Chapter 28: Restart

264 16 0
                                    

WALANG sandaling hindi binagabag si Kelly ng mga salitang binitawan ni Christian ng araw na iyon. Hindi niya maunawaan ang kanyang sarili. Alam niyang may paghanga at pagnanasa siyang nararamdaman para sa binata ngunit ang kakaibang kabog sa kanyang dibdib dahil sa nagwawala niyang puso ay ang siyang nagpapawala sa kanyang katinuan.

“Hija, ano na naman bang bumabagabag sa iyo? Kanina pa kita tinatawag ngunit wala ka na naman saiyong sarili,” tanong ni Manang Cely kay Kelly nang matauhan ito sa malalim niyang pag-iisip.

“Ah, wala po ito, Manang,” pagtatangging sagot ni Kelly.

“Wala lang ba talaga?” paninigurong tanong nito sa dalaga sabay lagay ng makakain nito sa mesa. “Simula ng bumalik ako dito ay napansin ko na iba ang iyong mga ikinikilos sa tuwing nariyan si Ian. May nangyari ba sainyo kaya ka nagkakagan’yan?”

“Wala po!” mabilis na pagtatangging sagot ni Kelly na may kasama pang pagtaas ng kanyang mga kamay na nagpapahiwatig ng kanyang matinding pagtanggi.

Napangiti na lamang si Manang Cely sa itinuran ng dalaga nang sandaling iyon. “Sa ikinikilos mong ‘yan mas sinasabi nito sa akin na may nangyari nga habang wala ako,” sabi ni Manang Cely na may maliit na ngiti sa kanyang labi.

“Wala po talaga, Manang Cely,” pagpipilit pa ring tanggi ng dalaga sa matanda.

“O, siya sige. Wala na kung wala. Kumain na tayo at hindi makakabuti sa 'yo ang malipasan ng pagkain kung ‘di magagalit si Ian sa akin. Kabilin-bilinan niya pa naman na dapat pakainin kita ng tama sa oras kung ‘di tatanggalin niya ako sa trabaho.”

“Ano po? Sinabi niya po ‘yan sa inyo?” gulat na tanong ni Kelly sa matanda na napatawa lamang sa naging reaksyon ng dalaga.

“Ano ka ba, hija, nagbibiro lang ako,” natatawang saad ni Manang Cely.

“Manang naman, ‘e,” mahabang sabi ni Kelly na may kasamang paghaba pa ng kanyang nguso.

“O, siya tama na biruan natin at kumain na tayo,” awat ng matanda at nagsimula ng kumain. Napailing na lamang si Kelly sa kakwelahan ng matanda at nagsimula na ring kumain.

Matapos ang nangyari sa kanila nina Patricia at Allaine ay nang araw din na ‘yon ay bumalik na si Manang Cely tulad ng kanilang naging usapan ng binata, bumalik ito matapos ang isang linggo matapos na maasikaso ang kanyang anak na nanganak.

Sa pagkakatanggal nina Patricia at Allaine ay si Manang Cely na ang gumawa ng kanilang mga tungkulin para sa ikabubuti ng kalusugan ni Kelly. Hindi man iyon tulad ng mamahalin at eleganteng pagkain na inihahanda ng kambal kay Kelly ay hindi naman ito nahirapan intindihin kung ano ba ang inihahanda sa kanya ng matanda dahil iyon ang mga pagkain na labis niyang na-miss noong siya’y bata pa. Ang mga pagkaing inihahanda nito sa kanya ay ang pagkaing nais niyang ihanda sa kanya ng kanyang ina ngunit hindi nito nagawa dahil sa inabanduna nito noong bata pa lamang ito. Kaya sa tuwing nakakain siya ng luto ni Manang Cely ay hindi nito maiwasan na maluha.

“Ayan ka na naman, hija, lagi ka na lang umiiyak kapag kumakain. Iisipin ko na talaga na hindi mo gusto ang luto ko at pinipilit mo na lamang na kain kaya ka naiiyak,” wika ni Manang Cely.

“Hindi naman po sa gano’n, Manang,” wika ni Kelly sabay punas ng kanyang luha. “Sadyang nasasarapan lang po talaga ako sa luto niyo kaya hindi ko po maiwasan na hindi maluha dahil sa ang sarap po lalo na sa pakiramdam,” paliwanag ng dalaga.

Hindi umimik ang matanda at pinagmasdan ang dalaga ng ilang saglit at ngumiti na lamang.

“O, siya. Kumain na lang tayo at mamaya darating na si Nicole para sa swimming lessons mo. Ma-late ka pa,” saad ni Manang Cely.

Contract with Mr. Hunter (COMPLETED)Where stories live. Discover now