Chapter 39: Alessandro

8 6 2
                                    

"HANDA na ang sasakyan, pinauna na rin namin ang ilang officer ng Valiente tungo sa Crescencia."

Natingin kaming lahat sa heneral na siyang nakaabang ngayon sa harap ng sasakyan na gagamitin namin tungo sa academy. Nangyayari pa rin ang eclipse ngayon kaya madilim ang buong kalawakan. Hindi na rin matanggal ang pangamba naming lahat sa dibdib.

Nagpaiwan sina Hannah at Chester upang masubaybayan pa ang maaaring mangyari sa iba't ibang lugar. Gayon na rin ang pagbantay nila kay aling Emma na siyang nakamasid pa rin kay Stella. Habang sumunod naman ako sa nagmamadaling sina Ezekiel tungo sa parking kung saan naroon ang mga sasakyan ng Diwata.

Bago pa man ulit ako makahakbang upang pumasok, bigla na lang humarap si Ezekiel sa 'kin upang harangan ako.

"I'm going, nandoon 'yung mga kaibigan ko at sinisiguro kong hindi ako magpapabigat sa iniyo," sabi ko na agad dito.

"Fine, 'wag ka lang lumayo sa paningin ko," hayag ni Ezekiel at hinila niya na ang kamay ko.

Alam kong medyo kampante na siya ngayon sa pagsama ko sa mga ganito kadelikadong bagay. Bukod sa dami ng inaasikaso ko sa palasyo niya at pag-aaral ko, ibinilin niya rin ako kina Neo na kapag may oras, turuan ako ng self-defense. Noong nandito pa si Stella, siya rin ang nagbibigay ng tips sa 'kin kung paano mapadadali ang paggamit ko ng force field. Kaya unti-unti rin kaming napalapit sa isa't isa ng babae na 'yon ay dahil doon.

Hindi ko pa ulit nagagamit 'yung kakayahan ko na 'yon, pero kahit papa'no, may tiwala naman na 'kong mapoprotektahan ko 'yung sarili ko.

Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa academy, pero napakalaki ng takot ko sa Vindex. Kung talagang makakapasok sila at ibababa ang barrier, hindi ko na rin alam ang mararamdaman ko. Bukod sa mga estudyante ang naroon, hindi maalis sa isip ko sina Jasmine at lalo na si Eric na parte na ngayon ng Warner. Kung sakaling kakaylanganin nilang lumaban, ang organisasyon na iyon ang una-unang haharap sa kalaban.

"Ga'no katagal ang byahe?" usisa ni Ezekiel sa tabi ko.

"Ito ang patrol ng Diwata kaya kung sa normal na sasakyan, inaabot ng siyam-siyam tungo sa academy, dito wala pang oras," hayag ng magda-drive ng sasakyan.

Pagkasabi noon, nakaramdam na agad ako ng malakas na ugong. Napakapit ako sa handle nito, pero agad ding nawala iyon at bumalik sa madulas nitong takbo. Wala kaming pananaw sa labas dahil sarado ang mga bintana sa gilid namin. Tanging 'yung nasa harap lang ang bukas at hindi ko naman iyon masilayan.

"Pero bakit nga kaya pinipilit ng Vindex na sa Crescencia nila gagawin ang ritwal? Akala ko dahil nandoon ka noon kaya do'n nila naisipan. Kung kaylangan pa rin nila ng royal blood, sa tingin mo meron silang kilala na naiwan doon sa academy?" kinakabahan kong tanong dahil hindi ako mapakali.

"Malalaman natin oras na mahuli natin sila. Nagpapunta na rin ako ng mga officer sa tinutuluyan ni Stella para abangan doon 'yung lalaki," sagot ni Ezekiel habang diretso lang ang tingin.

"You're gonna capture him?"

"I'm going to catch each and every one of them, at kapag may nangyaring hindi maganda sa kahit sinong nasa loob ng Crescencia ngayon, hindi ko alam kung anong pwede kong ihatol sa kanila," gigil na wika nito.

Hindi ko naman maiwasang mapatitig na lang kay Ezekiel dahil nararamdaman ko na naman ang bugso ng damdamin niya. Wala pa kaming kasiguraduhan sa kung ano ang nangyayari sa school, pero ramdam ko na ang alingasaw ng poot niya. Kapag nangyayari 'yon, talagang nakikita ko kung gaano kalaking bagay ito para sa kaniya.

"H-hindi po ba 'yung iba dito, nakita na ng personal 'yung Alessandro?" usisa ko sa mga kasama naming officer ng Valiente sa loob ng sasakyan.

Batid kong maraming middle-aged at matatanda ngayon na nakita na 'yung isa na 'yon. Mas matagal silang nabuhay sa 'min at hindi pa ganoon katagal nung naubos ang royal blood sa bansa na 'to.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon