Chapter 40: ELEMENTAL WAR (Part 1)

84 7 0
                                    

Mabibilis na nagsilabasan sa malalaking bitak ng lupa ang mga lamang-lupa na nakahanda ng sumalakay kina Odessa. Sa himpapawid ay nagpalit ng anyo si Sucu bilang isang higanteng agila na nagsimulang dagitin ang mga lamang-lupang mabilis na sumusugod sa kanila. Sa hanay ng mga rebeldeng sundalo ay daan-daang mga palaso ang pinakawalan nila habang papalapit ang mga napakaraming mga lamang-lupa na uhaw sa dugo at laman.

Lumundag mula sa kabayo si Sakaya at ginamit ang kapangyarihan ng kanyang isip sa mga mandirigmang sundalo ng hari. Nilinlang niya ang mga ito sa pamamagitan ng kaniyang mga himahinasyon. Dinadaya ni Sakaya ang mga mata ng kalaban para malinlang ang mga ito. Dinala niya ang mga ito sa isang malawak na karagatan na kung saan pakiramdam ng mga lamang-lupa ay unti-unting nalulunod sa tubig-alat na kanilang kahinaan.

Kitang-kita sa mga mukha ng mga lamang-lupa ang labis na takot na tila bangungot sa kanila. Doon ay saka aatake si Sakaya gamit ang isang maliit na patalim. Nilalaslas niya ang leeg ng mga lamang-lupa na biktima ng kanyang kapangyarihan.

Gamit naman ang kalahati ng Eskrihala ay inupinsahan na ni Odessa ang paglaban sa mga lamang-lupa. Sa tabi niya ay si Sulermo na nagpalit ng anyo bilang isang tikbalang. Hangga't maaarinay iniiwasan ni Odessa ang gamitin muna ang kapangyarihan para na rin sa kaligtasan ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Madalas ay nasa tabi lamang siya ni Sulermo na umaalalay sa kanya.

Mariin namang pinagmamasdan ni Darion si Odessa sa pakikipaglaban nito. Gusto niyang makita mismo sa mata niya ang katotohanan sa mga sabi-sabi kung bakit kinatatakutan ng mga anak ng dilim ang babaeng Sangre. Pag-aaralan niya ang mga kilos nito at mag-iisip ng paraan para matalo niya ito sa pakikipaglaban. Interesado rin siya sa kapangyarihan ng Eskrihala na gamit ni Odessa sa kanyang pakikipaglaban.

Mabilis ang mga kilos ni Odessa. Alam niya ang galaw ng mga kalaban at ang mga iniisip nito. Wala siyang sinasayang na sandali sa kanyang pakikipaglaban kahit limitado lamang ang taglay na kapangyarihan ng hawak na Eskrihala. Hangga't maaari ay iniiwasan niyang gamitin ang kapangyarihan para na rin sa kaligtasan ng sanggol sa sinapupunan. Hinding-hindi niya is usually ang buhay ng magiging anak sa labanang wala naman siyang kinalaman.

Nagpaalala kay Odessa ang labanang ito sa labanang naging dahilan ng pagkakadakip ni Laurea sa mga anak ng buwan. Hanggang ngayon ay wala na siyang balita sa kanyang itinuturing na nakatatandang kapatid. Pero umaasa siya na magkikita rin sila balang araw.

Apat na lamang-lupa ang sabay-sabay na sumungab kay Odessa. Mapuwersang siyang lumundag sa kinatatayuan at isang malakas na sipa ang tumama sa mukha ng lamang-lupa da kanyang likuran. Kasabay nito ang paghampas sa leeg ng isa pang lamang-lupa gamit ang latigong Eskrihala. Tumilapon ang ulo nito kasabay ng paghila ni Odessa sa Eskrihala. Pagkahila sa Eskrihala ay tumama naman ito sa mukha ng ikatlong lamang-lupa na lumikha ng malalim na sugat sa nilalang ng dilim. Isa pang tadyak ang tumama sa likuran ng ulo ng ikaapat na lamang-lupa na lumugutok ang buto sa ulo sa lakas ng pagtama ng paa ng babaeng Sangre.

Sa kabilang banda, ay seryoso sa pakikipaglaban si Aring Sucu, na makailang ulit na ring nagpalit-palit ng anyo. Adbantahe sa kanya ang kapangyarihan na kayang makapagpalit ng anyo mula sa pinakamaliit na insekto, hanggang sa dambuhalang hayop. Kadalasan, ang napakalaking ggila ang ginagamit niya sa tuwing nakikipaglaban sa malaking digmaan. Hindi kasi siya maabot ng mga katamtamang laking nilalang na tulad sa mga lamang-lupa.

Katuwang naman ni Sucu sa ilalim si Sakaya na napakagaan ng katawan na nagpalundag-lundag sa mga bato at mga puno habang isa-isang nilalaslas sa leeg ang mga lamang-lupang nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan. Malaya niyang gawin ang nais niya sa mga kalaban na walang kamalay-malay sa kanilang kamatayan.

Tila hindi kumbinsido ang huklubang si Darion sa ipinapakitang pakikipaglaban ni Odessa na gamit lamang ang Eskrihala sa pakikipaglaban. Base sa mga galaw na ipinapakita nito sa pakikipaglaban ay masasabi niyang baguhan pa lamang ito. Nangisi siya dahil hindi man lamang siya mahihirapan sa pagpatay sa babaeng tinutukoy sa propesiya. Hinawakan niya ang pana saka iniumang sa babaeng Sangre at ipinuwesto nito ang palaso saka iniumang kay Odessa na abala sa pakikipaglaban. Hinila niya ang palaso sa pana at saka huminga ng malalim. Ipinuwesto niya ang pana kay Odessa na sa tingin niya ay walang kamalay-malay sa mangyayari. Mabilis na pinakawalan niya ang palaso at dumiretso ito kay Odessa. Pero biglang nawala ang ngiti sa mga labi ni Darion nang makita niya kung paano mabilis na pumulupot ang latigong Eskrihala sa leeg ng isang lamang-lupa saka niya ito mapuwersang hinila papunta sa kanya. Sapul sa dibdib ang lamang-lupa sa pinakawalang palaso ni Darion. Kasabay nito ang pagkawala ng mga ngiti sa labi ng hukluban at pagtaas ng kilay sa ginawa ni Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon