Chapter 29: Unfortunate Encounter

6 6 0
                                    

HABANG nililisan ng mga residente ang kabisera kung saan nagaganap ngayon ang okasyon, dahan-dahan namang umaabante ang isang babae na siyang miyembro ng isang delikadong pangkat. Hindi pa gaanong matagal nang kumalat ang balita tungkol sa grupo ng Vindex. Naging tahimik sila ng ilang buwan at hindi rin matunton ng awtoridad kung nasaan sila.

Kailan lamang muli nagkaroon ng bakas sa kanilang galaw kaya hindi na rin ito pinalampas pa ni Ezekiel. Maaari naman itong idulog na lang sa Valiente, ang nagpapatupad ng batas sa Diwata Regime, ngunit ayaw ng binata na manahimik lang gayong nagawan siya ng mga Vindex ng masama. Higit sa lahat, ang pinaplano ng grupo ay pwedeng makahadlang sa pangarap niya sa buhay.

Azure, ito ang bansag sa dark enchanter na siyang may kakayahang gawing masama ang panahon na maganda. Nagagawa niyang lumikha ng kahit anong klaseng bagay na may kinalaman sa bagyo, tulad ng kidlat, ulan, at buhawi. Isang high enchantment, ayon kay Jasmine, dahil kasama ang mga iyon sa mismong abilidad niya. Hindi na iyon madadagdagan pa, ngunit may kakayahan pa rin siyang palakasin ito.

Kasalukuyang nasa paningin ng mga miyembro ang dark enchanter at hindi agad sila nakakibo rito. Gayon pa man, madaling umabante si Ezekiel dito upang harapin sana ang babae.

Ngunit bago pa sila makagawa ng kilos laban dito, bigla na lang nagbagsakan ang matutulis at parang bomba na kidlat mula sa kalangitan. Nagsimula na ring bumuhos ang ulan na siyang nagpalabo lalo ng presensya niya sa gitna.

Dahil sa malakas na pagsabog at yanig ng lupa mula sa maliwanag na kidlat, agad ding umalingawngaw ang sigawan ng mga taong papalabas pa lamang sana ng kabisera. Ang mga lakad nila kanina ay napalitan ng pagtakbo at taranta. Ang mga magulang ay nagkani-kaniyang bitbit sa mga anak na dala nila, habang nagkakabungguan naman na ang iba dahil sa biglang paggulo ng buong paligid.

Naalarma ang mga lokal na opisyal ng Palomo dahil sa hindi inaasahang pangyayari na ito, kaya naman madali silang nagsisigaw upang paalisin ang mga residente sa lugar. Ang mga booth na tinamaan ay nag-uusok na dahil sa pagliyab ng alab dito mula sa kidlat. Naapula rin ang apoy dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan, gayon pa man, ito ang higit na nagpasira ng magandang tanawin kanina sa kabisera.

Malademonyo namang napangiti rito si Azure na siyang may pakana ng lahat. Nang masiyahan na siya sa takot ng mamamayan at kagimbal-gimbal na tanawin, madali rin itong tumalikod upang lisanin na ang kabisera.

Ngunit bago pa man ito makalimang hakbang, madaling sinugod ni Ezekiel ang kinaroroonan nito. Dahil sa nalikom niyang enerhiya mula sa paligid, nagamit niya ito upang pataasin ang kaniyang pisikal na aspeto. Bagay na ngayon niya lamang nilabas dahil kaylangan niyang ilihim ang kaya niya pang gawin noon.

"Ezekiel!" hiyaw ni Kitty nang bigla na lang mawala sa tabi niya ang binata. Madali siyang tumakbo upang sundan ito.

Nang marinig ito ng mga kasama nila, agad din silang naalerto at sinundan na ng tuluyan si Ezekiel.

Nang maramdaman naman ni Azure na tila may papalapit sa kaniya, agad 'tong lumingon sa likuran. Nanlaki ang mata nito nang mapansing ilang dipa na lang ang layo ng humahabol sa kaniya ngayon.

Madaling inangat ng dark enchanter ang kaniyang palad at buong lakas itong kinampay. Kasabay noon ang muling pagbagsak ng nakabibingi at pasabog na kidlat sa gitna nila.

Parehas silang napaatras, habang natigil naman ng ilang sandali ang iba pang kasama ni Ezekiel.

Naningkit na lang ang paningin ni Azure nang mamukhaan kung sino ang humahabol sa kaniya ngayon. Umakyat man ang kaba sa kaniyang dibdib dahil hindi maintindihan kung bakit ito nandito, minabuti niya nang mag-isip ng paraan upang tumakas. Lalo't napansin na rin niya ang ilan pang kasama nito sa likuran na sumusunod sa kaniya.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now