Chapter 12: BALANDAY

232 19 5
                                    

Madilim-dilim na rin ang paligid ng marating nina diyosang Tala at Laurea ang bukana ng ilog sa kagubatan ng Tenacsan. Mabilis silang bumaba mula sa kabayong kidlat na nagmula sa kapangyarihan ng tungkod ni Bathala. Doon ay tanaw nila ang Balanday na naghihintay sa kanila tulad ng nabanggit ni Anilaokan. Kung tutuusin ay madali sana para kay Tala ang makatakas sa isla ng Labuad kung alam lamang niya ang paggamit sa tungkod ng ama. Hindi na sana nila kailangan pang sumakay ng Balanday para makaalis sa isla. Pero ang tanging alam lamang nito ay kung paano gamitin ng ama sa pag-atake at pagdepensa sa mga kalaban at kung paano ito magawang kabayo na kanilang sinakyan ni Laurea sa pagtakas nila sa mga kubot.

Hindi pa rin naaalis sa isip ni Laurea ang kinahinatnan ni Anilaokan sa kamay ng mabagsik na Culeriot. Hindi niya maintindihan kung bakit kalahati ng puso niya ay tila gustong magpaiwan para alamin ang kinahinatnan ni Anilaokan. Alam niyang sa kabila ng lahat ay minahal siya ng lalaking diwata at makailang ulit na rin siya nitong nailigtas sa kamay ni Kasanaya. Hindi rin niya alam kung bakit sa kabila ng galit nito kay Anilaokan ay napalitan lahat iyon ng pag-aalala sa nilalang na bumihag sa kanya.

"Kaibigang Mariang Sinukuan, Kailangan na nating sumakay sa Balanday." Ang pag-anyaya ni diyosang Tala kay Laurea na nagmamadali ng makaalis sa isla..

Tumingin si Laurea kay diyosang Tala, bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Hati ang isip kung sasama na siya sa kaibigang diyosa o magpapaiwan para balikan si Anilaokan na makailang ulit ng nagligtas sa buhay niya.

Hindi man magsalita ang kaibigan ay batid ni diyosang Tala kung ano ang bumabagabag ka Laurea o Mariang Sinukuan. Marahil ay nahuhulog na ang loob ng kaibigang diwata kay Anilaokan, pero dalangin niya na sana mali siya ng akala.

"Kailangan na nating umalis, Mariang Sinukuan. Ilang saglit lang ay naririyan na ang mga kampon ni Kasanaya. Hindi niya tayo titigilan hangga't hindi tayo nahuhuli at napapatay." Ang muling sabi ni diyosang Tala.

"Kailangan niya tayo..." Ang nag-aalalang tugon ni Laurea na ang tinutukoy ay si Anilaokan. "...hindi natin dapat siya iniwan mahal na diyosa."

"Naiintindihan ko, pero kailangan na natin tanggapin na wala na siya. Alam mo kung ano ang kayang gawin ng Culeriot, mahal kong kaibigan. Lalo na sa kalagayan niya, masyado na siyang mahina. Isinakripisyo niya ang buhay niya para mailigtas lang tayo, kaya walang dahilan para sayangin natin ang pagbubuwis ng buhay para sa atin ni Anilaokan." Ang paliwanag ni diyosang Tala sa kaibigan.

"Pero, kailangan kong magbakasakali na buhay pa siya mahal na diyosa. Nararamdaman ko na hindi pa siya patay. Kailangan ko siyang mailigtas sa kamay ni Kasanaya."

"Pero kaibigang Mariang Sinukuan..." Ang pagtutol sana ni diyosang Tala.

"Sana maintindihan po ninyo mahal na diyosa." Ang pagsusumamo naman ni Laurea sa kaibigan.

"Paano ang kaligtasan mo?"

"Habang naririto ako sa kagubatan, magiging ligtas ako mahal na diyosa." Ang paniniguro ni Laurea kay diyosang Tala.

"Mahal na kaibigan, nasa kagubatan ka ng isla ng Labuad. Teritoryo ito ni Kasanaya, lahat ng nakapalibot dito ay may kasamaang hatid." Ang nag-aalalang wika ni diyosang Tala.

"Mahal na diyosa, isa po akong diwata ng kagubatan, mapapasunod ko ang lahat ng nilalang sa kagubatan mabuti man at masama. Nilikha ako para sa  lugar na tulad nito kaya yuyuko sa kagustuhan ko ang lahat ng naririto sa kagubatang ito mahal na diyosa." Ang paliwanag ni Laurea.

"Pero..." Ang muling pagtutol sana ni diyosang Tala.

"Buo na po ang pasya ko mahal na diyosa. Patawarin po ninyo ako sa pagsuway ko sa inyo, dahil hindi ko kayang pabayaan na lamang si Anilaokan." Ang paliwanag ni Laurea.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon