Chapter 60: A MURDER OF CROW

70 7 3
                                    

Kanina pa nakatingin si Sagaway sa napakatayog na pader ng La Vista. Ilang ulit na rin niyang sinubukang pumasok na sa loob para makasama si Demetria na ilang araw na ring nagpabalik-balik sa loob at nangangamba sa kaligtasan ng babaeng Sangre. Alam niya na wala dapat siyang ipag-aalala sa babaeng bampira, pero napalapit na rin ang kalooban niya sa kanya. Gusto sana niyang sumama kina Morgana at Claudius pero pinigilan siya ni Ceazar dahil baka makuha ang atensyon ng kung sino man ang namamahala sa loob. Lalong nadagdagan ang kanyang mga alalaanin nang malaman niya mula kay Morgana kung sino o anong klase ng nilalang ang posibleng namamahala sa loob. Ayon kay Morgana, isa umanong diyos ang nasa loob ng subdivision dahil ito ang enerhiyang naramdaman niya pagpasok nila ni Claudius kaninang umaga. Hindi lang niya alam kung sino sa mga diyos sa kalangitan ang may hawak sa lugar na kung saan kaya nitong manipulahin ang isip ng tao kahit na ang mga makapangyarihang nilalang. Ito ang dahilan kung bakit ganito na lamang kaayos ang mga gusali sa loob ng subdivision, gayong lahat ng gusaling nakatayo sa paligid ay pawang pinadapa ng lindol at ng daluyong.

Nag-aalala si Sagaway hindi lamang kay Demetria. Nag-aalala siya sa batang si Margaux, kay Fr. Mexo at sa mga taong nailigtas nila sa mga kamay ng mga aswang. Mga taong sa kanila na lamang kumukuha ng lakas ng loob para ipagpatuloy pa ang kanilang mga buhay. Hindi nila akalain na sila pa mismo ang maghahatid sa kanila sa kapahamakan. Hindi niya hahayaan na mangyari ito sa kanila. Hindi niya hahayaan na wala siyang gagawin para mailigtas ang kanyang mga kaibigan at sa mga taong masyado ng mahirap ang kanilang mga pinagdaanan. Dahil mamayang gabi ay papasok siya sa loob at hahanapin niya si Demetria. Wala na ang kaibigan niyang sina Odessa at Mariang Sinukuan, kaya hindi na niya hahayaan na pati mga kaibigan niya na nasa loob ng subdivision ay mawawala pa sa kanya. Maghihintay lamang siya ng tamang pagkakataon para makapasok siya sa loob. Kaya ngayon pa lang ay naghahanap siya sa kung saang bahagi ng pader siya daraan para hindi mapansin ng mga nagbabatay na sundalo.

+++++00000+++++

Napakatahimik ng bulwagan habang mag-isang naglalakad sa loob nito si Blake. May kadiliman ang paligid na tanging ang ilaw na nagmumula sa salaming bubungan nito ang nagbibigay liwanag sa paligid. Damang-dama ni Blake ang kalungkutan sa paligid na nagbigay sa kanya ng ideya sa trahedyang nangyari rito. Napakaluwang ng bulwagan na tila ipinapakita nito sa kanya ang mga nagtatayugang mga poste na napapalamutian ng mga halos natutuyo ng mga sari-saring halamang baging. Mga puno na kulay ginto ang dahon ay halos mga sanga na lamang ang natitira dahil sa mga naglaglagan nitong mga dahon. Sa bawat hakbang niya papunta sa gitna ng bulwagan ay unti-unti siyang nakakaramdam ng di maipaliwanag na kalungkutan. Kalungkutan na tila isang lason na unti-unting gumagapang sa kanyang katawan at kumakalat ito na magiging dahilan ng mabagal niyang kamatayan. Unti-unti ring bumibigat ang kanyang pakiramdam na tila bukod sa labis na kalungkutan ay naramdaman niya ang kawalan ng pag-asa.

Napasinghap si Blake at pinakawalan ang napakabigat na paghinga. Ano ba ang nangyayari sa kanya at nakakaramdam siya ng labis na kalungkutan. Bakit nga ba siya dinala ng kanyang mga paa sa lugar na ito? Ang gusto lamang niya kanina ay libutin ang kabuuan ng palasyo pero hindi niya inaasahan na mapupunta siya sa tila isinumpang lugar na ito. Gusto niyang maiyak pero pinipigilan niya ang sarili. Pinili niya ang maupo sa gitna ng bulwagan habang nakatutok sa kanya ang liwanag na nagmumula sa araw. Marahan ay niyakap ni Blake ang dalawa niyang paa saka niya ipinatong ang noo sa kanyang mga tuhod.

Naalala ni Blake ang Sina Macky at Ely, lalo na ang kanilang lola na masyado ng matanda at hindi na rin nakakakita. Kung alam lang sana niya ang paraan kung paano makaalis sa mundong ito ay matagal na niyang ginawa. Nag-aalala siya para sa kanyang mga kapatid at lola na itinuring siyang pamilya ng mga ito kahit hindi siya kadugo. Sa ganoong mga alalaanin ay hindi na namalayan pa ng batang si Blake ang paghagulgol. Dito ay ibinuhos niya ang labis na kalungkutan at pangungulila sa mga mahal niya sa buhay. Dagdag pa rito ang pag-iwan kay Mariang Makiling sa Sinukluban dahil sa pagtangay sa kanya ni Amang Suba.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon