Thirty-Four: What I tried to escape

80 6 98
                                    

THIRD PERSON POV

"Leigh, anak?" Kumurap-kurap si Althea at halatang hindi makapaniwala sa nangyari. Bumilis ang tibok ng puso niya at nanginig ang buo niyang katawan.

Wala iyon sa mga posibilidad na naiisip niya. Umasa siyang alam ng nanay ni PJ ang tungkol sa tunay niyang magulang pero hindi niya inasahan siya pala ang tunay niyang ina. Gayunpaman, nag-unahan nang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata dahil sa nag-uumapaw na kasiyahan nang marinig niya ang salitang 'anak'.

"K-Kayo po ang mama ko? P-Paano--" Bago pa man matapos ni Althea ang kaniyang sasabihin, lumapit na Pia at niyakap siya nang mahigpit. Niyakap niya itong pabalik at sumubsob sa balikat nito at humahagulgol.

Naantig ang puso ni PJ sa kaniyang nakita kahit na pati siya ay hindi rin makapaniwala. Nagulat din siya nang hindi nagalit si Althea no'ng sinabi ni Pia na siya ang ina nito. Wala pang ilang segundo ay nanigas siya sa kinatatayuan at namilipit ang puso.

"Dahil ba kapatid ko si Althea o dahil hindi sinabi ni 'nay ang tungkol sa kaniya noon?" tanong niya sa sarili.

"Kuya, ano pong nangyayari?" inosenteng tanong ni Pauline na nasa sofa at lumapit kay PJ na nakatayo sa may pintuan. Hinawakan niya ang laylayan ng damit nito at nagtatakang tumingin kina Pia at Althea. Binuhat siya nito.

"Kapatid daw natin siya, Pauline," malumanay na sagot ni PJ habang pinapanood ang dalawa.

"Kapatid? Ibig sabihin ba ay pamilya tayo?" tanong ni Jen na nakaupo rin sa sofa at tumabi kay PJ.

Walang emosyong tumango si PJ habang nakatitig pa rin kina Althea na kapwa umiiyak.

"Talaga?" Nanlaki ang mga mata ni Pauline at hindi makapaniwalang tumingin kay PJ habang abot-tainga ang ngiti. Bahagya siyang pumiglas sa hawak ni PJ kaya ibinaba siya nito. Mabilis siyang tumakbo papunta sa kwarto at sinundan siya ni Jen habang nakangiti nang malapad. 

"Ate Jaymie, ate Jaymie! Kapatid natin si Ate Althea!!" tuwang-tuwang balita ni Pauline, hindi pa man nabubuksan ang pinto sa kwarto kung nasaan si Jaymie.

Kumunot ang noo ni Jaymie nang marinig ang sigawan ng dalawang bata mula sa labas. Kunot-noo niyang tinanggal ang kaniyang earphone at tumingin sa pintuan habang inaabangan ang pagpasok nila.

"Ate Jaymie! Ate Jaymie!" sigaw ng dalawang bata. Binuksan ni Jen ang pinto at mabilis na pumunta sa kama kung saan nakaupo si Jaymie.

"Ano?" kunot-noo nitong tanong.

"Kapatid daw natin si Ate Althea!" ngiting-ngiting sambit niya bago hawakan sa braso si Pauline para hilahin palabas.

Lalong kumunot ang noo Jaymie at tumitig sa librong hawak habang nag-iisip. Samantala, tumakbo sina Jen at Pauline palapit kina Althea at nakisali sa yakap.

Ilang minuto ang lumipas bago kumalas si Althea sa yakap at naluluhang tumingin kay 'nay Pia.

"P-Paano po nangyaring kayo ang naging magulang ko?" garagal na tanong ni Althea habang pinapahid ang luha sa mga mata niya.

Nilipat-lipat ni 'nay Pia ang tingin niya kina PJ at Althea bago sumagot.

"Ikukwento ko sa'yo ang nangyari," kalmadong saad nito at tipid na ngumiti habang nakatingin sa dalaga. Isang pangungusap lang ito pero nagawa nitong matunaw ang parang batong puso ni Althea. Ginantihan niya ito ng ngiti. Hindi siya nakaramdam ng galit o anumang inis, ang alam niya lang, natagpuan niya ang lugar na para sa kaniya. At sapat na iyon para sa kaniya.

Bumukas ang pinto at lumabas si Jaymie habang nagkakamot ng ulo .

"Anong sabi mo kanina?" kunot-noo niyang tanong kay Jen.

At 17: A Remarkable Way Back HomeWhere stories live. Discover now