Chapter 28: Fandom Event

10 6 0
                                    

MATAPOS ang nakane-nerbyos na pagtatagpo ni Stella at ng isa sa miyembro ng Vindex, agad ding naalertuhan sina Ezekiel tungkol dito.

Hindi rin sila gumawa ng kahit anong kilos na maaaring maging sanhi ng eskandalo sa gitna ng maraming tao. Hangga't maaari, gusto nilang maging tahimik ang kanilang pag-iimbestiga. Hindi na rin nila namataan ang presensya pa nito matapos nitong makalayo. Sinubukan nilang sundan ang bakas nito, ngunit wala na silang makita.

Pagkabalik na pagkabalik ng mansion, agad na nagtipon-tipon ang miyembro kasama na ang ilang konseho ng Palomo na silang nabalitaan ang nangyari. Ngayong nakumpirma na nila ang katauhan na pumapalibot sa himpapawid ng bayan, kaylangan na rin nilang mag-plano upang mahuli ang bandido.

"Stella, pa'no ka nakakasiguro na iyon nga 'yon?" usisa ni Neo rito.

"Paulit-ulit na lang kayo ng tanong, eh sa alam kong siya nga 'yon eh," inis na sambit ni Stella.

"Hindi naman tayo pwedeng mag-assume lang. Mahirap na, baka mamaya ibang tao pala 'yon," hayag ni Chester.

Napabuntong-hininga naman si Stella at parang sumuko na lang sa pangungulit nila. Kahit siya, alam na wala pang segundo ang pagtanaw niya sa nakatabi kanina, gayon pa man, pamilyar na pamilyar ang naging atmospera nito sa kaniya.

Hindi niya malimutan ang pakiramdam nang una silang magkaharap nito. At walang pinagkaiba 'yon sa araw noong harap-harapan silang magkatitigan nito. "Naaalala ko nga ang itsura niya. Siya lang naman 'yung parang naiiba sa mga tao na na-encounter natin 'di ba? He has long hair, nakapusod siya kanina. Tapos akala mo walang dugo dahil sa putla. Wala nang iba 'yon. Sigurado ako at never akong kinilabutan sa presensya ng iba, sa kaniya lang."

"Bakit parang hindi naman siya apektado na mainit sila ngayon sa regime dahil sa nangyari at pakalat-kalat lang siya?" opinyon naman ni Kitty sa nangyari.

"Aba malay ko, eh parang may sira naman talaga sa isip 'yung isa na 'yon," ani Stella rito. "Hindi ko rin alam, basta nakita ko siya, 'yun lang 'yung kaya kong ibigay ngayon. Alam kong hindi ako mali, siya talaga 'yon."

"Kung talagang siya 'yon, ibig sabihin maaaring may iba pa siyang kasama rito. Duda naman ako na kung dito siya nakatira, hahayaan lang ng iba na umuwi siya dahil sa kaso nila," komento ni Ezekiel.

"Just like what Stella said, parang unstable ang isa na 'yon. Nung sinubukan ko siyang pakinggan, wala talagang ibang lumalabas sa isip niya kung 'di pangalan lang ng tao," banggit ni Hannah rito.

"Anong pangalan?"

"Vivien? 'Yun lang 'yung paulit-ulit sa kaniya. It's really rare for a person to think of just a name. Bihira sa isang tao na mag-isip nang walang ibang context sa isang bagay. But that person, wala talaga. Wala man lang static o kahit ano. It's just the name, as if he's trying to remember it sa abot ng makakaya niya," dagdag pa ni Hannah.

Nagkatinginan naman ang mga konseho sa narinig na parang nagtataka.

"Baka may nakatira dito sa Palomo na Vivien ang pangalan. Kahit ano pang dahilan ng pagbanggit nung lalaki sa pangalan niya, siguradong magkakaro'n tayo ng lead doon. Kamag-anak, kaibigan, o kakilala niya pa 'yon, siguradong may dahilan kung bakit niya nababanggit 'yon," suhestyon ni Chester dito.

"Kung gano'n, ipahahanap na agad namin ang mga nakatira dito na may pangalang Vivien. Pagkatapos, dadalhin namin silang lahat dito," sambit ng alkalde at sandali pang huminto na tila may naisip. "Oo nga pala, tuwing sabado, nagkakaroon ng event sa kabisera para sa mga mamamayan. Baka makatulong iyon sa paghahanap ninyo sa kanila. Kung nakakapaglakad mag-isa 'yun habang may tiyangge, hindi malabong pumunta rin siya sa mga gano'ng event. Halos lahat ng mga residente, uma-attend."

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now