Chapter 66: Judgement

6 4 1
                                    

NAGPATULOY pa ang tanungan sa loob ng hukuman. Natalakay rin ang tungkol sa bolang kristal na ginamit ni Alessandro upang ibahagi roon ang kaniyang kaluluwa. Sa kanilang pagkakaintindi, peke umano ang nasaksihan nila noon.

Maski si Levi, hindi rin matanggap ang katotohanang mali ang napasakamay nila noong gabi na 'yon. Kahit na nasa masamang kalagayan ang binata ngayon dahil sa kaniyang ginawa, ibinigay niya pa rin ng buo ang impormasyon sa mga humahatol sa kaniya. Iisa lamang ang pakay ng binata at hindi niya ipagdadamot sa kahit kanino ang maaaring makatulong pagdating sa katapusan ng itim na salamangkero.

Ipinaliwanag nito na ang dahilan kung bakit pinipilit niyang sa Crescencia buhayin si Alessandro, ay para sa bolang kristal na iyon. Nabalitaan nitong malaki ang tyansa na nasa loob ito ng eskuwelahan. Hindi niya lamang binanggit kung saan. Alam ni Levi ang mga sikretong silid na nakalaan lamang para sa mga angkan ng maharlika. Dahil isang Elacion ang binata, hindi na rin lingid sa kaalaman niya ang tungkol dito dahil nagamit niya rin ang para sa mga Elacion.

Batid nito na iyon ang unang kukunin ni Alessandro oras na mabuhay siya upang maprotektahan ang sariling kaluluwa, at ganoon na nga ang nangyari. Nabawi iyon ni Alessandro nang muli niyang pasukin ang lihim na silid ng mga La Verna. Lingid lang sa kaalaman ng lahat na peke ito. Ngayon, wala na silang idea kung saan naroroon ang buhay ng itim na salamangkero.

Ang ikalawa at huling paglilitis ay nagaganap ngayon makaraan ang ilang araw.

Nagkaroon ng pulong sa pagitan ng konseho ni Ezekiel kasama sina Diplomat Juarez at Primiera Minerva, at nagkaroon na sila ng hatol sa dalawa.

Dumalong muli si Vivien at kasalukuyan itong nakaupo sa spectator seating upang masaksihan ang lahat. Kasama at katabi nito si Kitkat na siyang gusto ring malaman ang naging hatol ng dalawang kampo. Simula nang talikuran nito ang konseho, hindi na rin siya sinasama sa mga pulong kaya wala itong alam kung ano ang napag-usapan nila.

Nagsimula ang paglilitis sa buod ng mga napag-usapan nung nakaraan. Hanggang sa mapunta na sila sa importanteng paksa.

"Bumalik tayo sa mga taong nadamay sa iniyong plano. Batid na ng lahat ang abusong naranasan nina Ezekiel at mga propesor sa Crescencia noong unang beses na lumusob ang grupo ng Vindex sa eskuwelahan. Ngunit bukod sa kanila, may ilang indibidwal pa kayong dinamay sa kalokohan n'yo," seryosong pahayag ni Commander Simeon habang palakad-lakad ito sa harap ng dalawang hinahatulan. Nakaluhod at nakagapos ang mga ito.

"Sa bayan ng Palomo, ang naging puntirya ninyo ay si Ms. Vivien. Ano ang kinalaman niya sa plano ninyo at pinagtangkaan n'yo siya?" usisa ni Commander Simeon.

Nangunot naman ang noo ni Vivien sa gilid ng silid, dahil sa wakas, malalaman niya na ang kasagutan sa kaniyang tanong. Naramdaman niya na lang ang kapit ni Kitkat sa kaniyang kamay kaya pilit niya itong nginitian.

Habang napalihis naman ng tingin si Levi sa sahig at hindi kumibo.

"Wala kaming masamang balak sa binibini, at lalong hindi panganib ang intensyon ng alaga ko sa kaniya," sagot ni Quentin nang mapansin niyang walang kibo ang binata.

"Nagtamo ng pinsala sa katawan ang dalaga, paano ninyo nasabing hindi masama ang intensyon ninyo sa kaniya?"

"Parte ng plano na 'to ang akto namin pagdating sa harap ng ibang miyembro ng Vindex. Noong binigay namin ang tungkulin na 'yon, kinaylangang maging marahas ang dating sa kanila para hindi kami paghinalaan. Ang nagsagawa ng pagdakip sa binibini ay isa sa pinagkakatiwalaan namin. Kung ano ang narinig niya, iyon ang susundin niya. Proteksyon ang nais namin kay Vivien at wala nang iba," saad pa ni Quentin dito.

Nangunot naman ang noo ng dalaga sa narinig dahil hindi niya maintindihan kung bakit. Hindi niya rin malaman kung dapat niya ba itong paniwalaan.

"Protektahan? Bakit?" usisa ni Commander.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownOnde histórias criam vida. Descubra agora