Chapter 67: The Judgement II

6 4 1
                                    

HANGGANG ngayon, hindi pa rin nawawala ang panginginig ni Kitkat sa nasaksihan. Namutla na lamang ang kanyang mukha kahit na napapikit siya sa kinahinatnan ng dating propesor na si Quentin. Noon pa man, masama na talaga ang loob niya rito, ngunit nang marinig niya ang lahat kanina, kahit papaano ay hindi niya naiwasang mahabag sa mga narinig. Hindi niya rin inasahang hahatulan agad ang buhay niya sa oras na 'to. Kaya naman labis na lang ang naging dagok ng pangyayari para sa kaniya. Hindi niya na rin napigilan ang pagtulo ng luha niya.

Napakuyom naman ng kamao si Ezekiel, ngunit pinilit niya pa ring patatagin ang sarili dahil isa rin siya sa nagpasya ng hatol sa dalawa. Napakabigat na desisyon para sa unang beses ng pagpataw niya ng parusa. Gayon pa man, batid niyang ito na ang simula ng hakbang niya bilang pinuno ng hinaharap. Ngayon pa lang, kaylangan niya nang masanay.

Samantala, tila hindi na makahinga si Levi habang nakasubsob ang noo nito sa malamig na sahig. Kulang na lang ay iuntog na nito ang sarili sa pighating nararamdaman. Ito ang naging pamilya niya simula nang nawala ang angkan niya, at wala itong ibang ginawa kung 'di intindihin siya. Tinututulan ni Quentin ang naging desisyon niya noon pero naging matigas ang ulo ni Levi sa kaniyang kagustuhan. Ngayon, tila pinagsisisihan niya na ang lahat dahil sa naging kapalit. Ang pagkawala ng nag-iisang taong nagmalasakit sa kaniya.

Nagdaan ang sandali at hinayaan na lamang nilang magluksa ito. Tumahimik ang paligid, pero hindi ang opisyal ng regime.

Pagkatapos na pagkatapos ng pagkitil sa buhay ng dating propesor, agad na nagpaalam ang ilang tauhan ng regime at kasama na doon sina Diplomat Juarez at Primiera Minerva dahil sa importanteng lakad nito para sa Diwata. Ipinaubaya na ng ginang kay Ezekiel ang magiging huling hatol kay Levi at iniwan na ang desisyon sa kaniya. Bilang siya ang uupo sa trono balang araw, hahayaan na nila ito sa kaniya.

Pagkaalis ng mga bisita ni Ezekiel, hindi na rin ito nag-aksaya pa ng oras at itinuon na ang pansin sa natirang nagkasala. Hanggang ngayon ay nakasubsob pa rin ito sa sahig at tila ayaw nang bumangon pa. Sinenyasan naman ni Ezekiel ang dalawang Valiente na nasa likod nito upang iangat ang ulo ni Levi.

"Hindi na 'ko magpapaliguy-ligoy pa. Maaaring walang dumanak na dugo sa mga kamay mo, pero sa 'yo nakapataw ang pinakamabigat na parusa. Ikaw pa rin ang naging pasimuno kung bakit malaya ngayon si Alessandro," seryosong batid ni Ezekiel dito. "Iisa lang ang ibibigay kong hatol sa iniyo, kamatayan."

Hindi naman napigilang mapatayo ni Kitkat dahil sa narinig. Masyado nang brutal ang nasaksihan niya ngayong araw at parang hindi na kakayanin ng dibdib niya kapag nangyari pa ulit ito. Lalo't hindi naging iba sa kaniya si Levi kahit na alam niyang mabigat ang kaso ng binata. Higit sa lahat, ayaw niyang paniwalaan ang sarili na nanggaling kay Ezekiel ang salitang kamatayan.

Maski si Vivien, hindi rin nakatakas sa pangambang nararamdaman.

"May nais ka pa bang sabihin bago ang lahat?" ani Ezekiel dito sa blanko niyang tingin.

Nanatili namang tulala at manhid ang hinahatulan. Hindi rin ito kumibo. Wala nang pakielam ang binata sa maaari niyang kahinatnan dahil tila nawalan na rin ng saysay ang buhay niya. Kabiguan lamang ang naging dulot ng bagay na pinaghandaan niya. Binuhay nito si Alessandro, at ngayon ay mas malaya pa itong makakapaghasik ng lagim. Imbis na maging ginhawa sa mundo ang kahinatnan, mas napalala niya pa ito. Wala na rin ang kaisa-isang sumusuporta at gumagabay sa kaniya. Sa mga oras na ito, wala nang dahilan pa para magpatuloy siya sa lahat.

Nang mapagtanto ni Ezekiel na tila wala na ito sa wisyo, napabuntong-hininga na lamang ito at sumenyas na sa opisyal ng Valiente na siyang nagsasagawa ng pagbitay. Agad din itong tumalikod upang hindi na makita pa ang susunod na mangyayari.

Sinunod din naman siya ng tagabitay at tumungo na ito sa likuran ni Levi. Kasunod noon ang pagsakmal nito sa batok niya. Umakma na rin ito upang paganahin ang kaniyang abilidad.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now