Chapter 26: THE KING IS DEAD

220 10 2
                                    

Pagkahawak ni diyosang Tala sa Lintik o tungkod ni Bathala ay sumalubong ang sanga-sangang mga kidlat sa himpapawid na nagbigay ng kakaibang takot sa hari ng Nakpao na si Laudeus. Halos manginig ang tuhod nito at hindi na makakilos pa sa kinatatayuan, habang pinagmamasdan ang kapangyarihan ng tungkod sa kamay ng diyosa.

Sa mga sandaling iyon ay si Kasanaya ang laman ng isip ni haring Laudeus. Alam niyang darating ang manggagaway na kanyang panginoon dahil ito ang mensaheng ipinarating nito mula sa salamin ng pangkukulam.

"Panginoong Kasanaya, nasaan ka na? Dumating ka na, tulad ng ating mga plano..."  Ang sabi ng isip ng hari na balisa mula sa kinatatayuan. Tagaktak ang pawis sa kanyang katawan.

Manghang-mangha siya kung paano pinalakas ng tungkod ang kapangyarihan ng diyosa habang nakikipaglaban ito sa kanyang halimaw na ibinigay ni Kasanaya ng dumalaw ito sa pinamumunuang kaharian.

"Panginoong Kasanaya, kailangan na kita dito, sana dumating ka na para pigilan na si diyosang Tala."

Muli ay pinagmasdan ni Haring Laudeus ang pakikipaglaban ng kanyang Alupakdan sa diyosa. Maka-ilang ulit na tinamaan ng mga boltahe ng kuryente ang alaga at ramdam nito ang sakit at hapdi ng mga boltahe ng kuryente sa tuwing tumatama ang mga ito sa katawan ng halimaw. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya mahihintay ang kanyang panginoong si Kasanaya. Kailangan na rin niyang kumilos para tulungan ang alaga.

Noong kabataan niya at hindi pa katabaan ang katawan ay isa siya sa pinakamagaling na mandirigma sa buong Sinukluban. Kaya hindi nakapagtataka na matalo niya ang sariling ama para mapalitan siya sa trono. Noon pa man ay pinangarap na niyang maupo sa trono ng ama, kaya kailangan niyang maging matalino sa lahat ng bagay. Isa-isa niyang lihim na ipinapatay ang tatlong kapatid para wala siyang magiging kaagaw sa trono kapag namayapa na ang kanilang amang hari. Wala siyang pagpipilihan dahil siya ang pinakabata sa lahat ng magkakapatid. Hindi ipapamana sa kanya ng kanilang amang hari ang pamumuno sa Nakpao dahil nakalaan lamang iyon sa pinakapanganay sa kanilang magkakapatid.

Pero nang isa-isang napatay ang tatlong tagapagmana sa trono ay nabatid ng nakaupong hari ang kataksilan at kasamaang ginawa ni Laudeus sa mga tatlong anak. Halos hindi matanggap ng matandang hari ang ginawa ng bunsong anak kaya, ipinatapon si Laudeus sa isang malayong isla sa dulong bahagi ng Sinukluban. Pero, huli na ng malaman din nito na nakagawa na ng mga kakampi sa konseho ng kaharian si Laudeus, dahilan para mailigtas ito sa pagpapatapon sa malayong isla.

Bumalik sa kastilyo si Laudeus at doon palihim na linusob ng mga kaanib nito ang pagkubkob sa kaharian. Naging matagumpay si Laudeus sa pagsakop sa kaharian at ipinakulong ang ama sa mga kulungan sa pinakabasement ng palasyo. Pero hindi magiging hari si Laudeus kahit pa nahuli na ang kaniyang ama. Dahil batay sa batas ng kanilang kaharian; kusang ipamamana o ipagkakaloob ng kasalukuyang hari ang pamumuno sa kung sino man ang nais nito at sa pamamagitan ng isang duwelo na hindi nito matatanggihan kapag siya'y hinamon.

Makapangyarihan ang amang hari ni Laudeus at alam nito na hindi niya kayang tapatan sa pamamagitan ng patas na laban ang ama. Kaya't bago pa man dumating ang duwelo ay pinahirapan muna ang matandang hari para siguradong matatalo nito ang ama. Makailang ulit rin na lumapit si Laudeus sa ama na igawad na sa kanya ang basbas para pamunuhan na ang kaharian ng Nakpao. Ilang ulit na nakiusap para maiwasan na ang duwelo sa pagitan nilang mag-ama. Pero ilang ulit din siyang binigo ng ama na mas piniling mamatay ng may dangal habang ginagampanan ang tungkulin bilang isang hari.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon