Thirty-two: Emotions

100 7 102
                                    

ALTHEA LEIGH VILLARIN

"Althea, anong gusto mong bilhin?" nakangiting tanong ni mommy habang naglilibot kami sa isang toy store. Tumingin-tingin ako sa paligid at naghanap ng regalong pwede kong magustuhan. Nakahawak ako sa kamay ni mommy gamit ang kaliwang kamay at kinakagat ko naman ang kuko ko sa kanang kamay.

Maraming iba't ibang laruan sa bawat shelf. May mga teddy bear, manika, lutu-lutuan, at toy car, malaki at maliit. Magaganda ang lahat ng mga ito kaya nahirapan akong pumili.

"Si Lou po, anong gusto niyang bilhin?" tanong ko at inangat ang tingin para tingnan si mommy. Ngumiti siya sa akin at bumitaw para buhatin ako.

"Hindi ko pa alam sa daddy mo. Tingnan natin mamaya kapag dumating na sila." Ilang minuto pa kaming nagtingin-tingin hanggang sa makakita si mommy ng isang toy cash register. Ipinakita niya ito sa akin at pinahawak. Tila nagningning ang mga mata ko.

Maganda ito at makulay. Marami ritong nakalagay na play money at mga barya. Gumagana rin ang cash register kaya lalo akong namangha. Napansin siguro ito ni mommy kaya tinanong niya ako kung ito ang gusto ko at um-oo naman ako. Gusto ko kasing maghawak at magbilang ng pera.

Pagkatapos naming bumili, lumabas kami ni mommy ng tindahan para hintayin sila daddy at Lou. Habang naghihintay, hindi ko mapigilang silipin ang laruang binili niya para sa akin na nakalagay sa isang paperbag.

Lumapad ang ngiti ko at nagpasalamat kay mommy. Binigyan niya ako ng isang matingkad na ngiti. Muli kong tiningnan ang laruan bago ulit ito itago sa paperbag. Gusto ko na itong ipakita kay Lou. Siguradong matutuwa rin siya.

"And'yan na pala sila," biglang saad ni mommy at hinawakan ang kamay ko bago ituro ang gawi nina Lou gamit ang kanang niyang hintuturo. Lumingon ako rito at nakita kong buhat-buhat ni daddy si Lou at wala silang ibang dala bukod sa bag na kanina niya pang dala.

Bahagyang napakunot ang noo ko.

'Wala silang binili?' tanong ko sa sarili. Galing silang ibang toy store kasi wala raw mapili si Lou sa pinanggalingan namin ni mommy.

Lumapit sila sa amin bago magsalita si daddy.

"Anong binili niyo?" tanong niya at sinulyapan ang hawak kong paperbag. Nakangiti ko itong inabot sa kaniya. Ibinaba niya muna si Lou bago kunin ang paperbag at silipin ang nasa loob nito.

"Ikaw? Anong binili mo para kay Lou?" tanong ni mommy.

"Wala. Pinipilit ko siyang bumili pero ayaw niya. Ang bait naman ng anak ko," komento ni daddy at muling inabot sa akin ang paperbag. Napatingin ako kay Lou na nasa harap ko. Wala siyang hawak na laruan pero ngiting-ngiti pa rin siya habang nakatingin kung saan-saan.

"Bakit hindi mo siya binilhan?" pag-uulit ni mommy.

"Tinatanong ko nga kanina pero ayaw niyang pumili," paliwanag niya habang nakatingin kay mommy. Bigla akong napatingin ako sa hawak kong laruan at bumuntong-hininga. Bigla akong nahiya sa ginawa ko.

At 17: A Remarkable Way Back HomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon