Chapter 49: LIFE BLOOD

103 9 1
                                    

"Dalhin dito si Odessa, dali!" ang malakas na sabi ni Danum sa kalantoy na si Sulermo habang buhat-buhat ang babaeng Sangre.

Mabilis namang sumunod si Sulermo sa utos ng kanyang amo saka inilublob sa napakalinaw na tubig ang babaeng Sangre.

"Ang anak ko..." ang paulit-ulit na wika ni Odessa habang tumatangis sa posibleng kahihinatnan ng kanyang anak.

Kitang-kita ni Danum ang pagpatak ng sariwang dugo ng kaibigan habang dahan-dahang inilulublob ito sa tubig ni Sulermo. Awang-awa siya at nag-aalala rin sa buhay ng isa pa niyang kaibigan na si Sakaya na nag-aagaw buhay rin ng mga sandaling iyon. Bahagyang nakatulong naman ang ibinigay na lumot ng engkantong tubig sa kanya para mapahaba ang buhay ng kaibigan. Pero, ano mang oras ay puwedeng bumigay ang kaibigan. Sa kalagayan ni Odessa ay hindi niya matutulungan si Sakaya dahil siya man ay nangangailangan ng lunas para maisalba ang anak niya sa kanyang sinapupunan.

Pansamantalang guminhawa ang pakiramdam ni Odessa nang mailublob ang katawan sa tubig na galing sa mahiwagang bukal ng Aplaya. Pero hindi pa rin nito naibsan ang labis na pag-aalala sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi siya mapapanatag hangga't hindi niya masisiguro na ligtas ang magiging anak nila ni Randy.

Hindi rin mapakali si Danum sa kalagayan ng dalawa niyang kaibigan. Hindi rin siya makapag-isip ng maayos dahil hindi niya alam kung sino sa dalawa ang uunahin niyang lingapin. Naroroon at nagmamasid lamang ang mga engkantong tubig at tutulong lamang sila kung kagustuhan nila. Hindi rin makita ng diyos ng tubig ang engkantong nagbigay ng lumot para mapahaba ang buhay ni Sakaya. Marahil ay pinagbawalan na siya ng kanyang reyna na mangialam pa sa kanila.

Patuloy sa pag-iyak si Odessa kahit na bumuti ng bahagya ang pakiramdam. Marahang hinimas ang kanyang tiyan upang damhin ang mumunting tibok ng puso mula sa anak nila ng pinakamamahal niyang si Randy.

"Kapit lang, anak, kapit lang. Lumaban ka..." paulit-ulit na bulong niya sa sarili.

Kailangan ding maging malakas ni Odessa para sa pinakamamahal niyang anak. Ang masakit ay hindi pa niya nasasabi kay Randy ang kanyang pagbubuntis sa kanilang magiging anak. Hindi rin kasi niya alam na nagdadalang-tao siya nang umalis sa Sansinukop. Sa pagkakataong iyon ay sinisisi ni Odessa ang sarili sapaggamit niya ng kapangyarihan kahit alam niyang nakakasama sa magiging anak nila ni Randy. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama sa kanyang anak.

Biglang natigilan si Odessa sa pag-iyak nang maradaman ang mumunting tibok ng puso ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Muli ay dinama niya iyon para makasiguro, at ang kanina'y pag-iyak ay napalitan ng tuwa.

'Diyos ko, salamat. Salamat, hindi ko na hahayaang muling mapahamak ka pa anak," ang pabulong na sambit ni Odessa.

"Odessa..." tawag sa kanya ni Danum na hindi namamalayan na nasa tabi lamang niya.

"Diyos na Danum?" ang wika ni Odessa pagkakita sa kaibigan. "Buhay ang anak namin ni Randy, buhay siya," ang umiiyak sa tuwa na si Odessa.

"Ha? Salamat kay Bathala na buhay siya. Masaya ako Odessa na marinig mula sa'yo na buhay ang anak mo," tugon ni Danum saka kinuha ang mga kamay ng kaibigan at mahigpit na hinawakan ang mga iyon.

Napansin ni Odessa ang kalungkutan sa mukha ng kaibigan. "B-bakit ka malungkot? Hindi ka ba natutuwa na buhay ang anak ko?"

"Huwag mong sabihin yan, hindi mo alam kung gaano ako kasaya nang malaman mula sa'yo na ligtas ang anak mo. Tama ka, nalulungkot din ako at wala iyong kinalaman sa magiging anak niyo ni Randy," tugon ni Danum sa tanong ni Odessa.

"Ha? Pero bakit? Ano ang dahilan ng iyong kalungkutan?"

Binitawan ni Danum ang mga kamay ni Odessa saka ito tumayo at umahon sa tubig. Ikinumpas niya ang kamay sa tubig, at sa isang iglap ay dinala ng tubig ang isa pang katawan ng walang malay na babae sa tabi ni Odessa. Halos manlaki ang mga mata ng babaeng Sangre pagkakita sa kinahinatnan ng kaibigan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon