Chapter 47: THE KING'S FATE

88 7 1
                                    

Paglingon ni Odessa ay nanlaki ang kanyang mga mata nang sa kanyang likuran ay ang napakatalim na espada na kikitil sa kanyang buhay. Hindi na nagawa pang umilag ng babaeng Sangre at hinintay na lamang ang matalim na espada na tatama sa kanyang katawan. Pero narinig na lamang niya ang pagkalampag ng metal na espada sa sahig at ang pagtama ng katawan ng hari sa pader ng palasyo.

Napatingin si Odessa nang makita ang napakalaking lawin na akmang lalapag sa sahig habang pinagmamasdan ang tumilapong hari na si Khalil. Kaagad na nagbago ng anyo ang lawin saka mabilis na nilapitan si Odessa na nakaupo pa rin sa sahig.

"Sucu, maraming salamat," ang mabilis na wika ni Odessa sa kapatid ni Laurea.

"Odessa, nasaktan ka ba?" ang nag-aalalang tanong nito sa babaeng Sangre.

Hindi pa man nakakalapit si Sucu kay Odessa ay isang napakalakas na puwersa ang nagpatilapon sa kanilang dalawa. Kapwa tumama ang kanilang mga katawan sa mga nakabalandrang muebles na malapit sa hagdan.

Lalong nakaramdam ng sakit sa kanyang puson si Odessa. Pakiramdam niya ay dinugo siya. Dahilan para lalong mag-alala sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Tumingin siya sa kinaroroonan ni Haring Khalil. Hindi siya makapaniwala sa nakita niyang hitsura ng hari. Halos walong talampakan na ang taas nito at parang katawan na ng matandang kahoy ang katawan nito dahil sa mga namumutok na kalamnan sa katawan. Hindi na rin makilala ang dati'y maamo niyang mukha, ngayon ay isa na siyang mabangis na halimaw.

"Kahit magsama pa kayong dalawa, hinding-hindi ninyo ako masusukol. Kamatayan niyong dalawa ang maisusulat sa kasaysayan ng Elitheria at hindi ang propesiya na pilit ninyong pinaniniwalaan," ang sigaw nito kay Odessa.

Pinulot ni Haring Khalil ang kanyang espada sa sahig. Dinilaan niya iyon ng kanyang napakahaba at matulis na nangingitim na dila. Pagkakita niya kay Sucu na akmang tumatayo sa kinabagsakan ay mapuwersa niyang ibinato ang espada. Sapul sa balikat ang diyos ng araw at di napigilang sumama ang katawan nito sa espada.

"Aring Sucu!" sigaw ni Odessa pagkakita sa sa kasama.

"Sinuswerte ka pa rin Sucu, dahil hindi sa puso mo tumama ang aking patalim. Pero hindi ka pa rin makakawala sa lupit ng aking kapangyarihan!" muling sigaw ni Haring Khalil kasabay ng pagkumpas sa kanyang kamay para hugutin ang espadang nakasaksak sa balikat ng diyos ng araw.

Kaagad namang nakapag-palit ng anyo si Aring Sucu bilang isang napakaliit na lamok. Nahulog ang espada sa sahig bago pa man ito nahugot sa balikat ni Sucu gamit ang kapangyarihan ng hari.

Nagpalinga-linga si Haring Khalil, hinahanap ang diyos ng araw sa paligid. Dinig na dinig kasi niya ang huni nito sa kanyang tenga.

Pinilit namang tumayo ni Odessa sa kanyang kinabagsakan para kunin ang espada ng hari. Kailangan niyang gamitin ang pagkakataon habang na kay Sucu ang atensyon ni Haring Khalil. Pero, tila namanhid ang ibabang bahagi ng kanyang katawan dahil sa sobrang sakit na nararamdaman. Kailangan niyang mabuhay para mabuhay rin ang magiging anak nila ng pinakamamahal niyang si Randy.

Hirap man sa paglipad bilang isang napakaliit na lamok, ay sinubukan pa rin ni Aring Sucu na kunin ang atensyon ng baliw na hari. Para magkaroon ng pagkakataon na makaipon ng lakas si Odessa. Pinipilit na makalapit ni Sucu sa butas ng tenga ng hari para pasukin at puntiryain ang utak nito. Pero, kailangan din niya na labis na pag-iingat dahil madali lang siyang mapisak ng hari kapag napuntirya siya ng malalakas na sampal mula sa naglalakihang mga kamay nito.

Parang bata naman na gigil na gigil sa paghuli ni Haring Khalil sa lamok na pilit na lumalapit at humuhuni sa kanyang tenga. Pansamantala niyang nakalimutan si Odessa na naroroon pa rin sa sahig at pilit na gumagapang para kunin ang espada niya.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon