Chapter 57: The Ghost Town

7 4 0
                                    

MAPANGLAW na hangin, madilim na atmospera kahit papababa pa lamang ang araw. Nakakapanindig balahibong tanawin—ito ang dalang pakiramdam ng abandonadong bayan ng Banaag sa mga bisitang tatapak sa lupain nito. Ngunit mas higit pa ang bigat nito ngayong araw at tila batid na ng kalikasan ang paparating na kaganapang mangyayari palang.

Kilala ang kasaysayan ng lugar bilang lungga ng mga itim na sorsero noong panahong hindi pa ito napababagsak ng mga royal clan. Nagkaroon ng himagsikan sa pagitan ng mga salamangkero noon at naging resulta ito sa pagkaubos ng mga dark enchanter na silang namamalagi sa bayan ng Banaag.

Ang digmaan ay pinangunahan ng pamilya ng La Verna, marahil sila rin ang nakatuklas kung saan nagtatago ang mga rebeldeng grupo na sumasalungat sa kanilang pamumuno noon sa lugar. Matagal na panahon na ang pangyayari at ang naging resulta ng himagsikan ay ang pagkasira ng buong bayan.

Nanatili ang ilang mga gusali at kabahayan, ngunit kinalawang na ang bawat bakal. Inaanay na ang mga kahoy, habang nangingitim na ang mga pinturang ginamit sa bawat gusali na makikita sa bayan. Matapang na rin ang alinsangan ng kalupaan gawa nang napababayaan na ang pagtubo ng kalikasan sa lugar. Probinsyang hindi na sinakop pa ng mamamayan dahil sa madilim na kasaysayang dala nito.

Sa sentro ng bayan nakatayo ang simbahan na marupok na ang kapit ng bato. Nasira ang ilang bahagi nito noong nangyari ang labanan. Sa paligid nito nakatayo ang mga parihabang gusali na ginagawang kombensyon noong may mga nakatira pa rito. Ang daan tungo sa nasabing gusali ay patag na buhangin at hindi ito nagbabago mula pa noon hanggang ngayon.

Kasalukuyang nakatayo si Ezekiel sa kalagitnaan ng landas na magdadala sa kaniya sa simbahan, habang nakapalibot naman sa iba't ibang bahagi ang mga opisyal ng Valiente, suot ang kanilang unipormeng panlaban. Nakakalat ito sa lugar kung sakali mang hindi maganda ang kahinatnan ng harapang ito.

Sa magkabilang gilid ni Ezekiel nakapwesto sina Commander Alcazar at ang tinuturing niyang kanang-kamay na si Neo, ang matalik niyang kaibigan. Sa likod ni Simeon nakatayo si Kitkat upang ma-protektahan ito. Sa likod naman ni Neo naroon si Sylvester, handa na rin sa ano mang mangyayari ngayong gabi.

Isang araw bago sila humantong sa ganitong sitwasyon, naging pahirapan din para kay Kitty na kumbinsihin si Ezekiel na isama siya. Napag-usapan na nila ang pagsali ng dalaga sa harapang ito, ngunit nanguna pa rin ang pangamba ng ginoo kapag nandoon na 'to sa harap ng grupong walang ibang ginawa kung 'di pahirapan siya noon sa paaralan. Babawiin na sana ng binata ang pagpayag niya, pero naging makulit ang dalaga. Kapalit ng pagsang-ayon ni Ezekiel ay ang pangako niyang kapag nagsimulang kumilos ang kabilang kampo ng hindi maganda, wala siyang ibang gagawin kung 'di gamitin ang force field niya bilang panangga. At hangga't maaari, iiwasan niya ang mga miyembro ng grupo na iyon.

Suot din ni Kitkat ang uniporme ng Valiente na pinagawa para sa kaniya. Ito ay upang hindi mapansin ni Alessandro na isa lang siyang 'di hamak na kasamahan ni Ezekiel, at para hindi siya magmukhang walang muang pagdating sa pakikipaglaban. Kung hindi lang malaki ang kaniyang kuryosidad sa grupo ng Vindex, at kung hindi lang siya nangangamba para sa kaligtasan ni Ezekiel, mananatili na lang siya sa mansion kasama ng iba. Ngunit buo ang loob niyang maging protektor ng binata sa kalagitnaan ng himagsikan—kung ito ay mangyayari man.

Habang naghihintay sa katahimikan ng buong lugar, napahawak na lang si Kitkat sa kaniyang dibdib kung saan nakasabit ang binigay na kuwintas sa kaniya ni Ezekiel. Simula nang ikabit ito ng binata sa kaniya, tuwing sa pagligo niya na lang ito tinatanggal. Hinaplos niya muna ang malamig na palawit nito bago ipasok sa loob ng vest niya.

Dumating ang ilang sandali nang tuluyang lumubog ang araw at pinalitan ito ng maliwanag na buwan.

Kasabay ng pag-ihip ng malamig na simoy ng hangin, ay ang paglitaw ng pamilyar na portal sa harap nila. Isang itim at malaking sirkulong tila hihigupin ka oras na madikit ka rito.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon