Chapter 5: THE MISSING BOTTLE

322 24 0
                                    

Nanginginig sa lamig ang karamihan sa mga taong nakaligtas mula sa naglalakihang mga alon, pagkatapos na naganap ang napakalakas na pagyanig. Karamihan sa kanila ay nasa itaas ng mga gusaling hindi naibagsak ng naganap na mga pagyanig. Lahat ay takot na takot at umiiyak, pati na rin ang mga nakaligtas na sundalo na naghinihintay sa paghupa ng tubig sa mga kalsada.

Kasama ng mga taong naroroon ay ang mga natitirang mga taong-lobo na nakaligtas rin sa delubyo. Naroroon at kasama nila si Ceasar na kitang-kita sa mukha ang labis na pag-aalala kay Caren na naramdaman niyang gustong makipag-ugnayan sa kanya kani-kanina lamang. Pero, bigla na lamang naputol ang pagpaparamdam ni Caren sa kanya at hindi siya mapakali dahil baka nasa panganib din ang dalaga.

Wala naman tigil sa paghahanap sina Demetria kay Randy sa paligid kung saan siya huling nakita matapos gamitin ang kapangyarihan nito. Ibinuhos ang lahat ng kapangyarihan ng binata mapigilan lamang ang paparating na napakalaking alon na puwedeng makapinsala ng husto sa mga taong naroroon habang inililigtas ng kanyang mga kasama. Pero, halos magtatakip-silim na ay hindi pa nila nakikita si Randy na labis na ang pag-aalala nila sa kanya.

Kanina pa naiiyak si Demetria sa posibleng masamang sinapit ni Randy. Hindi niya lubos maisip na itataya ng binata ang kanyang buhay mapigilan lamang ang mas malalang delubyo na posibleng kumutil pa ng mas maraming buhay. Paano na si Odessa kapag nalaman nito ang kinahinatnan ng kasintahan niyang si Randy?

"Randy...nasaan ka na?" ang pabulong na wika ni Demetria habang nakatayo sa dalampasigan ng Manila Bay at nakamasid sa malapit ng lumubog na araw.

Kasama niya sa paghahanap sina Fr. Mexo at Sagaway na walang tigil ding ginagalugad ang buong paligid na kung saan huling nakita nila ang kaibigan.

"Randy!" ang malakas na sigaw ni Fr. Mexo.

Nakisali na rin sa paghahanap ang iba pang mga taong-lobo na kasalukuyan ring naroroon para hanapin din ang kanilang mga kasama na tinangay ng mga naglalakihang mga alon. Mabuti na lamang at napigilan ito ni Randy ay sinuwerte pa rin silang nakaligtas sa delubyo.Pero nasaan na nga ba si Randy? Ano na nga ba ang nangyari sa kanya matapos gamitin ang kapangayrihan?

Tuluyan ng lumubog ang araw at napagkasunduan na nina Demetria ang tumigil na muna sa paghahanap kay Randy. Hindi na ligtas para sa mga taong kasama nila ang sapitin pa ng kadiliman lalo na't nagkalat pa rin ang mga kampon ng kadiliman sa paligid. Napagkasunduan nila na bukas na lamang nila itutuloy ang paghahanap at sa ibang lugar na rin nila gagawin iyon dahil baka nga naman tinangay ng malalaking alon sa ibang lugar sina Randy at iilang mga tao kasa-kasama nila.

Malungkot na umahon mula sa dagat sina Demetria. Maging si Sagaway ay bakas ang pag-aalala at dumeretso na lamang sa mga natitirang mga puno na hindi napinsala ng pagyanig at mga naglalakihang mga alon. Si Fr. Mexo at Ceasar ay kaagad na pinuntahan ang mga tao upang tulungan ang mga nasugatan at nangangailangan ng agarang lunas.

Nagsimula na ring tumulong ang mga sundalo para alalayan ang mga nailigtas na mga mamamayan. Tinipon nila ang lahat ng naroroon na di alintana na kasama rin nila ang iba pang taong-lobo na kasa-kasama ni Ceasar. Ilan sa mga sundalo ang pilit na isinasalba ang iba pang mga kagamitang mapapakinabangan at naghahanap ng mga gusaling masisilungan para magpalipas ng gabi.

Takot ang namamayani sa mga taong nakaligtas sa delubyo. Takot na kahit na makailang ulit na naranasan na nila ito ay tila isang napakasamang bangungot pa rin na unti-unting sumisira sa kanilang katinuan. May bukas pa ba na naghihintay sa kanila sa kabila ng kanilang sitwasyon na tila ipinagkait na ng Diyos ang mabuhay pa ng payapa at ligtas sa mga nilalang ng dilim?

"Mga kasama! Lahat ng mga nakaligtas dalhin sila rito. Lahat ng may sugat bigyan ng agarang lunas. Kailangan natin lisanin ang lugar na ito sa lalong madaling panahon!" ang sigaw ng isang armadong lalake na nakatayo sa isang bahagi ng gumuhong pader ng isang gusali. "...hindi ligtas para sa lahat ang lugar kung saan tayo naroroon, lalo na kapag nagkaroon ng aftershocks at tuluyang gumuho ang iba pang gusali."

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon