Thirty-Six: Broken Trust

96 7 105
                                    

ALTHEA LEIGH VILLARIN

Napahinto ako sa kinatatayuan ko nang makita ko si Lou na pumasok sa loob ng coffee shop. Awtomatikong kumunot ang noo ko at kinutuban ako nang masama.

Anong gagawin niya roon?

Tatawid na sana ako ng kalsada para sundan siya at alamin kung ano ang pakay niya pero bigla siyang lumabas. Wala na yatang bakante sa loob. O baka may kikitain siya sa labas?

Hindi ko inalintana ang mga sasakyan at mga taong dumaraan sa harap ko para sundan siya ng tingin. Kunot-noo kong tiningnan ang mga upuang nakahilera sa labas ng coffee shop. May isang magkasintahan, isang matanda na may kasamang bata, at isang binata. Si PJ-- este kuya PJ.

So, it's him?

Bumilis ng tibok ng puso ko at nakaramdam ako ng kakaibang kaba. Kinuyom ko ang kamao ko dahil sa masamang naisip. Sa isang iglap lang, nabura ang ngiti sa labi ko at bumigat ang pakiramdam ko.

Parang ayoko nang tumawid ng kalsada at puntahan si kuya PJ. Hindi ko pa man alam kung ano ang gagawin at pag-uusapan nila, inunahan na ako ng takot.

Nablangko ang isipan ko at nakalimutan ang sasabihin nang makita kong naglakad si Lou papunta sa pwesto niya. Nagbatian silang dalawa at dahil nakaharap siya sa gawi ko, napansin ko ang paglawak ng ngiti niya nang makita ito. Bahagyang kumirot ang puso ko. 

Kuya ba talaga ang turing ko sa kaniya? Bakit ang sakit?

Wala sa sarili kong kinuha ang phone kong nasa bulsa ng pantalon at hinanap ang numero ni Kuya PJ na binigay niya sa akin kanina, baka raw kasi mawala ako o mahiwalay sa kanila. Nang makita ko ang caller id niya, agad ko itong tinawagan.

Dahan-dahan kong inilapit ang phone sa aking tainga at pinakinggan ang pag-ring nito habang nakatingin sa gawi nila. Bawat tunog ay palala nang palala ang kabang nararamdaman ko.

Kaya ba siya pumunta rito ay dahil kay Angelica Lou? Bakit patago ulit silang nagkita?

Huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili habang hinihintay ang sagot ni kuya. Hindi ko kasi mapigilang mag-isip ng masama tungkol sa kanila. Ang dumi ko talagang mag-isip

Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko nang makitang inilabas niya ang kaniyang phone sa bulsa at tiningnan ito. Pero sa 'di inaasahang pangyayari, hindi niya sinagot ang tawag at muling humarap kay Lou. Bumilis ang tibok ng puso ko. Napakurap ako ng ilang beses kasabay ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ko. Tila lumubog ang puso ko sa nasaksihan.

Mas mahalaga ba siya kaysa sa akin?

Umiwas ako ng tingin at pilit itong iwinaksi sa aking isipan habang nakakuyom ang kamao.

Ilang beses akong huminga nang malalim habang nakapikit. Nagtatalo ang isipan ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin at gawin.

Pumasok sa isipan ko ang laging sinasabi ni Kuya PJ. Kailangan kong magtiwala sa Diyos. Hindi ako dapat na magpadala sa emosyon.

Ang hirap naman nito.

Tiwala. Kailangan kong magtiwala kay PJ... at kay Lou.

Kinagat ko ang labi ko at pilit na pinigilan ang inis na nararamdaman ko. Ayaw ko mang maghinala, pero hindi ko ito mapigilan dahil sa ginawa ni PJ noon. Noong sinabi niya na hindi niya nakita si Lou pero ang totoo, nakausap niya pa ito.

At 17: A Remarkable Way Back HomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon