Chapter Forty One

41.3K 1K 63
                                    

Ilang beses pang kumurap si Joy para lang kumpirmahin kung tama ba ang nakikita niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na naroon nga si Ian at ngayon ay nasa harap na ng altar para hintayin siya. Buong akala niya talaga, hindi siya sisiputin nito.

Hindi niya na napigilang mapaiyak dahil doon. Agad naman siyang dinaluhan ng mga kaibigan niya.

"Hey! Hindi ko alam kung ano na ba talaga ang gusto mong mangyari! Nung hindi pa dumarating, umiiyak ka. Ngayong dumating, umiiyak ka pa rin. Buti na lang waterproof 'yang mascara mo kundi mukha ka nang white lady sa Balete drive!" sita sa kanya ni Aya.

Natawa siya sa sinabi nito pero patuloy pa rin ang pagtulo ng luha niya.

"Tumahan ka na. Baka pumangit ka sa wedding pictures mo sige ka," sabi naman ni Jacky.

Pinilit niyang kalmahin ang sarili. Himinga pa siya ng malalim saka ngumiti nang malapad.

Pinunasan ni Lana ang pisngi niya gamit ang tissue paper. Si Genna naman, kinuha ang bitbit nitong make-up kit para i-retouch siya.

"Mag-i-start na tayo," nakangiting tawag sa kanya ng wedding coordinator nila.

Tumango naman agad siya. Naunang bumaba ang mga kaibigan niya para pumila. Siya naman, naiwan sa karwahe para hintahin ang pang-entrada niya.

Nagsimula nang mag-martsa ang lahat. Umandar na rin ang karwaheng sinasakyan niya papalapit sa make-shift entrance ng venue nila. Pinuno ng dahon ang entrance at may mga bulaklak iyon. May mangilan-ngilan ding baging na nakalawit para magmukha kang papasok sa kagubatan.

Nang tumapat ang sinasakyan na karwahe roon, sinalubong siya nina Brad at Lander para alalayan siya pababa. Nginitian niya ang mga ito at iniabot ang dalawang kamay.

Nasa harap ng altar si Ian at nakatitig lang sa kanya. Ang mga magulang nito ay nasa gilid nito at hinihintay rin siya. Ang kuya niya, bilang best man ay nasa likod ni Ian.

Napag-pasyahan nila na mag-isa na lang siyang maglalakad sa isle at gampanan na lang ng ni Patrick ang pagiging best man nito. Para sa kanila naman kasi, nasa tabi niya ang mga magulang para ihatid siya sa altar.

Sa paligid ng venue, may mga inilagay na mga halaman bilang haligi. Ang isle, punum-puno ng iba't-ibang bulaklak. Tinignan niya ang mga abay na nasa harap na. Napangiti siya nang makita ang suot ng mga ito. Kulay orange iyon, na halos kakulay ng sunset. Siya ang pumili ng kulay at hindi naman umangal si Ian. Kung tutuusin nga, hinayaan lang siya nitong mamili ng lahat. Ang mahalaga lang raw rito ay ang makasal sila.

Bumilis lalo ang tibok ng puso niya nang marinig ang tugtog na pangkasal. Tinignan niya si Ian habang inihahakbang ang paa niya. Dahan-dahan ang ginawa niyang paglakad habang hindi inaalis ang tingin kay Ian. Natatakot kasi siyang baka bigla na lang itong maglaho oras na umiba siya ng tingin.

Hindi niya na naintindihan kung anong sinabi ng mga magulang ni Ian nang makarating siya sa harap ng altar. Nakisabay na lang siya sa agos at humalik sa pisngi ng mga ito.

Nang bumaling siya kay Ian, nakagat niya ang labi niya. Hanggang sa mga oras na 'yun ay hindi pa rin siya makapaniwalang naroon talaga ito. Kaya naman imbis na abutin ang kamay nitong nakalahad sa harap niya ay walang anu-anong niyakap niya ang mapapangasawa.


~*~


Sandaling napatulala siya nang yakapin siya ni Joy. Sobrang higpit pa nun at kalaunan ay hindi niya napigilang mapangiti. Hinalikan niya ito sa ulo saka ginantihan ng yakap.

He's My BrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon