Chapter 54: BENEATH THE WALLS

117 8 7
                                    

Sa isang napakalaking puno ay nagkunwaring nagpapahinga mula sa pagjo-jogging si Fr. Mexo. Doon ay natanaw niya ang isa pang entrance gate na sa tingin niya ay ang tinutukoy nilang phase II ng subdivision. Kapansin-pansin ang seguridad ng lugar na kung saan napakaraming mga sundalo ang nasa paligid at higit na mas mataas ang pader sa entrance gate. May mga iilang sasakyang militar ang nakaparada sa paligid at ang ilan sa mga iyon ay pamilyar sa kanya.

Nang matapos sa pagtali sa sintas ng kanyang mga sapatos ay mabilis na pinagpagan ni Fr. Mexo ang suot na jogging pants at saka nagsimulang mag-stretching sa itaas na bahagi ng kanyang katawan.

"Ano sa tingin mo among?" ang biglang wika ng pamilyar na boses sa isip ni Fr. Mexo.

"Ito na siguro ang tinutukoy nilang gate ng phase II. Nakapagtataka kung paano nila binuo ang napakataas at napakatibay na pader dito sa loob ng subdivision, lalo na't ilang buwan pa lamang ang nakakalipas mula ng manalasa ang napakalakas na lindol," tugon ng pari gamit din ang isip. Alisto ang mga mata ng pari sa paligid lalo na ang mga nagaganap sa harapan ng gate ng phase II ng subsivision. Napansin kasi niya na tila nakabantay ang mga mata ng mga sundalong naroroon sa kanya.

"Itim na salamangka, among. Kung ano mang nilalang ang naririto ay masasabi nating napakamakapangyarihan niya para magawa ang ganito," ang sabi ni Demetria na nasa anyo pa ring kuwago. Nakadapo siya sa sanga ng puno kung saan nagpapahinga si Fr. Mexo. "Sinubukan kong lumipad sa mataas na pader para makapasok at makita ang nasa loob pero, may kung anong puwersa ang pumipigil sa akin para magawa iyon, among."

Lalong nakaramdam ng pagkabahala ang pari sa mga sinabi ni Demetria. Tumingin siyang muli sa gate at nakita niya ang paghinto ng isa pang sasakyang militar sa harapan ng gate. Sigurado si Fr. Mexo kung kanino ang sasakyang iyon at hindi siya puwedeng magkamali. Ilang ulit na rin kasing tumigil iyon sa harapan ng tinutuluyan nilang bahay.

"Sa palagay mo Demetria, sino o anong klaseng kampon ng kadiliman ang naririto sa lugar na ito?" tanong ng pari sa babaeng Sangre habang nakamasid sa sasakyan ni Lt. Col. Samartino.

"Hindi ako sigurado among, pero ang suspetsa ko ay hindi ito isang tao o elemental."

Napatingin si Fr. Mexo kay Demetria. "Anong ibig mong sabihin, Demetria?" ang usisa ng pari sa sinabi ng kaibigan.

"Hindi pa ako sigurado among, pero sa ganito kalakas na kapangyarihan, maaaring isang celestial na nilalang ang gumagawa nito."

"Celestial? Ibig mong sabihin isa itong..." napalunok si Fr. Mexo dahilan para hindi nito masabi sa isip ang huling salita sa kanyang isip.

"Isang diyos among, isang diyos ang kumokontrol dito sa lugar na na ito," ang mabilis na sabi ni Demetria na nahinuha na ang salitang hindi na nasabi ng isip ni Fr. Mexo.

Hindi na rin nakuhang magsalita pa ni Fr. Mexo nang makitang bumaba mula sa kanyang sasakyan si Lt. Col. Samartino. Nakatingin ang opisyal sa kanya saka ito ngumisi. Inihakbang ang mga paa ng opisyal at papunta ito sa kanyang kinaroroonan. Maydala-dala itong isang brown envelope sa kanyang kaliwang kamay.

"Papunta rito si Samartino," kaagad niyang sabi kay Demetria para bigyan ito ng babala sa paparating na opisyal.

Mula sa puno ay napatingin si Demetria sa tinutukoy ni Fr. Mexo. "Naririto lamang ako sa paligid tawagin mo lang ako kung kinakailangan," aniya sa pari.

"Salamat, Demetria, salamat," tugon ng pari sa babaeng Sangre pero nakatuon na ang pansin nito sa opisyal.

"Fr. Mexo!" tawag nito sa kanya habang papalapit ito sa pari. "Hindi ko akalain na nagjojogging ka na rin pala," dagdag pa ng opisyal na sundalo.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon