Chapter 34: TRUE EVIL

162 12 1
                                    

"Anong nangyari sa kaharian ng aking ina?" Ang seryosong tanong ni Odessa kay Sucu habang pinagmamasdan nila ang kabuuan ng Laudeia.

"Tuluyan nang nabaliw sa kapangyarihan ang hari, Odessa. Tuluyan na siyang nilukuban ng kadiliman. Marami na ang nagbuwis ng buhay para lamang mapabagsak si haring Khalil sa pamumuno niya sa Elitheria, pero ang lahat ay nabigo. Kaya napilitan akong iwan si Laurea sa Alaya para pamunuan ang grupo ng mga tagapagpalaya sa kahariang ito." Ang saad ni Sucu kay Odessa na nakatayo sa tabi ng isang napakalaking puno.

"May mga pantalan at bayan kaming mga nadaanan, lahat ay wala ng mga mamamayang nakatira roon. Anong nangyari sa mga bayan na 'yon?

"Odesaa, halos lahat na nang mga mauunlad na bayan dito sa Elitheria kung hindi man nasira ay pinamumunuan na ng mga tauhan ng hari. Oo't patuloy ang aming pakikibaka, pero pakonti nang pakonti ang mga tauhan namin na lumalaban sa mga kampon ng hari. Baka dumating ang araw na aming pinangangambahan na tuluyan na kaming walang magawa para lumaya ang Elitheria." Ang malungkot na wika ni Sucu.

"Hindi. Hindi ko hahayaan na mapunta sa wala ang kaharian ng aking ina. Ayokong mapunta sa walang katuturan ang pagbubuwis ng buhay ng aking ina para lamang mailigtas niya ang buhay ko sa malupit niyang asawa. Naririto ako ngayon para tulungan kayo sa pagpapalaya ng sinilangan kong kaharian. Kami nina Sakaya ay tutulong sa mga mandirigma ng Laudeia." Ang emosyonal na wika ni Odessa.

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Sucu pagkarinig kay Odessa ang mga salitang kanyang hinihintay.

"Maraming salamat Odessa."

"Hindi, ako dapat ang magpasalamat sa'yo dahil kahit hindi mo tungkulin na pamunuan ang pagpapalaya sa kaharian ng aking ina ay ginawa mo pa rin kahit walang nag-atang sa'yo na gawin ito. Kaya oras na para gawin ko naman ang aking tungkulin na palayain ang Kahariang ito. Ako na si Odessa, anak ni Reyna Baguinua, prinsesa ng Elitheria. Muling babangon ang kahariang ito, Sucu." Ang matigas na tugon ni Odessa.

Nalulungkot si Odessa sa tuwing nababanggit niya ang pangalan ng kanyang ina. Nalukungkot siya dahil hindi man lang niya nasilayan ang mukha nito. Sa ngayon ay nagdurusa ang kanyang puso dahil sa nakikitang kalunos-lunos na kalagayan ng Elitheria.

"Ituro mo sa akin kung ano ang dapat naming gawin ni Sakaya." Ang wika ni Odessa at humarap sa halos walong talampakan na si Sucu.

"Hindi, Odessa. Ikaw dapat ang magturo sa akin kung ano ang nararapat na gawin. Sabi ni Abe sa akin na ikaw ang babae na tinutukoy sa propesiya. Kaya isang karangalan ang mapag-utusan ng isang mandirigmang tulad mo." Ang pagtanggi ni Sucu sa nais ni Odessa na may pagpapakumbaba at saka ito lumuhod sa harapan ng Sangre.

"Hindi mo dapat gawin yan Sucu. Katulad mo lamang akong isang mandirigma." Ang sabi ni Odessa na hindi kumportable sa ipinapakitang pagpapakumbaba sa kanya ni Sucu.

"Pagbabaligtarin man natin ang mundo Odessa, ikaw pa rin ang prinsesa ng Elitheria. Ikaw ang nag-iisang anak ni Reyna Baguinua, ang ina ng kahariang Elitheria. Kahit may mga anak si Khalil sa iba't-ibang babaeng naanakan niya, sa batas ng Elitheria ang pinakamatandang anak ng Hari o Reyna ay siyang may karapatang umupo sa trono. At ikaw yun Odessa."

"Pero hindi ako tunay na anak ng hari?" Ang katwiran ni Odessa.

"Hindi tunay na hari si Khalil, Odessa. Si Reyna Baguinua ang tunay na tagapamahala ng kaharian dahil nananalaytay sa kanya ang dugo ng mga sinaunang hari at reyna ng Elitheria. Si Khalil ay isang mortal na dayo lamang sa kahariang ito. Nasa'yo ang dugo ng mga maharlikang hari at Reyna ng Elitheria Odessa, kaya mas may karapatan ka pa kay Khalil sa pamunuan ang Elitheria."

"Naririto lamang ako para tapusin na ang pamumuno ni Khalil, Sucu. Hindi ako interesado sa pamamahala dahil hindi ito ang mundo ko. Narito ako para gawin ang tungkulin ko na ipagtanggol ang mamanayan ng kahariang ito at palayain sila sa kamay ni Khalil." Ang wika ni Odessa.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon