Chapter 43: THE FALLEN GRACE

77 9 3
                                    

Patuloy sa mabilis na paglipad si Odessa na kung saan nakapag-palit na siya ng anyo bilang bagauisan na isang dragong apoy. Isang daang metro sa kanyang harapan ay ang papatakas na bakunawa na kung saan sakay nito si Haring Khalil. Hindi inaasahan ng hari na natutunan ni Odessa na gamitin ang kapangyarihan ng nilalang na hindi natutunang gawin ni Reyna Baguinua. Kailangang makabalik ng hari sa kanyang kaharian dahil doon naghihintay ang isang patibong para kay Odessa.

Nais mapanagot ni Odessa ang hari sa ginawa nito sa kanilang mag-ina. Dahil sa amang hari ay hindi na nakilala ni Odessa ang kanyang ina. Dahil sa hari ay naging masalimuot ang buhay ng mga mamamayan ng Elitheria, ang kaharian ng kaniyang ina na namana pa sa kanunu-nunuan nila. Si Odessa ang ika-limang salinlahi mula sa kauna-unahang hari na namuno sa Elitheria. Hindi niya hahayaan na mapuputol ang salin-lahi niya nang dahil lamang sa kasamaang inihasik ng asawang mortal ng kanyang ina.

"Sige lang Odessa, sumunod ka lang, dahil may inihanda akong sorpresa sa'yo sa pagbabalik mo sa kaharian na kung saan ka isinilang," ang sabi ni Haring Khalil sa sarili. Para siyang isang bata na sabik na sabik na makarating sa lugar na kanyang pinanabikang balikan.

Walang malay naman si Odessa na may inihahanda palang patibong ang hari laban sa kanya. Sa mga oras na iyon ay galit ang nangingibabaw sa babaeng Sangre dahil pagkakataon na rin niyang maipaghiganti sa ginawa nito sa kanilang mag-ina.

"Hinding-hindi kita pakakawalan Khalil at di rin bibigyan pa ng ikalawang pagkakataon para mabuhay. Ang taong katulad mo na labis ang ginawang kasamaan hindi lamang sa amin ni inang reyna, lalong-lalo na sa mga mamamayan ng Elitheria ay walang lugar sa mundong ito," ang pabulong na wika no Odessa na pilit na binibilisan ang paglipad para mahabol ang hari.

Mula sa himpapawid ay napasinghap si Odessa sa nakita niyang kagandahan ng kristal na palasyo na kumikinang pa rin kahit makulimlim ang panahon. Halos maluha siya nang maalalang dito siya isinilang ng kanyang inang reyna. Kristal na halos kasing kulay ng tubig sa karagatan at buong gandang nakatayo sa taas na halos tatlong daang metro mula sa lupa. Walang ideya si Odessa kung paano ito itinayo ng kanyang mga ninuno na sa kasamaang-palad ay napunta lamang sa isang baliw na hari. Lalong nag-ngitngit sa galit si Odessa nang maalalang inagaw ni Haring Khalil ang lahat sa kanya at sa inang Reyna. Hindi sana nagdurusa ang mga mamamayan ng Elitheria kung hindi iyon ginawa ng hari na kung tutuusin ay isa lamang dayo mula sa mundo ng mga tao.

Humuni ng malakas ang bakunawa na kung saan nakasakay ang Haring si Khalil. Napakatining na huni ang pinakawalan nito na hindi mo iisipin na nangmumula ito sa napakalaking nilalang na tulad ng bakunawa. Lumipad ito paitaas sa ibabaw ng mga ulap at saka nakangising tumingin ang hari sa babaeng Sangre. Mapuwersa namang ipinagaspas ng nag-aapoy na mga pakpak ng Bagauisan maabutan lamang sa paglipad ang baliw na hari.

Kinabahan si Odessa sa ginawang pagpapalipad papaitaas ng hari sa kanyang sinasakyang bakunawa. Kahit ito ang ikalawang pagkakataon na ginamit ni Odessa ang Bagauisan ay hindi lingid sa kanya ang panganib sa paglipad niya sa napakataas na mga ulap. Kahinaan ng Bagauisan ang napakalamig at mababang temperatura kaya kahit makapangyarihan ito madali pa rin siyang magagapi ng kalaban. Ito marahil and dahilan kung bakit nagpapahabol ang hari dahil may patibong ito laban sa kanya.

Pumasok ang bakunawa sa mga makakapal na ulap. Natigilan sa paglipad si Odessa at nagdesisyon itong mananatili sa ilalim ng mga ulap at makikiramdam sa kalaban. Tuso ang hari, kaya kailangan niyang mag-ingat sa mga binabalak nito sa kanya.

Tanging ang pagsipol ng malalakas na hangin sa ilalim ng mga ulap ang naririnig ni Odessa sa kanyang kinaroroonan. Taimtim siyang magmamasid sa paligid at nakahanda sa pag-atake sa kanya ng hari.
Nakakalula sa taas ang kanyang kinaroroonan. Doon ay kanyang nasisilayan ang sari-saring pakabughaw na kulay ng karagatang sakop ng Merillan. Sa gawing kanan niya ay matatanaw pa rin ang kristal na palasyo ng Elitheria na katangi-tangi sa kanyang paningin.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon