Chapter 48: WATCHERS

110 6 0
                                    

Mula nang nagpakita si Demetria noong nakaraang araw ay tila naging kampante na sa loob ng subdivision si Fr. Mexo. Napagtanto niya na hindi pa rin sila iniwan ng mga kaibigan niya at alam niyang nasa paligid lamang sila at nagmamasid sa La Vista.

Sa halos mahigit isang buwan na pananatili niya sa lugar ay lalong nahiwagaan si Fr. Mexo sa mga nalalaman niya tungkol sa La Vista. Nahiwagaan din siya sa nabanggit sa kanya ni Lolo Lazaro ang tungkol sa Phase II ng subdivision na sinasabing pinakaligtas at pinakamagandang tirhan ng mga tao sa lugar. Nabigla rin siya sa sinabi sa kanya ng matanda na sa isang linggo na ang paglipat niya sa phase II dahil matatapos na ang itinakdang quarantine sa matanda. Bale sa makalawa na rin pala ang paglipat ng matanda at naihabilin na rin ang magkapatid na sina Macky at Eli sa kanyang pangangalaga.

Madali namang nakapalagayang loob ni Margaux ang magkapatid. Madalas ay magkasama ang tatlo sa paglalaro sa kanilang tinitirhan, at minsan ay sa bahay ng matanda sila naglalagi.

Napabuntong-hininga ang pari dahil sa nalalapit na paglipat ng matanda sa phase II ng La Vista. Natutuwa siya kung mas magiging ligtas at maganda ang buhay ng matanda sa lugar na paglilipatan sa kanya. Pero malulungkot din siya dahil napalapit na rin sa kanya ang matanda lalo na sa kuwentuhan at pag-inom ng mainit na kape tuwing umaga.

Gustong alamin ni Fr. Mexo ang tungkol sa Phase II ng subdivision na hindi binanggit sa kanila ng pamunuan ng La Vista. Isasabay na rin niya ang pagfollow-up na rin sa nirerequest niyang makapag-misa tuwing linggo kahit man lang sa may club house ng home owner's association. Dahil tanging ang salita ng Diyos lamang ang magbibiggay ng kapayapaan sa kalooban ng mga taongvtulad niya ay biktima ng pananalasa ng mga kampon ng kadiliman.

Pagkabihis ni Fr. Mexo ay kaagad na isinuot ang kanyang kulay asul na running shoes. Magja-jogging siya sa araw na iyon kaya gumising siya ng maaga. Ala-singko y media pa lamang ng umaga nakapagluto na siya ng aalmusalin ng tatlong bata. Sa kanya kasi nakitulog ang magkapatid na sina Macky at Eli nang gabing iyon. Parte na rin iyon para masanay ang magkapatid sa pagtira nila sa kanya kapag inilipat na si Lolo Lazaro sa Phase II ng subsivision.

Sa pagtakbo niya mamaya ay magmamasid siya sa sinasabi ni Lolo Lazaro na entrance gate ng Phase II. Kung magpapakita sana sa kanya si Demetria ay matutulungan siya nitong magmanman sa loob ng subdivision. Aminin man niya o hindi ay may kakaibang kutob siyang nararamdaman sa lugar na tinutuluyan nila, lalo na ang tinutukoy ni Lolo Lazaro. Ang sabi-sabi kasi, mula nang makapasok sa phase II ang mga taong nakatapos ng quarantine ay wala na silang naging balita sa mga ito. Ni hindi na rin nila nakita pa ang mga ito kahit man lang sa pinakabukana ng gate ng nasabing bahagi ng La Vista.

Pagkatapos makapagsapatos ay mabilis na lumabas si Fr. Mexo sa kanyang tinutuluyang bahay. Wala pa ang araw ng mga sandaling iyon pero makikita na ang pagsisimula ng paglitaw ng liwanag sa gawing silangan. Pagdating sa kalsada ay sinimulan na niya ang pagstretchings mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay sinimulan na ang pag-jogging sa kahabaan ng kalsada.

Sinadya ni Fr. Mexo na hindi isama si Lolo Lazaro para makapagmasid siya ng mag-isa. Alam niyang nakasubaybay sa kanya si Demetria at kung mabigyan ng pagkakataon ay nais niya sanang makausap ang babaeng Sangre.

Sumalubong kay Fr. Mexo ang mahalumigmig na hangin dala ng amihan. Nalalapit na naman ang pasko kaya may kalamigan na ang bawat umaga. May iilan din siyang nakakasabayang tumatakbo at karamihan sa kanila ay nakangiting bumabati sa kanya. Katulad niya ay kapwa nasa estado pa rin sila ng pagkaka-quarantine sa loob ng Phase I ng La Vista.

Sa pagtakbo ni Fr. Mexo ay sadya niyang iniba ang kanyang ruta. Pilit na inalala ang bawat impormasyong narinig sa kuwento ni Lolo Lazaro kung paano siya nakarating sa harapan ng gate sa Phase II ng subdivision. Lahat ng detalye ay kanyang tinandaan para makasiguro na mapuntahan ang harapan ng nasabing lugar.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon