Chapter 28: VERAÑA

222 7 1
                                    

Sabay-sabay na lumusot sa napakalaking katawan ng isang puno ang mga bola ng liwanag sa pangunguna ni diwatang Lakyao. Biglang tumigil ang kanina'y may kalakasang hangin na kaagad namang napansin iyon nina Odessa at ang mag-inang sina Impong Seña at Sakaya. Napatingin ang mga ito sa paligid habang hinihintay kung anong mangyayari sa pagsunod nila sa espiritu ng diwatang si Lakyao na lola pala ni Odessa. Laking panghihinayang ni Odessa sa sinapit ng kanyang lola na hindi lamang niya nakilala at nakasama habang nabubuhay pa ito. Labis namang kalungkutan ang nadama niya para sa kanyang lola. May magagawa pa ba sila para maibalik ang pisikal na anyo ng diwata at iba pang nilalang na nangangalaga sa lugar na iyon?

"Saan sila nagpunta?" Ang tanong ni Sakaya sa kanyang ina na kasalukuyang inaamoy-amoy ang paligid.

"Sshhh. Maghintay ka lang anak." Ang mahinang wika ni Impong Seña sa anak at saka ipinagpatuloy ang ginagawa nito.

"Kakaiba ang nararamdaman ko dito sa lugar na ito, Impong Seña. Bakit nagkaganito ang kaharian ng aking ina?" Ang sabi naman ni Odessa habang hinihimas ang katawan ng kabayong tubig na si Sulermo. "Ang aking lola, anong dahilan bakit wala siya sa pisikal niyang anyo?"

"Hindi ko rin alam. Walang nakakaalam, maging kami ng anak ko nabigla rin sa kinahinatnan ng Elitheria, Odessa. Malalaman natin ang sagot kapag nakarating na tayo sa lugar na kung saan dadalhin tayo ng mga espiritu sa pangunguna ng iyong diwatang lola." Ang tugon ni Impong Seña sa mga tanong ni Odessa. Abala pa rin ang matanda sa pag-amoy at pakikiramdam sa buong paligid nila.

Makulimlim pa rin ang panahon na tila nakikibagay sa kalagayan ng lugar. Pakiramdam ni Odessa na tila tinakasan ng buhay ang buong paligid dahil sa tindi ng sumpang iginawad dito (kung ito man ay isunumpa, ayon sa kanyang lola). Pansamantalang nawala ang mga alalaanin ni Odessa ng may makita siyang mga paggalaw sa malaking puno na kung saan lumusot ang mga bola ng ilaw kasama ang kanyang lola na si diwatang Lakyao. Mabilis na hinawakan ni Odessa ang Eskrihala sa kanyang likuran, pero pinigilan siya ni Impong Seña.

Biglang naglagutukan ang katawan at sanga ng puno na nagbigay ng pagkamangha kay Odessa ng makitang dalawang kapre pala ang inakala nilang patay na puno. Nakaharang ang dalawang kapre sa isang lihim na lagusan na papasok sa isang lugar na magbibigay sa kanila ng kasagutan tungkol sa kinahinatnan ng Elitheria.

Nagkatinginan sina Odessa at Sakaya dahil hindi nila inakala na ang napakalaking patay na puno sa kanilang harapan ay dalawang kapre na binubuksan ang daan para sa kanila.

Kasabay ng pagbukas ng lagusan ay sumilip ang napakaliwanag na sikat ng araw mula roon. Mula sa liwanag ay iniluwa naman ang isang matangkad na lalake na tila inaasahan ang kanilang pagdating.

"Magmadali kayo! Bago pa may makapansin sa lihim na lagusan, dali!" Ang malakas na wika ng lalaki na malaki at bilugan ang mababang tinig.

Pagkarinig sa lalake ay mabilis na tinungo nila ang lagusan. Malilikot ang mga mata ng lalake at tila maingat sa kanyang mga kilos. Pagdating nina Odessa sa lagusan ay tila hinigop sila ng liwanag na nagmumula roon. Kitang-kita ang pagkamangha sa mukha nina Sakaya at Odessa pagkakita sa dalawang kapre na kaagad na bumalik sa kanilang puwesto para maging patay na puno muli, pagkapasok nila sa lagusan.

Biglang naalala ni Odessa ang kaibigan niyang si Sagaway habang pinagmamasdan ang dalawang kapre na mabilis na isinara ang lagusan.

"Sagaway..." Ang pabulong na wika ni Odessa sa sarili, habang inaalala ang mga kaibigang iniwan niya sa mundo ng mga tao. Matagal-tagal na rin niyang hindi nakikita ang mga kaibigan. Kumusta na kaya sila ngayon?

"Sino si Sagaway?" Ang usisa ni Sakaya na narinig pala ang pagsambit ni Odessa sa pangalan ng kaibigan.

"Huh? Si Sagaway?" Ngumiti si Odessa ng maalala ang kaibigang kapre. "Siya yung kaibigang kapre na kasa-kasama namin ni ate Laurea." Ang paliwanag ni Odessa. "...naalala ko kasi siya ng makita ko yung dalawa na tagabantay pala sa lagusan papasok sa lugar na'to."

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon