Chapter 58: BATHALA'S INVITATION

89 7 2
                                    

Gumising si Kasanaya sa isang mabaho at madilim na silid na naliligo sa sariling pawis. Uhaw na uhaw at pakiramdam niya ay may nagsisiga sa kanyang paligid. Hindi siya pamilyar kung saan siya naroroon dahil sigurado siya na wala siya sa loob ng palasyo na kung saan siya ang reyna. Pilit niyang inalala kung ano nga ba ang nangyari  at bakit siya napunta sa kinaroroonan niya ngayon. Nagpalinga-linga siya pero wala siyang makita, maliban lamang sa pamilyar na amoy na nakakasulasok na asupre sa paligid. Dinig niya ang tila mga batong tila gumugulong sa buong paligid at ang maya't-mayang malalakas na pagsabog na nagpapayanig sa kinaroroonan niya. Natigilan siya nang magkaroon nang siya ngsuspetsa sa lugar na kinasadlakan niya.

"Hindi, hindi maaari!" ang nanginginig sa galit na sabi niya sa sarili nang mapagtantong nasa kaharian siya ni Sitan, ang lugar na tinatawag nilang Kasanaan. Bigla niyang naalala nang pumasok siya sa kanyang palasyo, nakita niya na tila mayroong pagtitipon sa loob ng kanyang kaharian. Naalala niya ang mga mukha ng kanyang mga kawal, mga sundalo, at mandirigma na tila may kakaiba. Hindi niya iyon pinansin dahil sa matagal siyang nawala sa kanyang kaharian. Kitang-kita niya ang mga mukha ng pinagkakatiwalaang mga pinuno ng kanyang hukbo. Mukha ng pagtataksil at pinagkaisahan siyang agawan ng karapatang pamunuan ang sarili niyang kaharian.

Nanginginig na ikinuyom ni Kasanaya ang magkabilang kamao dahil sa galit. Hindi niya makakalimutan ang mukha ni Banaual na siyang pasimuno para pabagsakin siya sa kanyang pamumuno. Sagad sa buto ang nararamdaman niyang galit para sa kanya. Ang mortal na mukhang iyon na gamit ni Banaual, hinding-hindi niya ito makakalimutan. Sa sobrang galit na naipon sa kanyang dibdib ay gusto niyang sumabog sa mga oras na iyon. Gusto niyang sumabog sa galit dahil inagaw lahat ni Banaual ang kanyang tagumpay. Nilinlang siya nito para makuha lahat ng kanyang pinagpagurang tagumpay. Hindi niya inakala na sa pagbalik niya ay pagtataksilan siya ng lahat ng pinagkatiwalaan niya. Ngayon ay alam na niya kung nasaan siya. Ikinulong siya sa Kasanaan; ang daigdig ng mga kaluluwang pinarurusahan dahil sa mga nagawang kasamaan sa mundo.

"Hindi, hindi ninyo magagawa ito sa akin. Babalikan ko kayo para maningil, maghihiganti ako sa inyo! Matitikman niyo ang galit ko kapag nakalabas ako dito! Banaual!" malakas na sigaw ni Kasanaya kasabay ng isang napakalakas na pagsabog mula sa nagbabagang putik sa paligid.

"Bulan? Ikaw ba yan mahal kong anak?"

Ang sabi ng isang pamilyar na tinig kay Kasanaya. Natigilan siya at pilit na inaaninag ang kadiliman ng paligid.

"A-amang Bathala?" ang nagtatakang tugon ni Kasanaya pagkarinig sa boses ng minsa'y naging ama niya ng mahabang panahon.

"Ako nga mahal kong anak. Bakit naririto ka?" ang tugon ni Bathala sa kanya.

"Kung gayon, naririto pa rin ang inyong espiritu? Mahal kong..." hindi na naituloy pa ni Kasanaya ang gusto sana niyang sabihin. Huminga siya ng malalim saka umupo sa matigas na sahig na kanyang kinatatayuan. Bakit nga ba niya kinakausap ang pasimuno sa lahat ng kanyang galit at paghihiganti?

"Hindi ba ito ang kagustuhan mo, anak, ang tuluyan na akong maglaho sa mundo? Ikaw, bakit ka naririto?" muling tanong ni Bathala kay Kasanaya.

"Huwag mo akong tawaging anak dahil hindi mo ako anak. Walang dugo na nanggaling sayo na nananalantay sa akin, Bathala!" ang matigas niyang tugon kay Bathala.

"Alam ko."

"Alam mo?" ang nagtatakang tugon niya kay Bathala.

"Walang magulang ang hindi nakakakilala sa kanyang anak, Kasanaya. Hindi lang sa kilos, pananalita at ugali nakikilala ng ama ang kanyang minamahal na anak, maging sa hininga at presensya nito kahit walang salita ang lumalabas sa bibig niya," paliwanag ni Bathala sa babaeng nagpanggap bilang si diyosang Bulan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon