Chapter 44: UPRISING

73 9 2
                                    

Mabilis na lumipad patungo sa kristal na palasyo ang Bagauisan para habulin ang baliw na hari. Ito na ang pagkakataon ni Odessa na mabawi ang kahariang inagaw ni Haring Khalil sa kanilang mag-ina.

Sumalubong ang malamig na hangin kay Odessa habang lumilipad pababa patungo sa palasyo. Kitang-kita niya ang paglapag ng bakunawang sinasakyan ni Haring Khalil sa pinakatore ng kristal na gusali. Pagkababa ay mabilis na pumasok ang hari sa loob ng palasyo at lumipad ang bakunawa upang salubungin si Odessa.

"Edrano! Edrano!" ang malakas na sigaw ng hari sa kanyang mataas na opisyal.

Kahit may katandaan na ang edad ay tila isang mandirigmang nasa kabataan pa rin ang tikas ni Haring Khalil habang mabilis na tinungo ang kahabaan ng pasilyo upang bumaba mula sa tore.

Mabilis namang hinipan ng sundalong nasa tore ang balangaw na gawa sa sungay ng bakunawa. Ito ay para ialerto ang lahat ng sundalo ng palasyo.

Humahangos namang lumapit si Edrano sa hari kasabay ng pagbibigay pugay sa kanya.

"Ihanda lahat ng mga sundalo at mandirigma, pakawalan pati ang mga halimaw, dali!" ang matigas na wika ng hari sa kanyang pinakamataas na opisyal.

"Mahal na hari, pero..." tututol sana siya sa pagpapakawala sa mga halimaw pero isang malakas na sampal ang ipinatikim sa kanya ng pinaglilingkurang hari.

"Wala kang karapatang tumanggi sa mga utos ko, ako ang hari at ako dapat ang masusunod!" galit na galit na sigaw ni Haring Khalil sa opisyal ng mga sundalo ng palasyo.

"Patawad po, mahal na hari. Hindi na po mauulit," ang pagbibigay paumanhin ni Edrano.

"O ano pang hinihintay mo? Kumilos na dahil nilusob na tayo ng kalaban!" muling sigaw ng hari kay Edrano.

Mabilis na umalis si Edrano kasama ang isa pang opisyal. Naiwan si haring Khalil at tumungo sa isang madilim na silid. Tinungo niya ang isang altar na may napakalaking salamin at binuhusan ng alabar ang isang bangang may lamang mga nagbabagang bato. Nagsimulang mamuo ang napakakapal na puting usok pagtama ng mga  butil ng alabar sa mga bato. Lumuhod kaagad si Haring Khalil at nagdasal ng taimtim sa kanyang diyosa.

"Panginoong Kasanaya, kailangan ko ang inyong tulong. Nangyayari na ang aking kinatatakutan. Nandito na siya, ang babae sa propesiya. Kailangn ko ang inyong tulong, pakiusap tulungan po ninyo ako. Ayoko pang mamatay, ayokong tuparin ng anak ni Baguinua ang propesiya," ang taimtim na dasal ni Haring Khalil kay Kasanaya.

Nanatili sa pagkakaluhod sa altar ang hari, hinihintay ang tugon ni Kasanaya. Nasaan na nga ba si Kasanaya? Bakit hindi na siya nagparamdam pa sa kanya? Tuluyan na ba siyang inabandona ng panginoong diyosa at binale-wala wala na ang pangako nito sa kanya?

Nananatiling tahimik ang hari sa loob ng madilim na silid dalangin. Naghihintaybat umaasa na sa pagkakatong ito ay magpapakita na si Kasanaya. Amoy na amoy niya ang napakabango at manamisnamis na halimuyak mula sa usok ng alabar. Muling tumingin si Haring Khalil sa altar para tanggapin na walang diyosang Kasanaya ang tutulong ngayon sa kanya. Tuluyan na siyang pinabayaan ng pinaglingkuran niya ng buong tapat. Ngayon ay nag-iisa siya sa kanyang laban.

Punong-puno na ng galit ang dibdib ng hari, lalo na kapag naiisip niya na hindi na darating pa si Kasanaya. Nilinlang lamang siya ng diyosa at ginamit lamang siya nito. Sasabog na ang kanyang dibdib sa galit.  Gusto niyang manakit sa mga sandaling iyon.

"Ahhhhhhh!" ang sigaw niya saka buong puwersang itinabig ang lahat ng nakalagay sa altar.

Sumambulat ang lahat ng gamit sa altar sa mamahaling carpet na tumatakip sa kristal na sahig. Nabasag ang banga na may lamang mga nagbabagang bato at nagsimulang umusok ng nakakasulasok na amoy. Ilang saglit lang ay nagsimula ng umapoy ang makapal ma carpet sa sahig ng silid dasalan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon