Chapter 46

1.6K 110 82
                                    

Note: This is the last chapter before our epilogue. I decided to post this para hindi maputol ang emosyon. I'll post the epilogue on Sunday.

---------------------

(Errol)

Marami na ang nagbago sa lugar na ito. Ilang taon matapos ang sakuna sa Manila ay dinisenyohan ng walkway ng mga inhinyero ang umangat na bahagi ng dating Roxas Boulevard. Naging tanyag na pasyalan din ito.

"Ano nga ulit ang pangalan nito?" tanong ko sa katabi ko.

Ngumiti lang siya sa akin. Sa tingin ko nag-iisip din siya. Pero gaya ko hindi niya rin matandaan. Hinalikan ko siya sa pisngi. Pinisil niya naman ang tagiliran ko. Hawak ko ang isa niyang kamay. Napangiti ako habang sinusuklay ko ang maputi niyang buhok gamit ang mga daliri ko. Malamlam na ang mga mata niya. Alam ko malapit na dumating ang yugtong kinatatakutan ko.

Ramdam ko ang pagtama ng mainit na sikat ng papalubog na araw sa balat ko. Pero malamig ang kamay niya. Pinisil ko ito.

"Sixty-five years," mahina niyang saad. Humugot siya ng malalim na hininga.

"I love you." Namamaos ang boses ko, pamamaos na dulot ng katandaan. Sinandal niya ang ulo niya sa ulo ko. Mahigpit ang hawak niya sa kamay ko. "Naalala mo nung unang beses mo akong dinala dito?"

Tumango siya. Muli niyang pinisil ang kamay ko.

"Hindi pa ganito ang itsura."

Muli siyang tumango.

"Noon pa lang alam ko mahal na kita."

Parang may gusto siyang sabihin, pero tanging utal-utal na pagkakabigkas na lang ang narinig ko. Humugot siya nang malalim na hininga. Mas humigpit ang kapit niya sa kamay ko.

Dumausdos ang araw. Tila nagpapaalam na ito sa amin, parang sinasabi nitong batid niyang nalalabi na rin maging ang mga araw ko, ang mga araw na masisilayan ko ang paglubog nito. Gusto ko itong tingnan kahit nakakasilaw. Baka ito na rin ang huling pagkakataong masilayan ko ang nakakasilaw na liwanag nito. Hindi ito saklaw ng aking kakayahang kakarampot kung ikukumpara sa bagsik ng sinag nito.

Tahimik ang paligid. Ang mga tao sa likod namin ay tahimik na nagmamasid katulad namin. Ang naririnig ko ay mga yapak nila, ang huni ng mga ibong lumilipad sa himpapawid, at ang marahang paghampas ng tubig-alat sa ibabang baitang ng hagdan.

Kinain na ng tubig-dagat ang maraming baitang sa hagdang ito. Ang totoo ay ang bahaging ito ng dating Baywalk ay naging isla na. Nakakonekta na lamang ito sa Maynila sa pamamagitan ng isang tulay. Kung tatahakin mo ang tulay makikita mo ang mga abandonadong gusali at mga sirang bahay na kinain na ng tubig.

Pero masyado na akong matanda para isipin pa kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang gusto ko na lamang gawin ay manatiling nasa tabi niya sa mga huling sandali. Sa huling sandali. Sa sandaling iiwan na siya ng kanyang buhay. At ang sandaling ito ay batid kong naganap na.

Tanging mga patak ng luha na lamang ang bumagsak sa kamay niya, sa malamig na kamay niya. Hinawakan ko ang kanyang dibdib. Tumigil na sa pagtibok ang kanyang puso, ang pusong tumibok para sa aming dalawa nang napakahabang panahon. Sa huling pagkakataon ay lumapat ang aking labi sa mga labi niyang hindi na tumugon.

Gaya nga ng pinangako namin sa isa't-isa ay magsasama kami hanggang sa huli. Tinupad namin ang pangakong iyon. "Matulog ka lang sa tabi ko," bulong ko, "mahal ko."

Subalit parang sasabog ang puso ko.

Ang mga kulubot niyang palad, hinaplos ko ito. Pinadulas ko ang mga daliri ko sa mukha niya. Hindi nabawasan ang pag-ibig ko sa kanya kahit sa pagtanda niya. Alam ko ganoon din siya sa akin.

Tahimik na siya. Tanging ang pagtangis ko ang aking naririnig, nagsilbing palatandaan ng hinagpis ng naulila.

Tumingala ako sa langit, sa langit na kinakain na ng dilim sa paglubog ng araw. Sinisigaw ng diwa ko ang isang tanong. Bakit? Bakit ba sa kamatayan hahantong ang lahat? Ano ang silbi ng tuwa, ng saya, ng makukulay na sandali kung sa katapusan ay mauuwi lamang ang lahat sa pagluluksa, sa pagdadalamhati?

Mahigpit akong kumapit sa kamay niya, sa kamay niyang mahigpit ring nakakapit sa akin. Marahil sa huling sandali ay inisip niyang hawakan ako nang mahigpit upang sa tahimik niyang pamamaalam ay maramdaman ko na nasa tabi ko siya, na kahit sa huling sandali ay hindi niya ako iiwan.

Kung papanaw ako sa sandaling ito, sige, inaalay ko na ang buhay ko sa pagkakataong ito. Handa na ako. Niyakap ko siya nang mahigpit. Sa balikat niya ay pumikit ako, inasam na sana muli kong maramdaman ang init ng kanyang katawan. Kung hindi man ay sana kunin na rin ang aking buhay upang maging sa huli ay magkayakap kami, sabay na nahimlay sa habangbuhay na katahimikang biyaya ng kamatayan.

Nagulat na lang ako nang gumalaw siya. Gumalaw nga siya. Ramdam ko ang pagpisil niya sa likod ko. "Ivan?" Muli kong naramdaman ang init ng kanyang katawan.

Tumawa siya.

Agad ko siyang tinulak upang makita ko siya. Baka guni-guni ko lang.

"Huy, ano'ng nangyayari sa'yo?" Ginalaw niya ang mga hinlalaki para punasan ang mga luha sa pisngi ko. Pero mas naiyak lang ako.

Hinawakan ko ang kanyang mukha, pinisil ang kanyang pisngi. Ang saya ko. Paano nangyari? "Ivan?"

"Bakit, baby?"

Niyakap ko siya nang mahigpit. Humagulgol ako.

"Nagiging emo na naman ang baby ko." Niyakap niya rin ako nang mahigpit.

Kinalma ko ang sarili ko.

"Nagka-premonition ka na naman ba? Ano'ng nakita mo?"

Hindi ako sumagot. Hinalikan ko lang siya. Masuyong halik. Para bang sobra kong namiss ang halikan siya. Sumagot rin siya. Hindi na rin niya ako inusisa.

Panatag na ako. Panatag na ako. Wala man sigurong forever. Pero may "for as long as we live."

"Ivan, lagi mong tatandaan, mahal na mahal kita. Ikaw lang ang mahal ko at mamahalin ko."

Siguro naintindihan niya ang kung ano'ng nasa diwa ko. Kaya pumatak din ang mga luha niya. Kuminang ang bawat patak sa pagtama ng liwanag mula sa papalubog na araw. "Wabshu, baby kooo." Ngumiti siya.

Muli kaming naghalikan.

Maraming mangyayari sa hinaharap. Alam ko. At alam ko rin ang lahat ng mga pagsubok ay malalampasan namin. Panatag na ako. Payapa na ang loob ko. Dahil kasama ko siya. Dahil kasama niya ako. Dahil mahal niya ako. At mahal ko siya. Ang mahalaga ang ngayon. Siguro pinaranas sa akin ang premonisyong iyon upang pahalagahan ko ang kasalukuyan, upang pahalagahan ang para sa akin ay isang pambihirang pagkakataon.

--------------------------

Note ulit: Sana napasaya ko kayo kahit papaano. Sa kahit sa kakarampot na sandali na nakakasama ko kayo sa munting mundong ginawa natin ay nagkaroon kayo ng inspirasyon, napangiti ko kayo, o napasaya. Hindi ko alam kung sasamahan niyo pa ako sa mga susunod kong gagawin. Gayunpaman, maraming, maraming salamat sa inyo! 

Enchanted Series 4: This Is It!Where stories live. Discover now