Chapter 37: MADISON BLAKE

172 8 4
                                    

Marahang inilapag ng hangin si Blake sa lumulutang na isla ni Quebaluan. Kasunod sa kanyang likuran si Mariang Makiling at ang kapatid ni Bathala na si Amang Suba. Sabik na sabik namang inusisa ni Blake ang kabuuan ng paligid, lalo na ang isang napakatandang puno na tila nagbabaga ang mga dahon sa sobrang pula ng mga ito. Lahat ay gustong hawakan ng batang lalaki lalo na ang katawan ng engkantong puno.

Biglang napaurong sa pagkabigla si Blake nang lumagutok at gumalaw ang katawan ng puno at mula sa katawan nito ay unti-unting iniluluwa ang mukha ni Quebaluan. Nakaramdam ng pagkatakot si Blake at napayakap sa magandang diwata na si Mariang Makiling.

"Hindi mo kailangang matakot Blake, siya si Quebaluan, ang tutulong sa atin para malaman natin ang tungkol sa pinagmulan ng iyong kapangyarihan." ang paniniguro ng diwata sa bata.

Pero hindi pa rin maiwasan ni Blake ang matakot sa hitsura ni Quebaluan na kasalukuyang lumalabas mula sa matandang puno. Lalong nagsumiksik pa ang bata kay Mariang Makiling.

"Isang mabuting kaibigan si Quebaluan, batang Blake kaya hindi kailangang matakot sa kanya." saad ni Amang Suba sa bata.

Tila nabawasan naman ang takot kay Blake lalo na nang tumingin ang engkantong puno sa kanya at ngumiti. Tumigil siya sa pagsusumiksik sa diwata at nagkaroon ng lakas ng loob na tumingin na rin kay Quebaluan.

Ilang saglit lang ay tuluyan ng nakalabas ang engkantong puno at kaagad na nagbigay pugay kay Amang Suba.

"Isang mapagpalang hapon Amang Suba." humarap ito kay Mariang Makiling at saka nagbigay pugay din. "...sa'yo rin dakilang Makiling."

"Isang mapagpalang araw din sa'yo Quebaluan, sana ay hindi kami nakaistorbo sa iyong pamamahinga." tugon ni Amang Suba.

"Hindi kailan man, Amang Suba. Isang karangalan ang maging panauhin ang isang dakilang diyos sa aking mumunting tahanan. Lalo na sa isang napakaespesyal na panauhin na mayroon ako ngayong araw na ito." wika ni Quebaluan at lumipat ang tingin nito kay Blake na nagbigay naman ng kilabot sa bata. "Isang napakagandang araw sa'yo Blake ng Sansinukop."

"Ha? A-ano pong Sansinu-"

"Sansinukop." Sabad ni Mariang Makiling."...yan ang tawag sa mundong pinagmulan mo Blake, ang mundo ng mga tao."

"Mundo naming mga tao? Hi-hindi po ba kayo mga tao?" Ang naguguluhang tanong ni Blake.

Nagkatinginan sina Mariang Makiling at Amang Suba at saka natawa sa naging tanong ng bata.

" Tayo, hindi tayo mga tao o mortal, Blake. Kabilang tayo sa mas mataas na uri ng nilalang na nilikha ng dakila at nag-iisang Diyos ng Sanlibutan. Pero kahit na nagtataglay tayo ng kani-kanyang kapangyarihan ay bukod na pinagpala pa rin ang tao sa lahat na nilikha ng Diyos. Ito ay sa kadahilanang sila ang kaniyang pinakapaborito kahit na napakahina nilang nilalang. Mas minahal sila ng Diyos na May-kapal na may lalang ng lahat. Oo nabiyayaan tayo ng kapangyarihan ng lumikha sa atin, pero mas higit na maituturing na anak ng tunay na Diyos ang mga tao dahil sa kahinaan nila. Hindi mo man maintindihan sa ngayon batang Blake, pero pagdating ng tamang panahon maiunawaan mo rin kung ano ang sinasabi ko." paliwanag ni Amang Suba sa bata.

Nanatiling nakatingin lamang si Blake sa sinabi ng matandang diyos sa kanya. Pinipilit na inuunawa ang ibig sabihin nito. Lumapit naman si Mariang Makiling sa kanya at yumuko sa kanyang harapan at tinitigan ang mga mata ng musmos na si Blake.

"Kakaiba ka sa tulad mong mga tao. Hindi ba sabi mo may dalawa kang kapatid at isang lola?"

Tumango si Blake sa sinasabi sa kanya ng diwata.

"May kapangyarihan ba and dalawa mong kapatid gaya ng kung anong mayroon ka?" tanong ni Mariang Makiling.

"Wa-wala po."

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon