CHAPTER 39: THE START OF WAR

118 6 2
                                    

Marahang pinagmamasdan ng huklubang si Darion ang isang napakalaking puno na nakayungyong sa mabatong kalsada na kung saan nila huling nakita ang grupo nina Odessa. Kasama ang dalawampung mandirigma ng kaharian ay puspusan ang kanilang pag-iimbistiga kung paano nakalusot ang kanilang mga kalaban sa loob ng tunnel na pinamumugaran ng mga mababangis na halimaw. Kaya ang atensyon ni Darion ay nakatuon ngayon sa patay na puno. Pakiramdam niya ay may kakaiba sa puno kaya di niya maalis-alis dito ang kanyang paningin.

"Cyla! Roa! Pumarito kayo dali!" Tawag niya sa dalawang mandirigma ng palasyo.

Mabilis namang lumapit ang dalawang mandirigma na tinawag ng hukluban.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo, Darion, dakilang salamangkero ni Haring Khalil?"

"Cyla, magmadali ka at tunguhin ang mahal na hari at sabihing natagpuan na na ang lugar ng mga rebelde." Ang magiliw na tugon ng hukluban.

"Huh? Pero?" Ang nagtatakang tanong ni Cyla at napakamot sa ulo.

"Wala ng pero pero, magmadali ka dahil ayaw ng hari ang naghihintay." Mabilis na tugon naman ni Darion sa mandirigma na walang magawa kundi ang sumunod sa kanya.

Mabilis na tinungo ni Cyla ang kanyang kabayo at sumakay kaagad dito. Pinatakbo niya ang kabayo sa direksyon ng palasyo na di gaanong kalayuan sa lugar kung saan sila naroroon.

"Roa, ibigay mo sa akin ang iyong pana at sabihan kaagad ang mga kasama na humanda sa pakikipaglaban. Pagkatapos sabihan ang mga kasama ay tunguhin mo ang pinakamalapit na kampo ng mga sundalo at mandirigma ng hari na kaagad tumungo rito para madagdagan ang ating puwersa." Ang wika nito sa ikalawang mandirigma na kaagad namang tumalima sa sinabi.

Pagkabigay sa pana ay umusal muna ng mga dasal si Darion at ipinikit nito ang kanyang mga mata. Sinugatan niya ang kanyang palad gamit ang matalim na kuko sa kanyang hinliliit na daliri. Dumaloy ang maitim niyang dugo sa kanyang palad at saka niya inihasik sa paligid. Pagtama ng dugo nito sa lupa ay mabilis itong umusok at saka kumulo, kasabay ng pagkalat ng napakasangsang na amoy. Dahan-dahan ay iminulat ni Darion ang mga mata at natuwa sa kanyang nakita. Mula sa lupa na kung saan pumatak ang kanyang dugo ay naipunla niya ang mga lamang lupa na kusang aahon pagdating ng tamang pagkakataong kailangan silangvtawagin ng kanilang panginoon. Pumuwesto na rin ang labing-siyam na mandirigma na tinipon ni Roa papunta sa harapan ng napakalaking puno.

Kinuha ni Darion ang pana na hiningi niya kay Cylo. Binasa niya ng dugo mula sa kanyang palad ang palaso bago niya inilagay na ito sa pana at iniumang sa patay na puno. Huminga ng malalim ang hukluban at saka hinila ang palaso mula sa pana. Sinipat niya ang gitnang bahagi ng puno at saka pinakawalan ang palaso na mabilis na tumusok sa kung saan ito sinipat ni Darion. Pagbaon ng palaso sa katawan ng puno ay tila umilab ito na para bang nasaktan sa pagkakabaon ng palaso. Tumulo ang napakapulang dagta kung saan tumusok ang palaso. Gumuhit mula rito ang maiitim na ugat at ang unti-unting paglagutok ng katawan ng puno. Biglang humiwalay at natumba sa mabatong kalsada ang puno na isang kapre na tinamaan ng palaso. Walang nagawa ang isang kapre na nanlilisik ang mga mata na inihanda ang sarili sa pakikipaglaban. Halos napaurong sa takot ang labing-siyam na mandirigma ng hari ng Elitheria pagkakita sa dalawang kapre.

"Sinasabi ko na nga ba at may misteryong nangyayari dito napakalaking punong ito." ang nakangiting wika ni Darion habang pinagmamasdan ang dalawang kapre at ang pagkakadiakubre nito sa lihim na daan. "Ngayon ay tuluyan ng mabubuwag ang mga rebeldeng sakit ng ulo ni Haring Khalil, kasama na rin ang anak ng kanyang dating asawa."

Mula sa pagkakabagsak sa lupa ay muling tumayo ang kapre na tinamaan ng palaso sa dibdib. Ngunit kaagad itong nakaramdam ng panghihina dahil sa taglay na lason mula sa palasong ginamit ng hukluban mula sa kanyang dugo. Dahil sa nakitang ginawa sa kasama, nag-ngingitngit sa galit na umatake ang ikalawang kapre sa mga sundalo ng palasyo na kaagad ring pumwesto para depensahan ang mga sarili. Gamit ang napakalaking pamalo ay pinaghahampas ng kapre ang bawat makitang mga sundalo.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon