Chapter 3: KUBOT

330 26 4
                                    

Sinunggaban ng isa sa tatlong kubot sina Laurea at Anilaokan. Gamit ang matatalim na mga kuko ay hindi namalayan ni Anilaokan na nakalmot siya nito sa mukha na naging dagilan para mapaatras ang lalakeng diwata. Sumabay din sa pag-atake ang dalawa pang kubot na tila ibinaba ng hangin mula sa mga sanga ng mga puno na nakayungyong kung saan sila naroroon. Gamit ang buhok ng dalawang kubot ay mabilis na humaba ang bawat hibla ng mga ito na hindi na naiwasang mailagan pa nina Laurea at Anilaokan. Pumulupot sa kanilang katawan ang tila mga ahas na mga hibla ng buhok, taglay ng napakalakas na kapangyarihan na hindi kayang pigilan ng parehong diwata. Pilit na kumakawala sina Laurea at Anilaokan sa nakapulupot na buhok sa halos buo nilang katawan kasabay ng kanilang pagbagsak sa masukal na sahig ng kagubatan ng Tenacsan.

"Ako ang inyong panginoon, bakit ninyo ginagawa ito sa sa akin?! Iniuutos ko na pakawalan niyo kami o malalasap ninyo ang aking kaparusahan sa ginagawa ninyo ngayon sa amin!" ang matigas na utos ni Anilaokan habang pilit na kumakawala sa matitibay na hibla ng buhok ng dalawang kubot na naglalaway sa sobrang kagutuman. Ang kanilang mga mata ay nakatuon kay Laurea bilang isang masarap na pagkain para sa kanila.

"Hindi na ikaw ang aming panginoon Anilaokan, ang aming katapatan ay kay diyosang Bulan na! Kaya magiging matamis para sa amin ang kayo'y aming patayin dahil kami'y gagantimpalaan ng aming panginoong diyosa..." ang halos sabay na wika ng dalawang lalakeng kubot.

Pinilit namang umiwas ni diyosang Tala sa pag-atake sa kanya ng isa pang kubot na napakabilis ding kumilos. Sinubukan ng babaeng kubot na patalsikin ang gamit na tungkod ni diyosang tala sa pamamagitan ng buhok nito na tila may sarili ring buhay at pag-iisip. Pero kaagad ring nakaiwas ang diyosa sa nakaambang panganib mula sa buhok ng mga ito.

Gamit ang Lintik, ay mapuwersang pumailanlang sa himpapawid si diyosang Tala at pinakawalan ang malalakas na boltahe ng kuryente para patamaan ang babaeng kubot. Pero bago pa man tumama ang mga hibla ng kuryente sa nilalang ng dilim ay mabilis itong nakalundag at nakaiwas sa bagsik ng mga kuryente. Hindi inaasahan ni diyosang Tala na mabibilis ang mga kubot sa kagubatan ng Tenacsan sa isla ng Labuad. Mas malakas ang kapangyarihan ng mga ito kung ikukumpara sa mga kubot sa mundo ng mga tao at iba pang kaharian sa Sinukluban. Dito sa kagubatan ng Tenacsan sa isla ng Labuad ang kanilang tahanan dahil ito ang naging kaharian nila bago pa man sila pinarusahan ni Bathala.

Hindi na bago kay diyosang Tala ang mga kubot. Isa sila sa mga diwatang pinarusahan ng kanyang ama bilang parusa sa pagsali nila sa rebelyong sinimulan ni Anilaokan. Bilang ganti sa ginawa ni Bathala sa kanila ay nag-anyong tao ang mga ito at namuhay kasama ang mga tao sa Sansinukop. Sila ang mga nagpalaganap sa mga lahi ng mga kubot sa daigdig ng mga tao para tuparin ang kanilang pangakong paghigantihan ang mga mortal na tao na pinakamamahal ni Bathala.

Muli ay inihampas ni diyosang Tala ang tungkod ni Bathala, ngunit sa pagkakataong ito ay sa dalawang kubot na lalake ito ipinatama. Madali pa ring naiwasan ng dalawang kubot ang mga napakalakas na boltahe ng kuryente habang nakapulupot pa rin ang kanilang mga buhok kina Laurea at Anilaokan. Wala pa ring magawa ang dalawang diwata para makawala sa buhok ng mga kubot dahil unti-unting sumisikip ang pagkakapulupot nito sa kanila kapag sinusubukan nilang kumawala dito. Ramdam nila ang unti-unting panghihina ng kanilang katawan dahil unti-unting hinihigop ng mga buhok ang kanilang mga lakas.

Hindi namamalayan ni diyosang Tala ang paglundag sa kanya ng babaeng kubot, dahilan para mawalan siya ng balanse at bumagsak sa sahig ng gubat. Nabitawan ni diyosang Tala ang lintik at tumilapon ito tatlong metro palayo sa kanya. Nakakuha ng pagkakataon ang kubot sa pagkakabagsak ng diyosa kaya hindi na ito nag-aksaya ng panahon at pumaimbabaw ito kay diyosang Tala. Hinawakan ng kubot ang dalawang kamay ni diyosang Tala para hindi makagalaw at maipagtanggol ng diyosa ang kanyang sarili. Inilabas ng kubot ang mahaba at kulay ube na dila nito at pilit na idinidikit sa mukha ng diyosa. Ramdam ni diyosang Tala ang malagkit at mainit na laway ng kubot na unti-unting tumutulo sa kanyang leeg. Naaamoy rin niya ang mainit at nakakahilong amoy ng hininga ng aswang na kubot na pilit niyang iniiwasan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon