ng sasakyan. Ganoon din ang tinig nito noong pinuntahan siya nito sa suite niya sa hotel sa araw ng engagement party nito. At ang tinig nitong iyon ay may malaking epekto sa katauhan niya... noon. At nang mga sandaling iyon ay hindi niya sigurado ang damdamin para rito.

◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎※◎

Hay naku. Di ko na po kaya. Kayo po, kaya niyo pa?

ElizabethMarcella7, eto po...🤗🤗🤗

Unbreak My HeartWhere stories live. Discover now