Forty-Five: At 17

114 6 116
                                    

ALTHEA LEIGH VILLARIN

Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa sobre na hawak ko. Nandito ako sa harap ng guidance office ngayon para ipasa ang excuse letter na ginawa ko kaninang umaga. Halos isang linggo rin pala akong absent, hindi ko namalayan.

Tinitigan ko ang labas ng opisina at napaisip.

Kung kinausap ko kaya ang guidance counselor noon, masosolusyunan kaya ang mga problema ko?

Sabi kasi nila lagi silang nand'yan para sa mga estudyanteng may problema at nahihirapang magsabi sa iba. Pero parang kaunti lang ang lumalapit sa kanila dahil sa hiya o takot. Kadalasan kasi, ang iniisip ng mga estudyante sa guidance ay pinupuntahan lang kapag may ginawang kasalanan, hindi kapag may problema.

"Althea Leigh!" Halos matumba ako sa kinatatayuan ko nang biglang may tumama sa likod ko. Akala ko ay matutumba na ako pero niyakap pala ako mula sa likuran.

Lilingon na sana ako pero biglang dumami ang mga kamay na nakayakap sa akin. Para na akong laruan na pinanggigilan ng isang bata. Pero imbes na mainis, tuwa ang naramdaman ko.

"Na-miss ka namin!" rinig kong sabi ni Katie at parang nanginginig. Nagulat ako nang biglang nabasa ang balikat ko.

Umiiyak siya?

Kukumpirmahin ko pa lang sana pero nakarinig ako ng hikbi at singhot mula sa bandang likuran ko. Pati tuloy ako ay nangilid na ang luha. I missed these girls.

"Uy, pre!" Nagitla ako nang may sumulpot na mga lalaki sa unahan ko. Nakita ko ang kumpletong barkada ni Luke at nakangiti silang lahat sa akin at para bang masaya na nakita akong muli. Lalo tuloy akong naiyak.

Nang humiwalay sa akin sina Katie at Liezel, niyakap ko isa-isa ang mga kaibigan ko. I am able to see it now, these wonderful blessings.

"Si PJ!" biglang saad ni Liezel na nasa tabi ko at ngumuso sa bandang kaliwa niya. Napalingon kaming lahat dito at nakita namin si PJ na naglalakad sa hallway at papalapit sa amin. Hindi ko maiwasang mapaiwas ng tingin at kabahan nang sobra sa 'di malamang dahilan.

Malapit lang ang guidance office sa room namin kaya natatanaw namin ang mga kaklase namin na pumapasok sa room. Maski sina Marj at Loree ay nakita ko kaninang pumasok sa loob pero hindi ko pinansin. Hindi ko alam kung nakita nila ako o hindi pero hindi nila ako pinansin. Biro lang yata talaga yung sinabi ni Warren na nagsisisi na sila.

"Althea," rinig naming saad niya kaya napaangat ang tingin ko. Bumilis ang tibok ng puso ko nang mahuling nakatitig siya sa akin at tila inaalam kung totoo ang nakikita niya. Humakbang siya ng isang beses at akmang lalapit sa akin pero parang may pumigil sa kaniya kaya hindi niya ito naituloy. Sa halip, binigyan niya lang ako ng isang ngiti bago umiwas ng tingin at pumasok sa loob ng roon.

Napangiti rin ako. Sa isang iglap, wala na ang galit na nararamdaman ko sa kaniya.

"Uy, ano 'yang ngitian niyo. Kayo, ah!" pang-aasar ni Liezel at bigla akong tinulak. Muntik na akong mahulog dahil hindi ako nakapaghanda pero buti na lang ay nahawakan ako ni Luke sa braso.

"Tingin pa lang, alam na," paggatong ni Katie at tumawa kasama ni Liezel. Mga loko talaga.

"Oy kinilig ako sa inyo! Ang cute niyong dalawa. Ikaw, ah. Modus mo lang pala yun para makatira ka sa bahay nila." Sa isang iglap, ginawa nilang biro ang paglalayas ko pero hindi rin ako gaanong nainis. Alam ko kasing biro lang iyon at masaya lang talaga sila dahil ligtas ako.

At 17: A Remarkable Way Back HomeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon