Chapter 20: EXILE

239 11 2
                                    

Mula sa himpapawid ay kitang-kita ang napakaitim na usok na nagmumula sa mga bayan ng Aram, Deru, Bandor, Soria at Lumiar sa kaharian ng Balawis. Ang haring araw ay kasalukuyan pa lamang bumabangon mula sa nagtataasang mga kabundukan ng Bandor. Sinakop ng hari ng Balawis ang mga bayang ayaw sumailalim sa kapangyarihan ni Sitan. Halos limang araw na rin ang digmaan at patuloy pa rin sa pakikipaglaban ang mga pinuno ng mga nasabing mga bayan.

Patuloy ang paglawak ng digmaan. Marami na ang namatay at marami pa ang mamamatay. Ang mga mamamayan ay umaasa at naghihintay pa rin sa propesiyang ipinalaganap ng mga babaylan tungkol sa babaeng magliligtas sa kanila sa pagsakop ng kadiliman. Marami ang patuloy na ipinagtatanggol ang kanilang mga kaharian; kapangyarihan laban sa kapangyarian, ngunit lalong dumarami ang mga kahariang umaanib na sa mga anak ng buwan.

Unang bumagsak ang Ilaya, sumunod ang Nakpao, Katimauan, Dau, Albugan at ang Centro. Malapit na ring bumagsak ang Balawis at Tambular na patuloy pa ring lumalaban. Umaabante na ang mga anak ng buwan para lusubin na rin ang Eloria at Telakan, kasama na rin ang Balingaga at Camalig sa hilaga at ang Murcia na binubuo ng mga maliliit na kaharian. Lumalawak na rin ang impluwensya ng mga anak ng buwan dahil sa mga kahariang hindi na nagkakaisa at nagkawatak-watak. Mga kahariang binulag ng sistema at ng labis na pagkagaman sa karangyaan at kapangyarihan.

Marami sa mga mamamayan ang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanang sinira ng digmaan. Mga kapamilyang hindi na kailan man makikita dahil tuluyan ng inagaw ng kamatayan. Mga iba't-ibang nilalang na nagbuwis ng buhay para sa pagpanig sa kabutihan at sa kalayaan.

Gumuho ang mundo para kay Kasanaya na sakay pa rin ng kanyang bakunawa na si Anapaya. Ang lahat ng kanyang mga plano, hirap at pagpapanggap bilang si diyosang Bulan ay nawalan ng saysay sa isang iglap dahil sa pagtataksil ni Sitan. Si Sitan na pinagkatiwalaan niya ng napakahabang panahon na siya pala ang makikinabang sa lahat ng pinaghirapan niya. Marahil ay matagal na rin itong pinaghandaan ni Sitan. Matagal na niyang hinahanda ang lahat na hindi nito nalalaman. Tuso nga si Sitan ang diyos ng kasamaan.

Kailangan niyang puntahan si Behemot. Siya na lamang ang kanyang pag-asa para mabawi muli ang pamumuno sa mga anak ng buwan. May kasunduan sila ni Behemot, alam niya na may iisang salita ang dating anghel at diyos ng kadiliman. Pupuntahan niya ito sa impyerno kung saan siya naglalagi.

Binulungan ni Kasanaya si Anapaya na nakatayo sa bahaging batok nito. Nag-iba ng direksiyon sa paglipad ang bakunawa patungo sa kanlurang bahagi ng karagatang Itim. Tutungo siya sa isang maliit na isla na siyang daan papunta sa kaharian ni Behemot. Alam niyang hindi magdadalawang isip ito na tulungan siya dahil pareho ang kanilang layunin; ang pabagsakin sa pamumuno ni Bathala at pamunuan ang Sanlibutan na siyang inagaw sa kanya ni Sitan.

Bumulusok na lumipad pababa ang bakunawa na maya't-maya ay umaatungal ng napakalakas. Nanatili namang binalanse ni Kasanaya ang pagkakatayo sa bahaging batok ng Bakunawa habang hawak-hawak sa magkabilang kamay ang dalawang napakahabang balbas nito. Ito ang nagsisilbing hawakan sa bakunawa para hindi siya mahulog habang bumubulusok ito sa paglipad pababa. Sumalubong ang napakalakas na hangin na nagpalaro sa napakahabang buhok ni Kasanaya at ang napakalambot na tela na suot nito. Nanatiling nakasabit sa bewang ni Kasanaya ang kalahating bahagi ng Eskrihala na magagamit rin niya bilang bahagi ng kanyang kapangyarihan.

Patuloy sa pagbulusok sa paglipad pababa si Anapaya hangang sa halos tatlong metro na lamang ang taas nito sa tubig dagat. Binaybay na ng dragon ang kahabaan ng napakakalmadong tubig at binagalan na ang paglipad. Nababalutan ng napakakapal na ulap ang paligid ng dagat at halos hindi na maaninag ang dinaraanan ng bakunawa. Ang karagatang itim ang itinuturing na pinakamapanganib na karagatan sa buong Sinukluban; kaya iniiwasan ito ng lahat ng mga maglalayag. Maraming mga halimaw ang kusa na lamang lumilitaw sa dagat at binibiktima ang mga naglalayag sa bahaging iyon ng karagatan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon