Chapter 12

2.3K 106 10
                                    

(Errol)

"Ang daming alaala nitong lugar na ito," saad ko.

Pinalibutan kami ng mga nagtataasang puno. Pumagaspas ang mga dahon na hinihipan ng simoy ng hangin. Sumisilip ang sinag ng araw sa pagitan ng mga sanga, bahagyang inilawan ang gubat. Malutong ang tunog ng mga tuyong dahong naapakan namin.

"Oo nga," sagot ni Ivan.

Tumigil ako sa paglalakad nang makita ko ang mga punong sunog ang balat. "Dito siguro nakipaglaban noon si Erik." Ang lakas ng buntong-hininga ko kahit pinuno ang lugar ng ingay ng pagaspas ng mga dahon, kiskisan ng mga sanga, at huni ng mga ibo't kulisap. Dumikit ang itim na uling sa mga daliri ko nang hawakan ko ang sunog na balat ng isang punongkahoy.

"Namimiss mo siya?" Inakbayan ako ni Ivan.

"Magagalit ka ba kung sabihin ko'ng oo?"

"Hindi. Alam ko naman na matagal kayong naging magkaibigan."

"Pero alam ko namang kung nasaan siya masaya na siya."

"Mukha nga. T'saka masakit pa rin siya manapak."

Natawa ako. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa maabot namin ang masukal na parte ng gubat. "Mabuti na lang at ginawa ni Kuya Bryan itong daan na ito. Hindi na tayo maliligaw."

"Siya pala may gawa nito? Akala ko dati na itong nandito."

"Nakwento nila ni Erik. Hindi ko rin nakita kung paano niya ginawa kasi wala na akong malay nun."

"Parang trail na siya."

"Papuntang ilog."

"Di 'to papunta sa kubo ng lolo mo?"

"Hindi yata."

"Bakit tinatahak natin 'to?"

"Kasi..." Nakita ko na ang mga pamilyar na puno. "Dito tayo." Sinuong namin ang mga talahib.

"Buti na lang naka-sweat shirt tayo."

"Sabi ko sa'yo, eh." Napalunok ako nang makita ang dating kinatitirikan ng kubo ni lolo. Tumaas na ang mga tanim sa lugar.

"Ito na ba yun?"

"Oo, Ivan."

"Ba't walang kubo?"

Sinuri ko ang lugar. May mga sunog na kahoy at sako. "Baka sinunog ng mga tauhan ni tita noon." Yumukod ako sa tabi ng mga batong maayos na nakalatag paikot sa madamong lupa.

"Sino naglibing sa kanya?"

"Hindi ko alam," mahinang saad ko. "Baka ang mga tagadito rin. Iniwan kasi natin siya noon."

Hindi na nagsalita si Ivan. Hinagod niya lang ang likod ko habang taimtim akong nakatitig sa puntod ni lolo.

"Lo, nagtagumpay ako. Salamat! Siguro magkasama kayo ni lola. Alam ko masaya na kayo. Gusto ko sana isama si nanay dito, pero hindi ko pa rin nasasabi sa kanya ang tungkol sa inyo. T'saka di na rin kaya ni nanay maglakad dito." Iniwan ko na ang mga kumpol ng bulaklak. "Lo, baka matagal pa bago ko kayo ulit madalaw dito. Babalik rin kasi ako ng Amerika sa susunod na buwan. Paalam na." Habang nagpupunas ako ng mga mata ay niyakap ako ni Ivan.

"Okay lang yan. Masaya yun si lolo mo na okay ka na."

"Sana nagkita sila ni nanay."

"Hindi ba sila talaga nagkita noon?"

"Ayaw ni lolo."

"Bakit?"

"Sa tingin ko nagi-guilty siya, nahihiya na iniwan niya si nanay noon."

Enchanted Series 4: This Is It!Where stories live. Discover now