Chapter 59: What Really Happened

6 4 0
                                    

NAPALUNOK ng laway si Kitty sa narinig at tuluyan nang umakyat ang pangamba niya sa maaaring maging epekto ng sinasabi ngayon ni Alessandro sa harap ni Ezekiel.

Pangalan ng ina nito ang binanggit, at kahit ilang beses na sabihin o ipakita ng binata sa kaniyang wala na itong pakielam, batid niyang hindi iyon totoo. Naaalala niya ring nasabi niya ang kaniyang teorya tungkol sa maaaring kinahinatnan ni Lucinda dahil sa panaginip niya, pero nung oras na 'yon, hindi pa sila sigurado kung tunay bang pangyayari iyon.

Napagtanto rin ni Kitty na bukod sa orihinal na grupong binuo ni Ezekiel, walang ibang nakakaalam kung sino ang magulang niya sa pamilya ng Valeria. Maski si Alessandro na kaharap nila ngayon, sinabing tita niya ito. Kahit papaano ay ginhawa ito sa kaniyang isip dahil hindi lahat ng bagay, alam ng iba tungkol sa binata. Alam ng dalaga na mas maigi na rin ito dahil naalala niyang sinabi sa kaniya ni Ezekiel na nagtatago ang ina niya dati. Tiyak siyang malalim ang dahilan nito at hindi dapat basta-basta isinisiwalat lang sa iba.

"At ano ang gusto mong sabihin, ikaw ang dahilan kung bakit nawala ang binibining Lucinda?" pagtataka ni Simeon dahil ang alam niya, nawala ito at hindi na nakita pa. Kaya naman ipinalagay na lamang ng mga Valeria na pumanaw na ito. Lalong sinamaan ni commander ng tingin ang dark enchanter. "Alessandro, hindi ba't—"

"No, no, no. Hanggang ngayon pala hindi pa rin alam ng lahat na hindi naman talaga nawala ang babae na 'yon." Umiling na lamang si Alessandro at natawa. "Hindi ko alam kung bakit bigla na lang binura ni Lucinda ang sarili niya sa publiko at wala akong kinalaman doon. Pero kung nanatili na lang siguro siyang patay sa paniniwala ko, baka hindi pa siya nadamay at buhay pa siya ngayon."

Tuluyan nang nabalot ng kuryosidad ang lahat sa panibagong kaalaman na lumalabas mula sa bibig ni Alessandro. Habang unti-unti namang namuo ang bigat sa dibdib nina Ezekiel at Kitkat sa magkaibang dahilan.

Ang isa ay dahil nanay niya ang pinag-uusapan, babaeng kahit papaano ay nakasama niya sa paglaki. Isang pigura na nag-aruga at nagmahal sa kaniya. Ang taong nagluwal sa kaniya sa mundo na 'to. Gustuhin niya mang umalma upang maiwasan ang maaari niyang malaman, hindi niya magawa dahil magiging mitsa ito ng pagtatago niya sa katotohanan.

Si Kitkat naman ay dahil may hinuha na siya kung ano ang susunod na sasabihin ng kaharap. Wala siyang ibang inaalala kung 'di ang mararamdaman ni Ezekiel sa paksang ito.

"Lucinda..." sambit ni Alessandro at bumuntong hininga. "Bigla na lang siyang sumulpot pagkatapos ng mahabang panahong paglaho niya. Nung araw pa mismo kung kaylan isinasagawa ko ang pagpaslang sa minamahal kong pamangkin na si Celestine, at sa magiging kabiyak niya dapat na si Lorenzo Elacion. God bless their soul."

"Panatiliin na lang nating totoo ang bali-balita sa 'yo—"

Napakurap na lamang si Kitkat nang biglang gumunita sa kaniya ang isang alaala na ang alam niya, sa panaginip lang nangyari.

"Lucinda showed up and tried to interrupt me, so I did her a favor. Inuna ko na siya bago niya pa maranasan 'yung ginawa ko sa angkan niya. Hindi siya namatay nung nawala siya. Pumanaw siya sa araw ng pagkamatay ng dalawang bata," nakakikilabot na paliwanag nito at ngumisi pa nang malademonyo.

"Paalam, Lucinda— Paalam, Celestine...."

Pilit na ininda ni Kitty ang memoryang pilit na nanghihimasok sa isip niya at lalo lang itong nakadadagdag sa bigat na nararamdaman niya ngayon. Sa pagkakataon na ito, napagtanto niyang tama ang hinala niya—hindi ito panaginip lang. Tunay at isa itong alaala na matagal nang nagtatago sa isip niya.

Samantala, unti-unti namang namumuo ang kakaibang galit sa dibdib ni Ezekiel. Emosyong akala niya ay hindi niya mararamdaman ukol sa ina niyang buong akala niya ay hindi na siya binalikan. Kahit papaano, umasa itong baka buhay pa si Lucinda at hindi lang nagpapakita tulad ng pagtago niya sa lipunan noon. Ngunit basag na ang paniniwalang iyon dahil sa natuklasan ngayon.

"Wala kang kasing hangal, Alessandro," nanggigigil na sabi ni Simeon. "Sa lahat ng tao, ikaw ang hinding hindi ko maiisip na gagawa niyan sa binibining Lucinda, pero iba ka na.... Ibang iba ka na."

"Alam mo, ngayon ko lang napagtanto na mali ang naging diskarte ko nung araw na 'yon. Dapat pala pinaratang ko na lang sa kaniya ang pagkamatay nina Celestine at Lorenzo. Baka sakaling nakaligtas pa 'ko at nabubuhay pa rin ako bilang isang La Verna," natatawang pahayag nito.

"Wala nang pag-asa ang pagiging sakim mo," giit pa ni Simeon at napakuyom na lamang ng kamao.

Habang hindi na natiis ni Ezekiel ang mga naririnig kaya tuluyan nang dumaloy sa buong katawan niya ang enerhiyang kanina pa nito pinipigilan. "Doesn't matter now, I'll let them retaliate on you in hell. Kasama na lahat ng kaanib mo."

Nang unti-unti nang lumiwanag ang kamao ni Ezekiel, naging alerto naman ang magkabilang kampo at umakma sa kani-kanilang pwesto. Sabay-sabay na naglabas ng enerhiya sa katawan ang bawat isa upang humanda sa susunod na mga mangyayari.

Tumakip ang ulap sa bilog na buwang saksi ngayon sa kaganapan sa bayan ng Banaag. Lalong nandilim ang paligid at tila natigil ang ihip ng hangin dahil hindi ito makasabay sa bumabalot na kapangyarihan ng iba't ibang enchanter sa paligid.

Inihanda ng lahat ang sarili at hindi na nag-aksaya pa ng panahon upang ilabas ang kanilang kakayahan.

Dahan-dahan namang umatras si Alessandro upang ililim ang sarili sa mga mananamba niya upang panoorin muna ang maaaring mangyari sa kalupaan. Matagal-tagal na panahon din bago siya nakaranas ulit nito, kaya minabuti niyang magmasid muna sa kayang gawin ng bawat isa.

Mas lalo pang pumanglaw ang kalangitan nang mabilis na sumuklob ang patong-patong na ulap sa itaas. Dahilan nang paglaho ng buwan at bituin sa langit. Kasunod noon ang pagkislap ng liwanag sa ibabaw nito at tila kuryenteng nagwawala.

Naengkuwentro na ito ni Kitty noon at napagtanto niya na agad ang susunod na mangyayari, kaya naman agad niyang inakma ang sarili at buong puwersang inilahad ang kamay.

Magkasabay na pinakawalan ng dalawang babae ang kani-kaniyang enerhiya sa buong lugar, dahilan ng matulin na pagbagsak ng ilang kidlat mula sa kalangitan tungo sa hukbo ng mga Valiente.

Ngunit bago pa man ito lumapag sa lupa, bumalandra na agad ito sa ere at inilabas noon ang balat-kayong panangga nang kumalat ang kuryente nito roon. Tila ba hinigop ng malawak na kalasag ang kidlat na pumanaog at naglaho na lamang ito.

Napaupo naman si Kitkat sa tindi ng pwersang dala ng unos, ngunit natukod niya agad ang tuhod upang tatagan ang sarili. Hindi naman nakatakas ang kaunting epekto ng pagsangga niya rito. Bahagyang napunit ang tela ng kaniyang suot sa bandang leeg. Ngunit dahil malakas ang kalasag niya, hindi siya napuruhan ng matindi at tila nagalusan lang ang kaniyang balat.

Nangunot naman ang noo ni Azure dahil muli, pumalya ang kaniyang enchantment sa kagagawan ng isang babae. Napatingin ito kay Kitkat at nang magtama ang mga mata nila, nakatanggap ito ng mapang-inis na ngisi mula sa dalaga. Nagngalit na lang ang panga ni Azure at mas lalo pang pinakulog ang kalangitan.

Nanlaki naman ang mata ni Alessandro nang masaksihan ito. "Force field..." hangang bulalas nito at sinundan ng tingin kung sino ang may gawa noon.

Ang dalagang nagtanong sa kaniya ukol sa rason ng paghihimagsik niya sa La Verna. Batid niyang nakita niya na rin ito noon sa Crescencia nung araw ng muli niyang pagbangon, pero hindi niya gaanong binigyan ito ng pansin. Ngayong nasaksihan nito ang kaya niyang gawin, nagkaroon na lamang siya ng interes sa bata. Ang force field ay isang defensive enchantment na kapag nagamay pa lalo ng may-ari nito, mahihirapan na silang tablan. Royal blood man ang enchanter o hindi.

Bigla na lang bumaba ang sulyap niya sa kuwintas ni Kitty nang umugoy ito dahil sa pwersa ng pagbagsak niya. Naagaw agad ang kaniyang tuon ng kislap ng diyamante, hanggang sa sumalubong na lang ang kilay ni Alessandro dahil sa itsura ng palawit nito.

Sandali itong natulala at akma nang aabante upang mapagmasdan ito ng mabuti, ngunit bumalik na lamang ang kaniyang diwa sa kasalukuyan nang humarang sa kaniyang pananaw ang bloke ng makapal na yelo sa harap. Pagkatingin niya sa may gawa, ang pinuno ito ng grupong sumasamba sa kaniya.

"Ano'ng plano n'yo, haring Alessandro?" malalim na sambit ni Levi rito habang patuloy na pinakakapal ang yelo sa harap niya.

"Watch and observe.... Kapag nainip na 'ko, saka ako kikilos. Gusto ko ring masaksihan kung hanggang saan ang kaya ng grupo na 'to," prenteng sabi ni Alessandro. "Huwag n'yo 'kong biguin."

Mariin namang tumango si Levi at bumaling sa mga kasama niya. "Spread out, tatapusin na agad natin 'to."

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon