Chapter 80: The Hidden Sanctuary, Manara

8 4 0
                                    

MALAWAK ang isla ng Manara at mas tanaw pa ang pagka-ekstensibo nito dahil nangunguna pa rin ang kalikasan. Iisa lamang din ang nayon na itinayo upang pamugaran ng mga taong nangangalaga rito. At kahit na iisang pulo lamang ito, halos kumpleto ang isla sa likas na yaman ng mundo.

Hindi lalagpas sa limang daang katao ang populasyon, at tila iisang pamilya ang mamamayan dahil magkakakilala ang bawat isa. Hindi rin nagkakalayo ang estilo ng mga tahanan na gawa sa kahoy at pinatibay ng puting semento.

Dahil nagbabadya na rin ang pagdilim ng kalangitan, nag-aalab na ang mga sulo na nagsisilbing liwanag ng mga daan sa nayon ngayon. Tila isang modernong tribo na siyang pasulong palang sa pag-usbong.

Hindi rin maikakaila ang dalang kapayapaan ng simoy ng hangin mula sa yamang gubat na nakapalibot dito. Tahimik at napakabanayad ng bawat tapak nila sa lupa.

Pagkarating ng grupo sa sentro ng baranggay, doon nila natagpuan ang ilang madla na nagpapalipas ng oras sa liwasan ng bayan. May mga bangko na nakakalat at ilang kubol kung saan nag-aalok ang mga tindero ng pagkain at inumin. Meron ding pwesto kung saan nakalapat ang firepit upang makapagpainit doon ang mga tao. May mga bata ring naglalaro sa gilid at umaalingawngaw ang tawanan nila.

Sandali ring natigil ang usap-usapan sa pagitan nila nang dumaan ang grupo ni Lorenzo. Nagtataka at naiintriga man, malugod pa ring binati ng mga tao ang bagong dating sa kanilang bayan.

Hindi rin maalis ang tingin ni Kitkat sa mga ito at bahagya na lang siyang yumuko upang magbigay ng galang sa kanila. Hindi niya rin napigilang mapangiti sa mga batang tila walang iniintinding problema at patuloy lang sa pakikipaglaro nila sa isa't isa.

Nagpatuloy pa ang mga ito sa paglalakad, hanggang sa marating nila ang napakalawak na taniman kung saan samu't saring gulay at prutas ang nakatanim. Sa malayong hilaga nito matatanaw naman ang mga hayop tulad ng mga baboy, tupa, at iba pang inaalagaan ng mamamayan. At sa dulo naroon ang isa pang kubo na may kalakihan kumpara sa iba.

Pagkarating doon, napansin na lang sila ng babaeng may edad na. Binibilang nito ang nakasalansan na troso sa kubol, at napalingon na lamang nang maramdaman ang presensya ng mga dumating.

"Ginang Alma," bati ni Lorenzo at bahagya pang yumuko sa kaniya.

Nanlaki naman ang mga mata ng matanda at napatingin kay Valentin na siyang kabababa lang sa tabi ni Lorenzo. Hindi ito makapaniwalang lumapit sa harap ng dalawa at nagsalita, "Lo-Lorenzo?"

Napatango lang ang binata rito, habang napatakip naman sa bibig ang ginang at tila maiiyak na.

"At ikaw... ikaw na ba 'yan, Valentin?" baling naman nito sa isa pang lalaki. "Diyos ko, hindi ko na kayo halos nakilala. Halina't pumasok kayo sa balay, hinihintay ka ni Matias, Lorenzo."

Sumang-ayon na lang ang mga ito at ginabayan sila ng matanda papasok sa loob ng kubo. Agad din silang sinalubong ng isa pang ginoong bakas na rin ang kulubot sa noo. Suot pa nito ang sombrerong gawa sa dayami. Nang makita niya ang dalawang binata at mga kasama nito, laking tuwa niyang pinaupo ito sa hapag-kainan nila.

"Nasaan si Quentin?" sabik na tanong ni Matias sa kanila.

Napayuko na lang si Lorenzo nang muling marinig ang pangalan nito at umiling na lang.

Napalitan din agad ng lungkot ang mga mata ni Matias dahil nakuha niya na agad ang nais nitong iparating. Gayon pa man, binalik niya rin agad ang kaniyang ngiti at tinapik pa ang braso ni Lorenzo. "Ang mahalaga ay nandito ka na, hijo. Mananatili ka na ba rito?"

"Kung ayos lang sana sa iniyo, hihingi kami ng pahintulot n'yong manatili na kami dito," nahihiyang wika ni Lorenzo.

"Tinatanong pa ba 'yan? Utang ng Manara sa Elacion ang kalayaan namin dito, at hindi ba't sinabi na naming tahanan mo na rin ito?"

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now