Chapter 24: THE KING'S PET

187 8 1
                                    

Maagang gumising si Odessa mula maliit na silid ng Balanday na kung saan kasama niya ang mag-inang sina Impong Seña at Sakaya na kasalukuyan pang nagpapahinga.

Malamig ang simoy ng hangin pero amoy na amoy pa rin sa paligid ang tubig-alat na nagbibigay ng di komportableng pakiramdam kay Odessa. Hawak-hawak ang tiyan, pinapakinggan ang mumunting tibok ng puso sa sanggol sa kanyang sinapupunan na tatawagin niyang anak. Naalala niya si Randy habang nakatitig sa napakalawak na karagatan. Kung nagkaroon lamang ng pagkakataong nalaman niya kaagad ang pagbubuntis bago pa man ang paglalakbay, masaya sana niya iyong nasabi sa kasintahan.

Nasasabik na siyang makita si Randy. Nasasabik na siyang yakapin at muling damhin ang maiinit na halik ng kasintahan at sabihin sa kanya ang kanilang magiging anak. Alam niyang matutuwa si Randy tungkol sa sanggol na ipinagbubuntis niya. Pero, tila may pangamba ang biglang bumagabag kay Odessa para sa sanggol sa sinapupunan. Pangamba hindi dahil sa kaligtasan nito, kundi kung anong klaseng kapangyarihan ang mamamana ng kaniyang magiging anak. Isang ordinaryong mortal lamang si Randy, walang natatanging kapangyarihan kung tutuusin. Mamamana ba nito ang katangian ni Randy o ang kapangyarihan niya bilang kalahating bampira at elemental katulad ng kanyang ina na si Reyna Baguinua? O ang kapangyarihan ng ibong Bagauisan? Pero, posible ba na mamana rin ng magiging anak niya ang kapangyarihan ni Banaual, na lumulukob kay Randy? Kailangan kasi ng masasapiang katawan ni Banaual para mabuhay ito't magawa ang nais nitong gawin. Nagkataon namang si Randy ang napili ng bunsong anak ni Bathala para magamit ang katawan nito. Ito ay sa pamamagitan ng paghawak noon ng binata sa Eskrihala sa pagnanais na tulungan siya sa kapahamakan laban sa mga sarangay.

Nawala ang mga alalaaning iyon ng maramdaman ni Odessa ang mainit na kamay na humawak sa kanyang balikat.  Napatingin si Odessa sa nagmamay-ari ng kamay na iyon at isang matamis na ngiti ang sumalubong sa kanya.

"Magandang umaga. Hindi ka yata nakatulog kaibigang Odessa?" Ang tanong ni Sakaya.

"Magandang umaga rin sa'yo kaibigang Sakaya. Napaaga lang ang aking gising dahil sa malamig na simoy ng hangin." Ang tugon ni Odessa at saka sinuklian ng ngiti ang kaibigan. "...kumusta naman si Impong Seña?" Ang dagdag na tanong nito.

Tumingin si Kasanaya sa kuwarto kung saan mahimbing pang natutulog ang matanda. "Ano sa tingin mo kaibigan?" Saka tumawa. "Kapag natutulog si mama daig pa niyan ang mantika, mahirap magising lalo na't kapag malamig ang panahon."

"Hayaan na natin siya mas kailangan niya ang wastong tulog para makapagpahinga ang katawan ng iyong ina." Ang tugon ni Odessa.

Gusto sanang magtanong ni Sakaya sa kung ano ang iniisip ni Odessa ay pinili na lamang niya itong samahan sa pagmamasid sa mga ibon na maya't-maya ay nagdadive sa dagat at pav-ahon nito ay may tangay-tangay ng isda para makain. Sa di kalayuan naman ay kitang-kita nila ang mga dambuhalang mga isda na kasamang lumalangoy ang kanilang mga anak. Lahat ay abala sa pagkuha ng kanilang makakain habang hindi pa tuluyang sumisikat ang araw.

Tumingin si Sakaya kay Odessa at saka nag-usisa.

"May naisip ka na bang pangalan sa magiging anak mo?" Ang tanong niya.

Tila hindi iyon inaasahan ni Odessa. Hindi siya kaagad nakasagot dahil hindi pa niya naisip kung ano nga ba ang ipapangalan sa magiging anak nila ni Randy. Tumingin siya kay Sakaya at saka ngumiti.

"Hindi pa eh. Kung hindi mo itinanong yan sa akin hindi ko man lang naisip na kung anong ipapangalan ko sa magiging anak ko."

"Ganon ba?"

"Oo, pero salamat at ipinaalala mo sa akin yan." Ang nakangiting tugon ni Odessa na naroroon pa rin ang pag-aalala. Napaisip siya na ganun ba talaga ang magiging isang ina? Dumarami ang mga alalaanin habang lumalaki ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon