Chapter 5

2.3K 110 12
                                    

(Errol)

"Sino ba kasi nagsuggest na dito tayo kumain?" Galit yata si Ivan.

Inaayos ni Monique ang buhok. "Hindi ko naman kasi alam na pangit ang service nila." Sumimangot ito.

"H'wag na tayong magtalo," saad ko. "Baka kasi nagkaproblema lang dahil sa mga nangyari sa Manila."

"Grabe!" Sinapo ni Ivan ang noo at umiling. "Isang oras bago dumating ang pagkain tapos di maganda lasa."

"H'wag na kayo magalit," saad ni Monique na nagmakaawa. "Libre ko na lang kayo somewhere else. O, di ba? May somewhere else na akong nalalaman. H'wag kayong ano diyan!"

"Hindi naman ako nagagalit." Ngumiti ako. "Okay na. Nakakain naman kahit paano."

Lumapit si Monique sa akin at bumulong. "Yung jowa mo nakakatakot pala pag galit, parang mangangain ng tao."

"Hindi naman."

"Naku, mag-ingat ka diyan. Naku, Errol, sinasabi ko sa'yo..."

Lumapit ako kay Ivan at pinatong ang kamay ko sa balikat niya. "Huy, kalma lang."

Napanatag ako nang himasin niya ang kamay ko. "Okay lang ako, baby. Nakakainis lang kasi."

"Wala namang kinalaman si Monique. Di naman niya alam..."

"Di ko naman sinisisi eh. Naiinis lang ako sa restaurant na 'to."

"Basta, okay ka lang ha. Nakakatakot ka pa naman pag nagagalit."

Hinimas niya ang likod ko. "Sorry, sorry." Lumingon siya kay Monique at nagsorry din. "Balik na lang tayo ng Munti, tambay tayo sa coffee shop."

Sasagot sana ako nang marinig ko ang tili ni Monique.

"Shet! Magnanakaw! Ang bag ko!"

"Huy!" Hindi ko na nilingon si Ivan.

"Errol, h'wag na..."

Hindi ko na marinig ang karugtong ng sigaw ni Monique. Hinabol ko na ang magnanakaw. Matulin ang kanyang takbo. Lumiko ito sa isang makipot na daan at lumabas sa isang kalsadang puno ng mga sasakyan. Kailangan ko siya makita.

Mabilis akong umakyat sa tuktok ng jeep. Ayon siya, mga ilang metro mula sa kung nasaan ako. Isa sa mga natutunan ko sa training ay kung paano gumalaw nang mabilis. Gawin mo ang pinakamalayong hakbang na kaya ng katawan mo. Gamitin mo ang bawat masel, hindi lang ng mga binti at hita mo, kundi ng buo mong katawan. Ibuka mo ang bibig mo dahil kelangan ng katawan mo ng mas maraming oxygen. Talasan mo ang iyong paningin. Pero matagal ng matalas ang paningin ko, simula nung napunta sa akin ang liwanag.

Lundag ako nang lundag sa mga tuktok ng sasakyan at pedicab. Hindi ko na pinansin ang mga tao sa paligid. Mga distractions sila. Dapat kapag may hinahabol ka, nakatuon ang atensiyon mo sa kanya at sa daanan mo. Ang mga nasa paligid ay hindi importante sa equation.

Dinig ko ang tunog ng pagtama ng paa ko sa tuktok ng mga sasakyan pati na rin ang hiyawan ng mga taong nasa paligid. Pwede namang hindi ko habulin. Pwede namang hayaan ko lang mawala ang mga gamit ng kaibigan ko. Pero ano ang silbi ng mga natutunan ko kung hindi ko maipagtanggol ang mga kaibigan ko?

Walang anu-ano'y lumundag ako at sinunggaban ang lalaking may hawak sa bag ni Monique. Hindi mo aakalaing magnanakaw siya. Disente ang itsura. Malinis ang suot. Parang ordinaryong tao. Pero... Isang sapak ang dumapo sa mukha niya. Hinila ko siya sa kwelyo nang akmang tatakbo siya. Tumama ang siko ko sa panga niya. Tinulak niya ako, ngunit muli kong hinila ang kwelyo niya. Muling sinalubong ng kamao ko ang mukha niya. Hinatak ko ang pink na bag. "Magtrabaho ka!"

Bigla niyang nilabas ang balisong niya. Napaatras ako nang galawin niya ang patalim sa harap ko. Ilang beses lang akong nakapag-defensive training para sa knife attacks. Okay. Bahagya akong yumuko, inatras ko ang isang paa, at binaluktot ang mga tuhod. Kapag ganito kelangan masiguro mo ang balanse mo. Tigasan mo ang mga masel sa mga hita't binti mo. Dapat daw nakaabang ang mga tuhod mo sa susunod na aksiyon. Nakatuon ang atensiyon ko sa patalim niya.

Yumuko ako nang akmang sasaksakin niya na ako. Sinalubong ng palad ko ang bisig niya. Isang suntok ang dumapo sa ilalim ng kanyang braso malapit sa kilikili. Mabilis kong nailayo ang bisig niya. Isang suntok sa clavicle ang nagpadaing sa kanya. Alam kong tinamaan ko ang brachial plexus niya. Dinig ko ang tunog ng pagbagsak ng patalim sa semento. Bumagsak rin sa kalsada ang lalaking dumadaing habang namimilipit sa sakit at hawak-hawak ang kanang balikat.

Doon ko lang namalayan na nasa matrapik na kalsada ako. Halos hindi umaandar ang mga sasakyan. Pero nagulat ako nang makita ang mga taong nakamasid sa paligid. Ang iba ay may hawak na teleponong itinutok sa akin. Ang iba ay nagpalakpakan. Ilang sandali pa ay sumimangot ang mga may hawak ng telepono at pinipindot ang kanilang telepono.

Mabilis kong nilisan ang lugar nang dumating ang mga pulis. Ayokong maimbitahan sa presinto para magbigay ng statement. Sinalubong ako nina Ivan at Monique habang pabalik ako. Inabot ko ang bag kay Monique.

"Ano'ng nangyari?" Worried ang nobyo ko.

Inayos ko ang jacket kong medyo nagusot.

"Errol..." Niyakap ako ni Monique at hinalikan sa pisngi. Awkward! "Asan na ang hayup na snatcher?" Tiningnan niya ang kumpol ng mga tao sa di kalayuan.

"Hinuli na ng mga pulis."

Hindi namin namalayan na nagpulasan na ang mga ususero at ilan sa kanila ang lumapit sa amin. "Ay, siya yung bumugbog sa magnanakaw!" sigaw ng isa sa kanila.

Napalingon ako ng hawakan ako ng isa sa kanila. "Kuya, papicture naman."

"Hindi naman ako yun." Hinubad ko ang jacket ko dahil nainitan ako.

"Ikaw yun eh," saad ng babae na medyo inirapan ako ngunit ngumiti din.

Dumami na sila. "Ang pogi mo naman. Ano Instagram mo?"

"Napagkamalan niyo lang ako."

"Bro, tindi mo makipaglaban!"

"Idol!"

Ayoko ng ganito. Lumingon ako kina Ivan at tumango. Mabilis naming nilisan ang lugar.


Enchanted Series 4: This Is It!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon