Chapter 31 *Ang Ulan*

27 3 0
                                    

Wala na si Kristal.

Napapatanong tuloy si Emerald sa sarili. Sandali lang naman silang nagkasama, ngunit bakit ang bigat? Bakit may kirot?

Kinuha ni Emerald ang kwintas na hugis itlog at inilagay iyon sa mga kamay ni Kristal. Batid kasi niya kung gaano kahalaga ang bagay na iyon sa dalaga.

Pagkatapos ay inilibing na nila ito.

"Hindi pa lumulubog ang araw. Kailangan na nating magpatuloy," ani Lexus.

Muli na nga silang lumakad.

Nakalayo na sila. Wala nang ibang tao nang biglang magliwanag ang lupang pinaglibingan kay Kristal.

Habang naglalakad, napansin ni Lexus na wala nang mga palaso na sumusugod sa kanila. "Sa palagay ko, tapos na ang pagsubok sa araw na ito," sabi niya.

"Iyon din ang palagay ko dahil natalo na natin ang kalaban," dagdag naman ni Zyra.

Walang naging reaksyon sina Emerald at San.

Alam nina Lexus at Zyra na dahil iyon sa pagkawala ni Kristal kaya nga nagpasya sila na hindi na lang din muna magsalita.

Nagpatuloy sila sa paglalakad nang may biglang tumunog na sirena.

"Ano iyon?!" Napabulalas si Lexus.

Napahinto silang apat at napatuon sa tunog.

Halos dalawang minuto rin ang itinagal ng sirena. Nang matapos ito ay mayroong boses na nagsalita.

"Binabati ko kayo. Naipasa n'yo ang nakaraang pagsubok!" Kay Hugo ang tinig na iyon. "Ngayon ay tumuloy lamang kayo sa paglalakad. May makikita kayo na isang bahay tuluyan. Manatili kayo roon at magpahinga dahil bukas sa pagsikat ng araw, muling magsisimula ang pagsubok. Nasa ulan ang panganib," sabi ni Hugo.

"Susundin ba natin ang sinabi niya?" tanong ni Zyra.

"Mukhang wala naman tayong mapagpipilian," ani Lexus.

Sinunod nila ang sinabi ni Hugo. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makita nga nila ang isang bahay tuluyan. Luma na ito. Gawa sa bato at may dalawang palapag.

Pagdating dito ay nakita nila ang iba pang mga alipin. Kabilang na si Mia. Nasa dalawampu ang bilang nilang lahat.

Nagkatinginan pa sila bago nagpasya na pumasok sa loob ng bahay.

Mga higaan na may unan at kumot ang bumungad sa kanila. Ganoon din ang laman ng ikalawang palapag.

Ang totoo'y nakakahalina ang mga ito, lalo sa kanila na labis na ang pagod, ngunit hindi nila magawang humiga. Hindi nila magawang magpahinga. Wala sa kanila ang gustong magpikit ng mga mata sa takot na muling maganap ang nangyari noong nakaraan. Noong may isa sa kanila na kinuha, ginaya at pinaslang.

Bukod doon ay marami pa silang mga katanungan.

Ano ang pagsubok bukas?

Anong kinalaman ng ulan?

Kakayanin ba nila?

Lahat sila ay may ganoong mga tanong sa isip.

Maliban sa isa. Maliban kay Mia.

Pinili nito ang higaan na malapit sa bintana at doon ay naupo. Tumungo ito at pumikit.

"Tama. Mali na tumayo lamang. Dahil kung papagurin natin ang ating mga sarili, baka hindi natin kayanin ang pagsubok bukas," sabi ni Lexus. "Ang mabuti pa, magpahinga na tayo. Umasa tayo na buhay pa rin tayo pagkagising natin," mungkahi niya.

Doon napanatag ang lahat. Isa isa na silang humanap ng mahihigaan.

Sa ikalawang palapag pumunta ang grupo nina Lexus.

Si Emerald ay tumungo sa bandang sulok. Naupo siya roon at nagyupyop ng mukha.

"Magpahinga na tayo," sabi ni Lexus. Umupo na sila at nagpasya nang matulog.

Mabilis nakatulog si Zyra. Ganoon din naman si Lexus.

Si San ay nakapikit, ngunit gising pa rin. Bukod kasi sa kanilang apat ay mayroon silang kasama na anim pang alipin dito sa ikalawang palapag kaya hindi siya mapakali. Gumaan lamang ang loob niya nang marinig niya ang paghilik ng mga ito.

Si Emerald naman ay gising na gising pa rin. Hindi niya magawang makatulog dahil pumapatak ang mga luha mula sa kanyang mga mata.

Bakit ba ako pumayag sa kasunduan na iyon? Naalala ni Emerald ang nangyari sa Cronus. Kung puwede ko lang sanang magamit ang kapangyarihan ko, kung kaya ko lang sana... mas magkakaroon ako ng silbi. Hindi sana mangyayari ang lahat ng ito. Hindi sana kami mamamatayan ng isang kasama. Hindi pa rin nakakalimutan ni Emerald ang nangyari kay Kristal. Kasalanan ko ito. Kasalanan ko dahil mahina ako. Napakahina ko.

Iyon ang mga saloobin ni Emerald na dinaan na lamang niya sa mahinang pag-iyak. Hanggang sa makatulog siya. 




NAGISING ang lahat dahil sa malakas na sirena. Ang mga nasa ikalawang palapag ay bumaba.

Katulad noong nakaraan, nagsalita si Hugo pagkatapos ng sirena. "Gumising na kayo at maghanda dahil ito na ang huling pagsubok!" sabi ni Hugo. "Matatapos ang pagsubok sa oras na huminto ang ulan."

"Ulan?" Napasilip sa bintana si Zyra. Walang ulan, ngunit pagkalipas ng dalawang segundo ay bigla na nga itong bumuhos.

Kasabay noon ang mga malalakas na sigaw at huni ng mga hayop.

"Tingnan n'yo!" Isa sa mga alipin ang nagturo sa ang mga hayop na nagtatakbuhan sa labas.

"Dapat n'yo rin tandan... na hihinto lamang ang ulan kapag lima na lang kayo na natitirang buhay," dagdag ni Hugo.

Dito na nagkatinginan ang mga alipin na nasa bahay tuluyan.

"Kalokohan 'to!" sabi ng isa sa mga alipin. Agad itong tumakbo palabas ng bahay tuluyan. "Aaaahh!" sigaw nito dahil pagkalabas na pagkalabas—nang mabasa ng ulan ay bigla itong nasunog. Bumagsak ito na wala nang buhay.

Biglang natahimik ang iba pang mga alipin dahil sa kanilang nakita. Bakas sa mga mukha nila ang pagkagulat, ngunit dahil dito ay naging malinaw sa kanila na ang sinomang mabasa ng ulan ay masusunog at mamamatay.

"M-May inilagay sila sa tubig ulan!" nabubulol na wika ni Lexus.

"Mukhang naiintindihan ko na ang pagsubok na ito. Gusto nila na magpatayan tayo!" sabi naman ni San.

"Kalokohan ito! Ayoko ng ganito!" Isang lalaki ang biglang naglabas ng itak. "Marami na akong pinagdaanan. Hindi ako puwedeng mamatay rito!" Susugod na siya nang bigla siyang mapasuka ng dugo. Naunahan siyang saksakin sa likod ng isa ring alipin na naroon. Bumagsak siya.

Dahil sa pangyayaring iyon ay nagkagulo ang iba pang mga alipin. May apat--isang babae at tatlong lalaki ang isiniksik ang sarili sa gilid ng bahay. Mayroon namang nagtakbuhan papunta sa ikalawang palapag. Tatlo sila na puro lalaki, ngunit bago pa man makalayo ay nasundan sila ng lalaking nanaksak. May gamit itong espada na siyang pinangtapos niya sa mga ito na nagtangkang umakyat.

Apat agad ang napabagsak niya.

Hindi naman nakilos ang grupo nina Emerald. Ganoon din si Mia at ang lima pang alipin. Isang babae at apat na lalaki.

Nakikiramdam lamang sila.

Pero nagtataka si Lexus. Saan galing ang espada ng lalaking nanaksak? Nagkaroon siya ng hinala. Sa palagay niya ay hindi ito nag-iisa. May mga kasama ito na siguradong may mga sandata rin.

Labinglima na lang sila ngayon. Ibig sabihin ay sampu pa sa kanila ang kailangang mamatay at sampu rin, kasama si Mia ang hindi nila puwedeng pagkatiwalaan.

"Hoy!" Isang babaeng alipin ang nagsabi noon. Nasa likod ito ni Lexus.

Dahan dahan itong nilingon ni Lexus.

"Naapakan mo ang paa ko," sabi ng babaeng alipin.

Marahang tinanggal ni Lexus ang kanyang paa. Kasunod noon ang mabilis na pagkilos ng lalaking may dalang espada. Sinugod niya si Lexus.

"Lexus!" Halos sabay na sigaw nina Emerald at San.

Pagkatapos ay may kulay pulang dugo na tumaksik sa sahig.

The Royal Slave (Book 2 Of PIV)Where stories live. Discover now