Chapter 27: Observing

12 6 1
                                    

[THIRD PERSON'S POV]


TUWING lunes ng umaga, parating nagaganap ang tiyangge sa kabisera ng Palomo. Hindi mahulugan karayom ang tao sa buong lansangan dahil sa dami ng taong namimili. Ipinapasara rin ang daan sa tuwing nangyayari ito mula umaga hanggang tanghali. Samu't saring tinda ang nakakalat, habang marami ring naglilibot lang upang tumambay at gumala.

Napagpasyahan ng miyembro ni Ezekiel na maglakad-lakad dito upang kahit papaano ay makakuha ng kahit anong impormasyon. Sa dami ng tao ngayon sa kabisera, meron silang katiting na pag-asang may mapapala ang pag-imbestiga nila.

Hiwa-hiwalay na sector ang pinuntahan ng bawat isa sa kanila. Magkakasama ang tatlong lalaki sa pwesto kung saan nakahilera ang tindahan ng mga kagamitang pambahay. Nagtitingin-tingin ang mga 'to habang alerto pa rin ang pagmamasid nila sa mga taong dumadaan sa kanilang paningin. Dahil namataan ang isang Vindex sa Palomo, hinala rin nila na baka may kasama pa itong iba.

Nakakalat din ang mga ahente ng Valiente sa iba't ibang lugar upang magmasid kung may kahina-hinala bang aktibidad sa paligid. Gano'n na rin ang ginagawa ng lokal na opisyal upang tulungan sila.

Mula kanina, wala pa naman silang napapansin at mukhang normal lang ang buong paligid. Nahihirapan din silang isa-isahin ang mga nasa paligid dahil sa sobrang dami ng tao.

Samantala, magkakasama naman ang tatlong babae sa bahagi kung saan nakapwesto ang mga tindang gulay at prutas. Magkahawak ang kamay nina Kitty at Hannah habang tumitingin ng paninda sa isang stall. Gamit ang enchantment ni Kitkat, dinadamay niya na rin ang isip ng kasama upang mas maging ligtas sila mula sa mga kapangyarihang may kinalaman sa isip.

Habang pilit namang pinalalawak ni Hannah ang kaniyang abilidad upang marinig ang isip ng mga nakapalibot sa kanila. Batid ng dalaga na may panabla ang mga Vindex sa kaniyang kayang gawin, gawa na rin ng insidente noon sa eskuwelahan. Gayon pa man, sinusubukan pa rin nito ang lahat upang matunton ang kanilang pakay dito.

Si Stella naman ay nakahiwalay sa dalawang kasama dahil sa sarili nitong pagmasid. Kumpara sa dalawang babae, mas may kakayahan itong protektahan ang sarili niya. At siya ang higit na nakaaalala sa itsura ng namataan nilang dark enchanter noon. Malabo na ito sa isip niya, ngunit sigurado siyang makikilala niya ito kapag nakita niyang muli.

Habang pinapasadahan ni Stella ng tingin ang mga prutas, naagaw ang atensyon niya sa katabing tindahan. Agaw-pansin ang pakete ng masasagana at namumulang strawberry dahil isa na lang itong natitira. Hindi naman naiwasan ng dalaga na magmadali roon upang kuhanin ang pinakapaborito niyang prutas. Ang stall lang na iyon ang nakita niyang may tinda nito kaya naman ayaw niya nang palampasin pa ang pagkakataon.

Bago pa man tuluyang madukot ni Stella ang pakete ng strawberry, nagitla na lang ito nang may mas nauna sa kaniya. Mabilis na nadampot ng nasa likod niya ang huling prutas na inaasam niyang mabili.

"Hey! That's mine—" Bigla na lang natigil si Stella pagkalingon na pagkalingon niya sa kung sino man ang sumingit sa kaniya.

Ang inis na sandali niyang naramdaman ay napalitan ng matinding kaba. Habang agad niya ring binalik sa harap ang tingin niya bago pa man siya makita ng lalaki sa likod. Wala pang segundo ang lahat ng iyon, ngunit mabilis ring gumunita sa isip niya ang larawan ng taong nagpakilabot sa kaniya ng matindi.

Matangkad ang lalaking may hawak ngayon ng prutas sa gilid ni Stella. Saglit na saglit lang, ngunit tila hindi na maalis sa isip ng dalaga ang itsura nito. Tirik man ang araw, litaw na litaw pa rin ang pagkaputla ng balat nito. Nakapusod ang itim na buhok ng lalaki, habang wala pa ring emosyon ang malalim niyang mga mata.

Tikom ang bibig ng lalaki at madaling hinagis ang bayad niya sa tindera. Nang paalis na ito, natigil na lang siya nang dumaan ang tila pamilyar na halimuyak sa kaniyang pang-amoy. Dahan-dahan nitong pinihit ang katawan sa katabi at inilapit pa ang mukha sa gilid nito. Napapikit na lang ang lalaki habang inaamoy ito.

Pigil naman ang paghinga ni Stella sa tabi at bahagya pang nilihis ang kaniyang leeg upang hindi siya makita nito. Napakagat-labi na lang ang dalaga nang maramdaman niyang parang kinikilatis siya. Bago pa man kumilos ang lalaki ng hindi maganda, madaling naglakad ang dalaga sa katabing stall at nagkunwaring namimili doon ng gulay.

Tila bumalik naman sa ulirat ang lalaki at napadiretso na lang ito ng postura. Hindi na rin ito nagtagal at nag-umpisa nang lumayo sa kinaroroonan kanina.

Nang maramdaman ni Stella na wala na ang presensya niya sa tabi, madali nitong sinundan ng tingin ang likod ng papalayong lalaki. Sigurado siya sa kaniyang kutob na ito ang miyembro ng Vindex na nakaharap niya noon. Sa tindig at kakaibang dating palang nito, hindi siya pwedeng magkamali.

Habang nakapako ang tingin sa direksyon ng lalaki, aligaga itong umatras upang lumapit kina Kitty at Hannah na silang nasa hindi kalayuang tindahan lang. Nang makatabi niya ang mga ito, agad na kumapit si Stella sa braso ng mind reader.

"Hey, sundan mo ng tingin 'yung isa na 'yon," bulong ni Stella at tinuro ang likuran ng binata na siyang nakasuot ng itim na jacket. Nakababa ang kaputsa nito kaya naman agaw-pansin pa rin ang nakapusod niyang buhok. "I think that's him, 'yung halimaw na nakaharap natin sa academy."

Sumalubong ang kilay nina Kitty at Hannah sa narinig. Madali nilang binaling ang tingin doon sa tinutukoy ni Stella at sinundan na rin ito ng tingin. Nang mapansin ito ni Hannah, agad niyang hinila ang dalawa upang unti-unting umabante para hindi ito mawala sa tingin nila.

Pilit namang tinutuon ni Hannah ang enchantment niya rito upang marinig kung meron man itong iniisip. Kahit na nahihirapan siya dahil sa ingay mula sa ibang tao, pinilit niya pa ring hanapin ang manggagaling mula sa kaniya.

"Ano, may naririnig ka ba sa kaniya?" madaling usisa ni Stella rito.

"Are you sure na siya 'yon?" ika naman ni Kitty sa kaibigan.

"I'm sure! Hindi ako pwedeng magkamali. Wala nang mas kikilabot pa sa isa na 'yon."

"Ibig sabihin nandito nga siya? 'Yung gargoyle?" kinakabahang sabi naman ni Kitty.

"Shh, I can hear something," ani Hannah at pilit pa ring sinusundan ng tingin ang papalayo nang lalaki.

Hanggang sa tuluyan na nila 'tong hindi natanaw dahil kinain na ang presensya nito ng kumpulan ng mga tao. Hindi na rin nila pinilit pang sundan ito upang hindi sila mahalata. Ang mahalaga ngayon, nakumpirma na nilang nasa lugar na 'to ang isang miyembro ng Vindex.

"Ano'ng narinig mo? Wala siyang pang-block sa enchantment mo?" hayag ni Stella rito.

"Mukha nga..." sagot naman ni Hannah rito.

"So, ano nga 'yung narinig mo?" pangungulit pa ni Kitty rito.

"Pangalan, isang pangalan lang 'yung narinig ko at paulit-ulit 'yon."

Pinaningkitan naman ng tingin nina Kitty at Stella si Hannah at hinintay pa ang susunod nitong sasabihin.

"Vivien... that was the name that I heard."

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now