Chapter 42: ELEMENTAL WAR (FIRE and WATER)

75 9 4
                                    

Pagkakita ni Sulermo sa nangyari kay Odessa ay labis itong nabahala. Pinilit niyang makalapit sa kaibigan para sana ito ay tulungan, ngunit maging siya ay nasunggaban ng mga lamang-lupa.

Tuwang-tuwa naman na pinagmamasdan ni Haring Khalil ang unti-unting pagkaubos ng kanilang mga kalaban. Kitang-kita rin niya kung paano pinaglalaruan ni Darion si Sucu gamit ang kapangyarihan ng isip nito. Ngayon pa lang ay masasabi na niyang tagumpay na sila sa kanilang pakikipaglaban sa mga rebeldeng kumakalaban sa kanyang pamumuno sa Elitheria. Pero, ang lalong nagbibigay ng kasiyahan sa kanya ay ang kamatayan ni Odessa na matagal na niyang inaasam. Ipagdiriwang niya ang araw na ito dahil sa wala na ang babae sa propesiya.

Biglang nawala sa mukha ni Haring Khalil ang ngiti sa kanyang mga labi nang maramdaman ang mahihinang pagyanig. Mga pagyanig na nanggagaling sa ilalim ng lupa na tila may ipinapahiwatig sa kanya. Napatingin siya sa paligid habang abala sa pakikipaglaban ang mga natitira pang rebeldeng sundalo at ng kanilang mga kampon. Napansin rin niya ang unti-unting paglakas nito kaya umatungal na rin sa napakataas na tining ang bakunawa. Biglang naramdaman niya ang pagbilis ng pintig ng kanyang puso habang pinagmamasdan ang kabuuan ng paligid.

Biglang tumahimik sa lugar ng labanan. Lahat ay huminto sa pakikipaglaban nang maramdaman ang papalakas na pagyanig sa lupa. Maging ang natitirang kapre na tagabantay sa bukana ay natigilan din dahil sa nangyayari sa paligid. Lalong nagbigay ng takot sa kanila nang maramdaman nila ang panginginig ng kintatayuan nilang lupa.

Hindi naman nagpatinag si Darion sa kasalukuyang nangyayari sa kanilang paligid. Desidido siyang patayin si Sucu sa pamamagitan ng mga nilalang na Magsisinoc, mga nilalang ng dilim na walang pisikal na katawan. Mga itim na espiritu na dumadagit ng kaluluwa at espiritu ng mga nilalang na may buhay.

Lahat ay nabigla at ang iilan ay napasigaw nang mula sa kinaroroonan ni Odessa ay isang napakalakas na pagsabog ang gumimbal sa lahat. Kitang-kita ni Haring Khalil ang pagtilapon ng mg putul-putol at sunog na katawan ng mga lamang-lupa at mga mandirigmang sundalo. Ilan rin sa mga nagsiliparan sa paligid ay ang mga putol na katawan ng mga naglalakihang mga alakdan na kung saan nakasakay ang mga mandirigmang sundalo ng Elitheria. Mula sa pagsabog ay isang napakatining na huni ng isang nilalang ang halos pumunit sa kanilang pandinig.

"Anong..." ang tanging nasabi ni Haring Khalil pagkakita sa nangyari.

Halos manlaki ang mga mata ng hari nang makita ang unti-unting pag-ahon mula sa lupa ang halos kulay pulang nilalang na pamilyar sa kanya. Matatalas ang mga kuko nito sa mga daliri sa unahang pares na paa nito. Ramdam ni Haring Khalil ang unti-unting pag-init ng paligid na nagbigay rin ng takot sa sinasakyan nitong bakunawa. Pero, tila natulala ang hari habang pinagmamasdan ang pag-ahon ng bagauisan.

Mabilis na pumaimbabaw sa himpapawid ang bagauisan na kung saan nilulukuban niya si Odessa. Lahat ay nagsitakbuhan papalayo sa nilalang dahil sa nakakasunog na init nito. Maging ang mga lumilipad na kikik sa himpapawid ay hindi makalapit sa bagauisan.

Kapansin-pansin kay Odessa ang galit sa nangyayaring labanan. Bumuga ng napakainit na apoy ang bagauisan at itinuon niya ito sa mga kumpol na mga kikik na kasalukuyang limilipad papalayo sa kanya. Pero, nang madaanan sila ng apoy na nagmumula sa bagauisan ay kaagad na naging abo ang mga ito na mabilis na inilipad ng hangin.

Nang makita ito ng iba pang mga kikik at lamang-lupa ay hindi na nagdalwang-isip na tumakas papalayo sa nilalang ng apoy. Alam nilang hindi nila kakayanin ang bagsik ng bagauisan.

"Imposible, paano napasakanya ang kapangyarihan ng bagauisan? Paano ito naipamana ng kanyang ina sa kanya?" tanong sa sarili ni Haring Khalil na imbes na matakot ay namangha sa bagauisan na noon lamang nakita sa buong buhay niya.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon